3 lider-katutubong kontra-minahan, inaresto sa Nueva Vizcaya


Pansamantalang nakalaya ang tatlong lider-katutubo at tanggol-kalikasan na inaresto sa Kasibu, Nueva Vizcaya matapos magpiyansa.

Pansamantalang nakalaya ang tatlong lider-katutubo at tanggol-kalikasan na inaresto sa Kasibu, Nueva Vizcaya matapos magpiyansa ng kabuuang P108,000 o P36,000 bawat isa. Nahaharap sila sa mga kasong grave coercion at disobedience dahil sa pagbabarikada laban sa pagpasok ng kompanyang mina.

Dinampot ng pulisya ang mga miyembro ng Kasibu Inter-Tribal Response towards Ecological Development (Kired) na sina Leijin Dugay, Donny Dugay at June Fiataccag sa barikada ng Barangay Paquet noong Ago. 19.

Bandang 7:30 a.m., dumating sa Barangay Paquet ang nasa 40 pulis para makadaan ang pitong bariles ng krudo na gagamitin sa proyektong kalsada ng gobyerno sa Barangay Pao na may kaugnayan sa North Luzon Mineral Resources Corporation (NLMRC). Ginagamit umano sa ginagawang kalsada ang backhoe ng kompanya.

Habang nangyayari ang negosasyon sa pagitan ng Kired at mga opisyal ng Barangay Pao, inaresto ng pulisya ang tatlo.

Kinondena ng grupong Katribu Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas ang pag-aresto sa tatlong lider-katutubo.

“Karapatan ng komunidad ang mapayapang pagtitipon, magpahayag ng pagtutol at humingi ng tulong sa mga hinaing, lalo na kapag ang mga desisyong nakakaapekto sa kanilang mga lupain, kabuhayan at kapaligiran ay ginawa nang wala ang kanilang makabuluhang pakikilahok,” pahayag ni Katribu national convenor Beverly Longid sa wikang Ingles.

Hindi ito ang unang beses na niligalig at dinahas ng mga puwersa ng estado ang mamamayan ng Kasibu at kanilang mga tagasuporta laban sa pagpasok ng NLMRMC sa kanilang komunidad para magtayo ng minahan.

Sa nakalipas na tatlong buwan, sunod-sunod ang pagsasampa ng kaso at pag-aresto sa mga tanggol-kalikasan at taong simbahan tumututol sa pagmimina sa Nueva Vizcaya.

Kinasuhan ng cyber libel ang dalawang abogadong sina Fidel Santos at Edgardo Balgos at forcible entry sina Bayombong Bishop Elmer Mangalinao, Fr. Christian Dumangang at mga miyembro ng komunidad ng Kasibu. Ibinasura ng korte sa Nueva Vizcaya noong Hunyo ang kaso laban sa mga taong simabahan, habang nasa piskalya pa sa Isabela ang kasong cyber libel laban sa dalawang abogado.

“Ang mga pag-arestong ito ay kasunod ng matagal na panahon ng presensiya at panliligalig ng mga armadong tauhan ng pulisya sa barikada, pati na rin ang maraming kasong SLAPP (Strategic Lawsuits Against Public Participation) na isinampa laban sa mga lider na kontra-minahan at mga abogado ng mamamayan,” pahayag ng Center for Environmental Concerns sa Ingles.

Sinabi naman ni Human Rights Watch Southeast Asia researcher Lian Buan na dapat ibasura ng piskalya ang mga kasong kriminal na isinampa ng mga kompanya para patahimikin ang mga komunidad na nagpapahayag mga hinaing.