Inhale, exhale sa inhaler na madaling gawin sa bahay


Ang mga natural na lunas na ito’y mabisang pang-unang tulong para sa ginhawa ng ating katawan at bulsa.

Sa mga nagkakaedad ng trenta o higit pa mas, bumibigat ang mga obligasyon at gawain sa buhay. Dahil dito naghahanap ng mga pangmadalian na pambawas sa sakit ng ulo o pang-relax.

Maliban dito, dahil sa pabago bago ng panahon madali magkaransan ng sipon, sakit ng ulo o minsan ay aabutin sa lagnat. Kaya ang mga sikat na inhaler ang naging unang lunas para maibsan ang nararamdaman. Mula sa simpleng Vicks na madaling mabili sa botika o tindahan hanggang sa Poy Sian at Hong Thai na mula sa karatig na bansa sa Timog-Silangan Asya.

Sikat na sikat ang Poy Sian at Hong Thai hindi lang sa Thailand kundi pati na rin sa ating bansa. Ang yadom o herbal nasal inhaler ay isang tradisyonal na ginagamit upang pansamantalang magbigay-ginhawa sa pagkahilo, baradong ilong, pagsusuka at stress. Sa literal na kahulugan na “gamot na sinisinghot,” ang mga maliliit at abot-kayang aromatherapy device na ito ay bahagi na ng pang-araw-araw na buhay sa Thailand at karaniwang naglalaman ng pinaghalong menthol, camphor, eucalyptus oil at borneol.

Kung hindi magkakaroon ng pagkakataon na makabili ng ganito ay kaya naman sa simpleng paggawa ng sarili herbal inhaler. Hindi lang binubuhay ang lumang tradisyon ay ibinabalik din natin sa ating sariling mga kamay ng kontrol sa ating kalusugan nang hindi umaasa sa mga mamahaling produkto sa merkado.

Narito ang paggawa ng sariling inhaler gamit ang mga simpleng sangkap na matatagpuan lang sa ating kusina at bakuran.

Gamit ang maliit na garapon tulad ng lumang lalagyan ng ointment o maliit na bote ng gamot at ang tuyong sangkap mula sa kusina, maaari ka nang gumawa ng sarili mong pocket inhaler.

Tiyaking tuyong-tuyo ang mga halaman at lalagyan na gagamitin. Kung may kaunting moisture, maaari itong amagin sa loob ng bote.

  • Tuyong dahon ng eucalyptus o alagaw. Kilala ang mga ito sa pagbawas ng plema at pagpapaluwag ng baga.
  • Butil ng paminta o black pepper. Basagin nang bahagya. Ang taglay nitong piperine ay nakatutulong upang maggising sa nanghihinang pang-amoy at magpaluwag ng bara ng ilong.
  • Tuyong balat ng dalandan o kalamansi. Hiwain nang manipis at patuyuin sa araw. Ang langis mula sa balat nito ay may natural na decongestant properties.
  • Star anise o sangke. Ang pampabango sa adobo, asado at pata tim ay mayaman sa shikimic acid na ginagamit pa nga sa mga gamot sa trangkaso. Isa o dalawang piraso lang ay sapat na.
  • Bulak, maaaring gumatin ng cotton ball o kahit natural na bulak.
  • Opsiyonal: Ilang patak ng totoong menthol oil, eucalyptus oil o kahit konting pinatuyong kristal ng menthol o camphor kung mayroon.  
  1. Siguraduhing tuyo at malinis ang maliit na bote o garapon na may mahigpit na takip.
  2. Sa isang dikdikan, durugin nang bahagya ang mga tuyong dahon, balat ng citrus, star anise at paminta upang lumabas ang kanilang natural na amoy o ng aromatic oils.
  3. Pagsasama-samahin ang mga dinurog na tuyong halaman at ilagay sa loob ng bote.
  4. Maglagay ng maliit na piraso ng bulak sa ibabaw ng mga halaman. Kung mayroon kang menthol o eucalyptus oil, patakan ng 2-3 patak ang bulak. Ang bulak ang nagsisilbing harang para hindi malanghap ang mga pira-pirasong halaman kapag sisinghutin na ito.
  5. Takpan nang mahigpit at hayaan muna itong nakasara nang 24 oras para magkahalo ang mga amoy bago gamitin.

Para magamit ito, buksan lang ang bote, ilapit sa ilong at dahan-dahang langhapin ang natural na amoy para sa agarang ginhawa. Maaari na itong gamitin sa tuwing makakaranas ng stress o pagkahilo.

Ang mga natural na lunas na ito’y mabisang pang-unang tulong para sa ginhawa ng ating katawan at bulsa. Gayunpaman, kung ang nararamdaman sa katawan ay  mabigat na maigi na magpahinga muna. Mahalaga pa rin na ingatan ang kalusugan upang mas makakilos sa mga gawain at may lakas para sa hamon ng bukas.