Paano ba dapat sinusuportahan ang mga bata?
Sa kaliwa’t kanang balita ng karahasan sa mga paaralan, dapat malinaw sa atin na hindi lang iisang ordinansa o parusa ang aampat sa school-related violence o iba pang “anti-social behavior.” Kailangan suportahan ang paglikha ng ligtas na kaligiran at mapagkalingang mga komunidad.
Pagbawal sa pagdadala ng mga gunting at paglalaro ng video games, paggamit ng mga clear na bag, pati pagpapababa sa age of criminal responsibility—napakaraming panukala at patakaran na gustong makaalwan sa pangamba ng mga nakatatanda.
Napakarami na ring sinisi: mga guro, na sabi ni Malacañang spokesperson Claire Castro na “minsan nagtuturo sa kanilang mga estudyante kung paano maging walang modo”; mga paaralan, na gumagastos na ngayon para sa mga metal scanner; mga bata mismo na gusto agarang ipabilanggo ng ilang mambabatas.
Kaysa tanungin kung “ano ba dapat ang parusa,” mas maigi sinsinin kung “ano ba ang nagpapalaganap ng kultura ng karahasan,” sabi ni Meg Yarcia, executive director ng Lemonade, isang nonprofit organization na naglalayong linangin ang kakayahan ng mga kabataang lumikha ng mga komunidad na malaya at mapagkalinga.
Mainam, aniya, na “tingnan ito mula sa balangkas ng public health, na hindi humihinto sa usapin ng kaligtasan o personal safety, ngunit binibigyang-diin ang lahat ng salik na bumubuo sa kagalingan (well-being) ng bawat isa: pisikal, pangkaisipan, at panlipunan.”
Pero ano nga ba ang maiging paglaanan ng panahon at pondo, para hindi lang pansamantalang kaayusan, kundi pangmatagalang kaligtasan, ang matatamo ng mga bata at ng kanilang mga pamilya?
Tinipon ng Pinoy Weekly ang mga posisyon ng iba’t ibang mga youth at children’s rights organization para mas mabigyan ng linaw ang isyu.
1. Kailangan ng sapat na suporta sa paglaki ng mga bata, kasama ang nutrisyon
“Sa bawat taon na lumilipas, mas maraming batang nagugutom, napagkakaitan ng dekalidad na edukasyon at serbisyong pangkalusugan, at napipilitang mabuhay sa gitna ng kawalan ng seguridad at kabuhayan,” sabi noon ni Elle Buntag, guro at tagapagsalita ng Salinlahi Alliance for Children’s Concerns.
Bahagi ang kanyang puna ng mas mahabang kritisismo ng Salinlahi sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung saan, anila, kapansin-pansin na walang naging pagbanggit tungkol sa matinding malnutrisyon at kalusugan ng mga bata.
Bahagi na rin nito ang isyu kung sapat ba ang sinasahod ng mga magulang o nakatatanda sa isang bahay. Sa panayam ng Pinoy Weekly kay Yarcia, nabanggit niya na may epekto rin ang krisis pang-ekonomiya sa usapin ng kaligtasan at paglaki ng mga bata.
“Gaano karaming magulang sa ngayon ang may oras at lakas para laging kausapin o samahan ang kanilang mga anak?” sabi ni Yarcia.
Kung, dahil sa kakarampot na sahod, kailangang parehong magtrabaho magdamagan ang mga magulang o kumuha ng higit sa isang trabaho para sa ikabubuhay ng pamilya, lumiliit ang puwang para matutukan at magabayan ang mga bata. Ngayon pa, na lumalaki ang agwat sa sahod at nagmamahalang presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Kaya, paliwanag ni Yarcia, magandang matingnan kung ano at sapat ba ang suporta na ibinibigay ng gobyerno sa mga pamilya.
“Magkarugtong ang family stability at school safety. At hindi lang economic ang family stability. Kasama na rin dito ang mental health, physical health, social stability at marami pang iba,” sabi ni Jansen Azarias-Suzumoto advisor ng Lemonade at co-founder ng Higher Ground, isang nonprofit resource center na itinatag noong 2007 para sa kabataan sa kanilang komunidad sa Arizona sa United States.
“Kailangan rin ng suporta at training ng mga nakatatanda,” sabi ni Azarias-Suzumoto na ipinanganak at lumaki sa Pilipinas. Napakahalaga raw na mayroong safe adult relationships ang bawat estudyante, o mga nakatatanda na mapagkukunan ng payo, makakuwentuhan. Para raw sa kanya noon, nagsilbing gabay ang English teacher niya na si Ms. Vargas.
“Sa experience ko, nakita ko na may mga estudyanteng naging ‘safe adult’ custodian, mga front office staff, mga school monitor at iba pa,” kuwento niya.
2. Kailangan may mga malapit at ligtas na espasyo sa paaralan at sa komunidad kung saan sila puwede maglagi o magtipon tulad ng mga library at park
Kailangan, ligtas na espasyo ang paaralan: pareho ang imprastruktura nito at ang kalagayan ng mga nasa komunidad. Sa Pilipinas, libo-libo pa rin ang mga paaralan na walang kuryente at akses sa tubig. Ayon na mismo sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies noong 2022, mas kumpleto pa sa akses sa malinis na tubig ang mga bansang mas mababa ang gross domestic product kaysa sa atin.
Pero bukod pa rito, mahalaga ang tinatawag na “third spaces” para sa mga bata at kabataan. Kung ang bahay ay ang unang espasyo kung saan naglalagi ang mga tao, at ang paaralan o trabaho ang ikalawang espasyo, ang ikatlo ay posibleng mga park o library. Mahalagang punto pa rito na dapat sa third space, walang kailangan gastusin para manatili doon kung saan sila puwedeng maglaro, magbasa, o makipagkuwentuhan.
“Ano ‘yong resources for the underprivileged youth? Ano ‘yong espasyo para matuto sila? Sa mga komunidad, may mga library, teatro, sports center ba, at iba pa?” sabi ni Yarcia.
Ayon sa National Library of the Philippines, may 1,770 na silid-aklatan sa buong bansa ang affiliated sa gobyerno. Wala pa itong 4% ng target kung pagbabatayan ang layunin na may kahit isang library o reading center sa bawat congressional district, siyudad at barangay, na target sana sa Republic Act 7743.
“Para maging ligtas ang mga paaralan, hindi lang ito tungkol sa paghihigpit para walang makalusot na mga armas, pero kailangan mas mahirap maging ‘invisible’ ang mga estudyante,” paliwanag ni Azarias-Suzumoto.
Napakalahaga raw na nadedebelop ang mga relasyon ng bata sa isa’t isa. Magagawa ito sa third spaces at dapat may pagkakataon rin sa mga paaralan.
“Ang mga school ay community spaces para makisalamuha, hindi mga presinto at hindi trabaho,” paliwanag niya sa Ingles. “We have a need to belong and when kids feel like they belong to something in the school, then they are less likely to act violently towards it.”
3. Kailangan may mga programang nakatutok sa kanilang pagkatuto at pag-intindi sa pagpapakatao
Isa sa hinahanap-hanap ngayon ni Yarcia ang mga palabas sa telebisyon noon tulad ng “Hiraya Manawari” at “Sineskwela”. Ano na nga ba ang pumalit doon na nasa wikang accessible sa mga bata at nasa free TV?
“Kailangan ay tinitiyak natin na may akses ang mga bata [sa mga materyal at espasyo] na kailangan nila upang matuklasan ang kanilang mga kakayahan at interes, at maunawaan kung paano sila maaring makilahok sa lipunan, at maging mabuting mga tao,” sabi ni Yarcia.
Aniya, kailangang natutugunan itong pangangailangan at natututukan. Sa social media, naglipana ang iba’t ibang impormasyon at banta. Kaya maganda kung may mga programang nakaeengganyo at nakakapagpaintindi ng good values na mapapanood ng mga bata at mga pamilya nang libre.
Labas pa sa midya na kinokonsumo ng kabataan, mainam na maglaan ng pondo ang barangay at mga lungsod para sa mga programang pangkabataan—higit sa dagdag na mga basketball court.
Halimbawa na raw nito ang pagkakataon para masubukan nila ang iba’t ibang sports, music at reading. “‘Yung edad na ito [mga teenager], they are dealing with a lot of changes, ‘di lang physical,” sabi ni Yarcia, “sa mga paaralan, sa barangay, ano ‘yong hitsura ng environment para saluhin sila?”
Sa Lemonade, halimbawa, mayroon silang programa katuwang ang mga komunidad o mga paaralan. Makikita sa kanilang nakahandang kurikulum ang mga prinsipyo ng pagkilala sa sarili, sa komunidad at bansa, pagbuo ng mga healthy relationship, at iba pa. Sa dulo, kailangan makabuo ang kabataan ng proyekto para sa kanilang komunidad.
Kapag tiningnan naman ang mga alay na serbisyo ng Higher Ground, mayroon silang “out-of-school enrichment time” para sa “growth, behavioral skills, and social support” ng kabataan. Mayroon rin silang BeMapt app na puwede sa cellphone o website, dinisenyo ng kabataan para sa kabataan para maging dagdag na life coaching system.
4. Kailangan kinikilala sila bilang bahagi ng solusyon, at makapangyarihan sa paglikha rin ng mapagkalingang mga komunidad
“Sa apat na taon panunungkulan [ni Marcos Jr.], 21 na bata ang naging biktima ng pamamaslang ng state forces at 14 ang recorded instances ng pambobomba at strafing sa mga komunidad,” sabi ni Buntag at ng Salinlahi. Kaya hindi raw maipagmamalaki ng administrasyon na gusto nitong protektahan ang mga bata.
“Bagaman pinalaya na ang 12 menor de edad mula sa mala-free-for-all na pang-aaresto [noong SONA], tiyak na pangmatagalang trauma at pinsala ang iniwan sa kanila ng karanasang ito,” dagdag ni Buntag.
Madalas, ang iniisip natin na pagiging masunurin ang kabaliktaran ng “anti-social behavior” o mga kilos na nakakasama sa lipunan, sabi ni Azarias-Suzumoto. “At madalas, ang ginagawa natin ay pinipigilan lang sila gumawa ng kung ano kaysa tinutulungan silang magsimula sa mga healthy na gawain,” aniya.
“Kailangan natin lumikha ng komunidad na gusto nila makabilang at maramdaman na bahagi sila ng paglago nito,” dagdag niya.
Pareho kay Yarcia, naniniwala siya na kailangan muna maintindihan ang pinanggagalingan ng kabataan—issue ba ito ng values? Ng kakayahan?
Paalala ni Azarias-Suzumoto, ang behavior o mga gawi ay hindi dapat itali sa identidad ng bata. Kaya mahalagang magabayan sila bago pa nila gawing personalidad ang anumang gawi na nakakasama sa lipunan.
Kaya may pag-asa pa. Wala tayong kakulangan sa mga organisasyon na gustong makatulong sa kabataan at mga komunidad, mula sa mga artista, taong simbahan, tanggol-karapatan, sabi ni Yarcia. Kailangan lang ma-institutionalize ang mga prinsipyong ito.
5. Kailangan pati ang mga opisyal na madalas tampok sa balita, kapupulutan ng magandang asal
Tugon ni Alliance of Concerned Teachers president Ruby Bernardo sa sinabi ni Castro, ‘wag lahatin ang mga guro at sana tinitingnan ng gobyerno—na batbat ngayon ng isyu ng korupsiyon—ang sarili bilang mga ehemplo rin.
Nakikita ng mga bata ang isyu ng nakawan, lokohan, pagmumurahan ng mga opisyal, at pagbabanta ng makapangyarihan sa karaniwang mga Pilipino.
“Kung magiging prangka tayo, para sa depinisyon ng success sa mundo natin ngayon (money, power, fame), kailangan ng negative behavior,” sabi ni Azarias-Suzumoto bilang puna sa mga nakatatanda na para maging successful, tumatapak sa iba.
“Kaya dapat nahihikayat ang kabataan na mag-isip, maging kritikal, at magtanong,” sabi niya. “Ang kabaliktaran ng anti-social behavior ay koneksiyon, sariling pagpapasya, responsibilidad at kontribusyon.”