Main Story

Pilipinas ang sumasalo sa e-waste ng Amerika

,

Sa patuloy na pag-abante ng teknolohiya at pamamayani ng konsumerismo, isa ang Pilipinas sa mga bansang nagiging tambakan ng mga elektronikong basura mula sa Hilagang Amerika na maaaring magdulot ng panganib kalikasan at kalusugan ng mamamayan.

Mabilis magbago ang teknolohiya. Bawat taon, laging may mga bagong modelo na ipinapakilala sa merkado. At dahil sa inilalako nitong mga kaakit-akit na function at specs, mabilis na nahuhumaling ang mga mamimili. Sino ba naman ang hindi kakagat sa mga pinapangakong “next level” na experience? 

Pero may isa ring isyung sumasabay kada pagtungtong sa “next level” ng teknolohiya: ang pagdami ng e-waste o elektronikong basura. At sa kaso ng Pilipinas, hindi lang ito nanggagaling sa sariling konsumo ng mga Pilipino, nagmumula pa ito sa labas ng bansa.

Nitong Hunyo 29, nagbabala ang Basel Action Network (BAN), kasama ang mga miyembro ng Philippine NGO Environmental Task Force Against Illegal E-Waste Imports to the Philippines (End E-Waste Imports), na mayroong darating na 184 na container ng pinaghihinalaang ilegal na kargamento ng e-waste galing sa United States (US).

Sa isang Operation Can Opener na inilabas ng BAN, sinabi nilang nakatakdang dumating ang mga container na naglalaman ng e-waste sa Subic Bay Freeport Zone sa Zambales mula Ago. 6 hanggang Set. 30.

Ang Operation Can Opener ay independiyenteng imbestigasyong isinasagawa ng BAN laban sa mga illegal waste shipments mula sa Hilagang Amerika at patungo sa mga bansa sa Timog Silangang Asya gaya ng Pilipinas.

Dagdag itong tambak sa nauna at paparaming basurang itinatambak sa Pilipinas mula sa Amerika. 

Nitong Hulyo 22 lang, may dumating na tatlong mga container sa bansa sakay ng barkong MV Tokyo Express mula sa US. Ayon sa Bureau of Customs (BOC), naglalaman ang mga ito ng scrap copper. Nakakasugat ang tansong ito kapag nahahawakan at nagdudulot ng sakit ang alikabok na nililikha nito.

Pero hindi na ito ibinaba sa Subic matapos ipag-utos ni Customs Subic District Collector Geniefelle Lagmay na manatili ito sa ilalim ng status na “retain on board.” Nangangahulugan itong hindi muna ibababa ang kargamento dahil sa posibleng paglabag nito sa isang batas.

Sa tala ng BAN Toxics, organisasyong naglalayong bawasan at tuluyang iwasan ang paggamit ng mga nakalalasong kemikal, umabot na ng 234 container ng mga elektronikong basura ang dumating sa Pilipinas mula noong 2025. Pinakamarami ang naitala noong Nob. 20, 2025 kung saan 39 na container ang dumating. 

Pero karamihan sa mga shipment ay hindi na nababantayan, sabi ni Jam Lorenzo, deputy executive director ng BAN Toxics.

“Batay din sa sinabi ng SBMA (Subic Bay Metropolitan Authority) sa isang interagency meeting, hindi na nagsusumite ng prior informed consent ang locators/recycling corps o mga kompanyang nag-iimport sa DENR (Department of Environment and Natural Resources) at BOC,” pahayag ni Lorenzo. 

Binubuo ang electrical at electronic items ng iba’t ibang nakalalasong kemikal gaya ng mercury, lead at iba pa na masama sa kalusugan ng tao at sa kapaligiran. 

Ayon sa World Health Organization, hindi naman karaniwang nagkakaroon ng contact sa mga kemikal na ito ang mga gumagamit ng electronic items. Pero kapag naging basura na ang electronics, maaaring kumalat ang nakalalasong kemikal sa paligid kung hindi maayos ang pamamahala rito.

Mga elektronikong basura sa Port of Subic Bay sa Zambales. Larawan mula sa Basel Action Network

Ang exposure sa e-waste ay maaaring makaapekto sa neurodevelopment o ang pagebelop ng nervous system ng isang tao at maging sa respiratory function o paghinga. Maaari itong humantong sa speech issues, asthma, at chronic bronchitis. 

Delikado rin ito sa kapaligiran dahil sa katangian nitong hindi nabubulok. Kaya naman naiipon lang ito sa lupa, hangin at tubig.

Kabilang ang Pilipinas sa 191 na mga bansang kabilang sa Basel Convention. Ibig sabihin, obligado itong sumunod sa mga regulasyon gaya ng pagbabawal sa pagtanggap ng e-waste mula sa bansang hindi naman kasapi ng nasabing kasunduan. 

Sa madaling sabi, hindi dapat pahintulutan ang US na magpadala ng e-waste nito sa Pilipinas dahil hindi naman ito bahagi ng Basel Convention.

Kaya nananawagan ang BAN Toxics na ipatupad ito para makontrol ang pagpasok ng mga elektronikong basura sa bansa. Anila, dapat na siyasatin ng mga awtoridad sa Pilipinas ang mga pinaghihinalaang container ng mga basura upang matukoy kung naglalaman nga ba ito ng mga Basel-controlled e-waste. 

Para kay Lorenzo, nangangahulugan ang pagdating ng mga toxic shipments sa Pilipinas ng pagsasawalang-bahala sa pamamahala sa kapaligiran at soberanya ng bansa. 

Mga elektronikong basura sa Port of Subic Bay sa Zambales. Larawan mula sa Basel Action Network 

“Ang hindi mapigilang pagpasok ng e-waste sa Subic ay lumalabag sa kapangyarihang magbigay ng regulasyon ng bansa sa sarili nitong teritoryo. Ang mga ganitong gawain ay salungat sa patakaran ng estado na pangalagaan ang ating soberanya, integridad sa teritoryo at proteksiyon sa kapaligiran na nakapaloob sa ating Konstitusyon,” pahayag ni Lorenzo sa Ingles. 

Pinangangambahan din ng grupo na magbibigay-daan ang Pax Silica sa pagdami ng e-waste sa bansa. Ang Pax Silica ay isang inisyatibong binuo ng US na layong magtayo ng mga semiconductor at artificial intelligence hub sa iba’t ibang bansa kabilang na ang Pilipinas.

“Nababahala kami na gagawing processing hub ang Pilipinas para sa mga critical minerals, kabilang ang pagproseso at pagre-recycle ng e-waste, na maaaring maglabas ng toxic waste, radioactive waste at mga emission ng mapanganib na substances sa kalikasan,” ani Lorenzo. 

Nanindigan ang mga tanggol-kalikasan na dapat pigilan ng mga awtoridad sa Pilipinas ang anumang bagong bilateral na kasunduan sa pagitan ng US at Pilipinas na magbibigay-daan pa para gawing legal ang pag-export ng e-waste mula sa US.