Bakit mabigat sa bulsa ang pelikulang Pilipino?


Dati, ang panonood ng sine ang isa sa pinakamurang libangan. Ngunit ngayon, hindi na ito abot-kaya sa karaniwang Pinoy.

Malaking papel ang ginagampanan ng pelikula sa paghubog at pagpapayabong sa mayamang kultura ng Pilipinas. 

Sa mahabang panahon, magmula noong huling bahagi ng ika-19 na siglo magpahanggang sa kasalukuyan, hindi lang isang anyo ng libangan ang pelikula na nagbibigay aliw sa mga manonood at nagbubuklod sa pamilyang Pilipino—isa rin itong sining at salamin ng mga danas at realidad ng buhay. 

Bagaman hindi nagsimula sa panahon ng katutubo, isa ang pelikula sa mahahalagang pamana ng mga Kanluraning bansa dahil sa naging armas ito upang magmulat at maghatid ng mga mensahe na hindi kayang ipabatid ng ibang midyum.  

Sabi ng SineSalita, “May politikal na papel ang pelikula dahil alam ng estado ang kakayahan ng midyum, tulad ng iba pang midya, na magpabatid ng kamalayan sa mamamayan.”

Gayunpaman, sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin at pagbabago ng takbo ng mundo dahil sa teknolohiya, may kinakaharap na hamon ngayon ang pelikulang Pilipino bukod sa censorship at intellectual gatekeeping, ito ang paglobo ng presyo ng ticket na nanganganak pa ng iba’t ibang problema sa komunidad pampelikula.

Ayon kay Joel Lamangan, batikang direktor at miyembro ng Free the Artist Movement, may ilang rason na kailangang tutukan kung bakit nagmamahal ang presyo ng panonood ng pelikula.

“Ngayon, kalakaran sa pelikula, mahaba na 10 days para gumawa. May five to seven, quality tingnan n’yo, pangit. Bakit? Dahil minamadali, dahil kokonti ang budget, dahil walang nanonood,” wika ni Lamangan.

Sa katunayan, dahil sa pagtaas ng average na gastos sa pagprodyus ng pelikula, kinakailangan na makipagkompetensiya ng mga Pilipinong filmmaker at prodyuser sa mga theater releases sa malalaking screen na HDTV at home theater systems na hatid ng mga Kanluraning bansa at banyagang content. 

“Wala nang nagpoprodyus dahil mahal na ng tickets, P300 [hanggang] P700. Dati ang sine, pinaka-cheap na entertainment. Pero ngayon isa na ito sa pinakamahal dahil nasa mall. Kung nasa mall ka, hindi puwedeng P1,000 lang ang pera mo. Hindi na kayang bayaran ng driver, ng manggagawa, hindi kaya ni Aling Tasing at Mang Isko,” paliwanag ni Lamangan, 

Dahil na rin sa pagpasok ng streaming era at walang katapusang content ng mga digital streaming service na maaaring bayaran buwan-buwan para sa wantusawang panonood, mas pinipili ng mga Pilipino na manatili sa bahay. 

Sa katunayan, ayon sa Philippines Digital 2025 report, ang mga Pilipino ay nanonood sa loob ng tatlong oras at walong minuto araw-araw, kung saan ang isang oras at 33 minuto nito ay inilalaan sa internet streaming para sa mga lokal na palabas, Hollywood films, Korean dramas at iba’t ibang online videos.

“Kailangan nating kalampagin sila upang magising sa katotohanan na maaaring mawala ang industriya ng pelikulang Pilipino,” ani Lamangan.

Sa kabila ng mga problemang kinakaharap na ito ng mga Pilipinong filmmaker at ng industriya, mahalaga ang ginagampanang papel ng pelikulang Pilipino sa buhay natin kaya kailangan nating mga Pilipino na makibahagi sa muling pagpapayabong nito sa mga maliit na paraan na kaya natin.

“Maaaring walang magsasabi ng kuwento ng bayan na ito. Maaaring magising kinabukasan na hindi na mga Pilipino ang nagkukuwento sa atin, baka banyaga na,” wika ni Lamangan.