Kaltas sa serbisyo, dagdag sa utang
Tinapyasan ng administrasyong Marcos Jr. ang pondo sa mga serbisyo sa mamamayan sa P7.2 trilyon na panukalang badyet ng gobyerno para sa 2027, habang lumobo naman ang pondo sa pambayad utang.
Ipinamamandila ng Malacañang at Department of Budget and Management (DBM) na “people-centered” ang panukalang pambansang badyet sa 2027.
“‘People-centered’? Saan banda?” sabi ni Gabriela Women’s Party Rep. Sara Elago.
Aniya, hindi totoong nakasentro sa mamamayan ang badyet sa 2027 lalo pa’t kasalukuyang hinahambalos ng patong-patong na krisis ang taumbayan bunsod ng pagsirit ng presyo ng krudo, mababang sahod at kawalan ng disenteng kabuhayan.
Sa panukalang P7.2 trilyon pambansang badyet para sa 2027, gaano kalaking bahagi ng kaban ng bayan ang mapupunta sa serbisyong panlipunan at magkano ang ilalaan sa pagbabayad sa mga utang ng pamahalaan?
Ayon sa DBM, may hiwalay na talaan ang National Expenditure Program (NEP) para sa National Government Debt Service Expenditures, kabilang ang amortisasyon ng prinsipal at bayad sa interes.
Sa mga dokumento at ulat hinggil sa panukalang badyet, tinatayang aabot sa P2.7 trilyon ang kabuuang debt servicing sa 2027 o humigit-kumulang P1.6 trilyon para sa prinsipal at P1.11 trilyon para sa interes.
Mas malaki pa ito kaysa sa panukalang P976 bilyon badyet ng Department of Education (DepEd). Para sa mga kritiko, malinaw itong larawan ng lumiliit na espasyo para sa mga serbisyong direktang nararamdaman ng mamamayan.
Kaltas sa edukasyon at kalusugan
Bagaman nananatiling pinakamalaki ang alokasyon sa edukasyon kapag pinagsama ang DepEd, mga state university and college (SUC) at iba pang ahensiya, sinasabi ng mga kritiko na hindi sapat ang kabuuang bilang kung may malalaking kaltas sa mismong mga programang kailangan ng mga paaralan.
Ayon sa Makabayan bloc, bababa ng P44.57 bilyon ang kabuuang pondo ng DepEd sa ilalim ng 2027 NEP. Kabilang sa mga kaltas ang mga pondong ginagamit sa pang-araw-araw na operasyon ng mga paaralan, gaya ng pagpapanatili ng pasilidad, pagbili ng kagamitan at iba pang pangangailangan ng mga mag-aaral.
“The 2027 national budget exposes an administration hell-bent on channeling the people’s hard-earned taxes towards bloated infrastructure projects, entrenched corruption, and escalating militarization, at the direct expense of our people’s most basic social needs,” pahayag ng Makabayan bloc.
Ipinunto rin ng koalisyon ang pagbabawas sa Maintenance and Other Operating Expenses ng 11 pampublikong ospital na direktang pinangangasiwaan ng Department of Health. Samantala, 86 pang ospital ang umano’y walang nakalaang capital outlay sa panukalang badyet.
| Secto / Agency | 2026 GAA (P billion) | 2027 NEP (P billion) | Change (P billion) | % Change |
|---|---|---|---|---|
| Education (DepEd + CHED + SUCs) | 1,345.0 | 1,150.0 | ?195.0 | ?14.5% |
| – DepEd | 1,300.0 | 976.0 | ?324.0 | ?24.9% |
| – CHED + SUCs | 176.5 | 176.5 | 0.0 | 0.0% |
| Health (DOH + attached) | 448.1 | 353.8 | ?94.3 | ?21.0% |
| Social Welfare (DSWD) | 269.9 | 241.2 | ?28.7 | ?10.6% |
| – 4Ps (Pantawid Pamilya) | 112.9 | 99.1 | ?13.8 | ?12.2% |
| – AICS | 63.9 | 33.3 | ?30.6 | ?47.9% |
| – Social Pension | 51.8 | 51.6 | ?0.2 | ?0.4% |
| – Sustainable Livelihood Program | 5.3 | 5.1 | ?0.2 | ?3.8% |
| Agriculture (DA + attached) | 300.0 | 261.7 | ?38.3 | ?12.8% |
| Public Works (DPWH) | 530.9 | 643.95 | +113.05 | +21.3% |
| Interior & Local Gov’t (DILG + attached) | 310.5 | 332.5 | +22.0 | +7.1% |
| Transportation (DOTr) | 137.85 | 300.96 | +163.11 | +118.3% |
Sa ganitong kalagayan, sinasabi ng mga kritiko na hindi lang usapin ng accounting ang mga kaltas. Maaari itong maging kakulangan sa silid-aralan, kagamitan, gamot, pasilidad at serbisyong maaasahan ng mga komunidad.
Kasabay nito, kinuwestiyon ng Alliance of Concerned Teachers ang panukalang P3.34 bilyon bawas sa pondo ng mga SUC.
Ayon sa grupo, 49 sa 116 SUC ang maaaring makaranas ng direktang kaltas, habang ang iba’y makatatanggap lang ng bahagyang dagdag na maaaring hindi makasabay sa pagtaas ng gastusin.
Humihingi rin ang Commission on Higher Education ng P34.83 bilyong restoration sa panukalang pondo nito.
Para sa mga kritiko, nagaganap ang mga kaltas na ito habang patuloy na kinakaharap ng mga pampublikong institusyon ang kakulangan sa guro, pasilidad, kagamitan at suporta sa mga mag-aaral.
Agrikultura at pagkain

Hindi lang edukasyon at kalusugan ang sinasabing naiipit. Bababa nang halos 8% ang badyet ng Department of Agriculture mula P185.77 bilyon noong 2026 tungo sa P171.32 bilyon sa 2027. Ang pondo para sa farm-to-market roads ay bababa rin mula P33 bilyon tungo sa P16 bilyon.
Binatikos ito ng People’s Budget Coalition dahil mas lumalaki naman ang pondo para sa mga locally funded at foreign-assisted project kahit may tala umano ng mababang spending performance sa ilang programa.
Hinimok din ng Task Force Mapalad ang Kongreso na “remove all pork barrels, put the people’s money where the president’s mouth is.”
Ipinapakita ng mga bilang na habang ipinapangakong priyoridad ang food security, hindi awtomatikong nangangahulugan ang pagkakaroon ng malaking sectoral envelope na sapat ang aktuwal na tulong para sa mga magsasaka, mangingisda at manggagawang-bukid.
Utang kontra serbisyong panlipunan
Hindi bagong obligasyon ang debt servicing. Ngunit ang laki nito sa 2027 ang higit na pinagtutuunan ng pansin.
Tinatayang tataas ang kabuuang debt service mula P2.05 trilyon noong 2026 tungo sa P2.7 trilyon sa 2027 o dagdag na humigit-kumulang P659.3 bilyon o 32.2%. Tinatayang P1.11 trilyon ang bayad sa interes lang, habang ang amortisasyon ng prinsipal ay aabot sa P1.6 trilyon.
Ibig sabihin, malaking bahagi ng bagong badyet ang mapupunta sa mga obligasyong nagmula sa mga nakaraang pangungutang, sa halip na sa mga bagong programa para sa edukasyon, kalusugan, agrikultura at trabaho.
Sa isang pagsusuri, binigyang-diin na maaaring lumampas sa P21 trilyon ang outstanding debt ng pamahalaan sa 2027.
Habang lumalaki ang utang, tumataas din ang panganib na lalo pang lumiit ang fiscal space o ang kakayahan ng pamahalaan na gumastos para sa bagong pangangailangan nang hindi labis na nangungutang.
Imprastruktura at panganib ng pamamadrino
Hindi tutol ang mga kritiko sa imprastruktura bilang prinsipyo. Ang kanilang tanong ay kung ang mga proyektong pinopondohan ay tunay na kinakailangan, malinaw ang pamantayan at may sapat na pananagutan sa paggamit ng pondo.
Tinuligsa ng Makabayan bloc ang P75.76 bilyong alokasyon sa mga ahensiyang pang-imprastraktura at ang P107.4 bilyon para sa flood-control projects.
Ayon sa koalisyon, maaaring maulit ang mga problemang nagbigay-daan sa mga kontrobersiya sa flood control kung hindi magiging transparent ang pagpili, pagpapatupad at pagsusuri sa mga proyekto.

Kinuwestiyon din ni ACT Teachers Partylist Rep. Antonio Tinio ang umano’y pagtaas ng pondong napupunta sa Local Government Support Fund.
Sa isang ulat, tinukoy niya ang P37.49 bilyong pagtaas sa financial assistance para sa mga lokal na pamahalaan kumpara sa orihinal na panukala.
“It is true that the 2027 budget is flooded with pork barrel funds. Now, they also have SARO pork barrel giveaways too. Clearly, this is a vehicle for congressional insertions and the patronage politics that come with it,” ani Tinio.
Itinanggi naman ng League of Municipalities of the Philippines ang alegasyon ng favoritism at sinabing may mahigpit na safeguards upang matiyak na patas ang pamamahagi sa mga pamahalaang lokal.
Depensa ng administrasyon
Itinuturing ng pamahalaan na bahagi ng medium-term fiscal program ang pagpopondo sa debt servicing. Sa opisyal na DBM budget documents, nakapaloob ang magkakahiwalay na tala hinggil sa expenditure program, debt service, financing program at outstanding debt.
Samantala, sinabi ng Malacañang na dapat munang pag-aralan nang mabuti ng mga kritiko ang buong spending plan bago ito tawaging “anti-poor” o puro ayuda.

Sa pahayag ni Malacañang Spokesperson Claire Castro, kailangang alamin muna kung sino ang nagsasabi ng tama hinggil sa laman at prayoridad ng panukalang badyet.
Hindi nito inaalis ang pangangailangan para sa mas malinaw na paliwanag sa bawat malaking pagbabago sa alokasyon—lalo na kung may kaltas sa mga serbisyong panlipunan kasabay ng pagtaas ng utang, imprastraktura, seguridad at mga pondong maaaring gamitin nang may malawak na diskresyon.
Ang tunay na sukatan
Sa huli, hindi lang laki ng badyet ang dapat tingnan. Mahalaga ring suriin kung sino ang nakikinabang, aling mga programa ang nababawasan at kung ang bawat hiniram na piso ay nagdudulot ng pangmatagalang pakinabang sa publiko.
Ang P2.7 trilyon debt servicing ay paalala na ang mga desisyon sa paggastos ngayon ay magiging obligasyon ng mga susunod na taon.
Kung mapupunta ang malaking bahagi ng badyet sa produktibong serbisyo publiko—mas maayos na paaralan, ospital, transportasyon, agrikultura at climate-resilient infrastructure—maaari itong mas maging kapakipakinabang sa mamamayan.
Ngunit kung sasabayan ito ng mga kaltas sa batayang serbisyo, malabong proyekto at pondong batbat ng anomalya, ang utang ay hindi lang magiging problema sa pananalapi. Maaari rin itong maging utang na sisingilin sa kalidad ng buhay ng mga Pinoy.