Mga piling akdang pambata


Hindi kailangang maging mabigat ang isang kuwento para maging makabuluhan.

Kung ang mga bata’y binibigyan natin ng mga kuwentong tungkol sa kabutihan, pagkakaibigan, katapatan at pagmamahal sa pamilya, bakit itinuturing ng ilan na “masyadong mabigat” kapag ang kuwento ay tungkol naman sa karapatan, kultura o hindi pagkakapantay-pantay?

Namumuhay ang mga bata sa gitna ng mga usaping panlipunan. Ayon sa UNICEF’s 2023–2028 National Plan of Action for Children, kabilang sila sa mga pinakabulnerableng sektor ng lipunan. Apektado sila ng mga nangyayari sa kanilang komunidad, edukasyon, kultura at wika, gayundin ng diskriminasyon, pang-aabuso, at iba pang anyo ng karahasan.

Hindi kailangang maging mabigat ang isang kuwento para maging makabuluhan. Sa pamamagitan ng kuwento, tula at ilustrasyon, maaaring ipakilala sa mga bata ang mga konsepto ng karapatan, kultura, pagkakapantay-pantay, kalayaan at malasakit sa kapwa sa paraang angkop sa kanilang edad at karanasan. 

Ilan sa mga akdang pambata na nagpapakita nito ay ang mga sumusunod:

Ang “Sa Tuwing Ikaw ay Tahimik” ay koleksiyon ng mga tulang nagbibigay-tinig sa iba’t ibang karanasan ng mga bata, mula sa pang-aasar at bullying hanggang sa pakiramdam ng pagiging iba sa nakararami. Sa mga tula, naipapakita kung bakit may mga batang pinipiling manahimik at kung bakit mahalagang matutong makinig. Mula sa mga tula, naihahain nito ang mga aral tungkol sa paggalang sa pagkakaiba, pakikinig at malasakit sa kapwa.

Inilalahad ng “Mga Tagapagtanggol ng Lupang Ninuno” ang ugnayan ng mga tagapagtanggol ng lupang ninuno sa lupa, kultura at pagkakakilanlan. Sa pagbubukas nito ng daan upang makilala ng mga bata ang iba’t ibang katutubong pamayanan, naipapaunawa na ang kultura at kasaysayan ay bahagi rin ng mga kuwentong dapat nilang marinig.

Sa “Gustong Mag-aral ni Sula”, sinusundan natin si Sula, isang batang T’boli na nangangarap na makapag-aral at matutong bumasa at sumulat. Sa pamamagitan ng kanyang pangarap, naipapakita ng kuwento na hindi pare-pareho ang pagkakataon ng mga bata sa edukasyon. Kasabay nito, nagiging daan ang akda upang makilala ng mga batang mambabasa ang kultura at karanasan ng isang batang katutubo.

Ang “Mapalad na Komunidad” ay koleksiyon ng mga tulang pambata at mga larawang nagbibigay-pugay sa mga taong bumubuo sa isang komunidad at sa mahahalagang papel na kanilang ginagampanan. Ipinapaalala nito sa mga batang mambabasa na ang isang komunidad ay nabubuo sa pamamagitan ng pagtutulungan at pagkilala sa ambag ng bawat isa.

Ipinapakita naman ng “Si Laleng at ang Lakbay-Paaralan” na hindi pare-pareho ang karanasan ng mga bata sa edukasyon. Sa kuwento, nagiging mas malinaw ang mga hadlang na kinakaharap ng ilang batang katutubo upang makapag-aral. Sa ganitong paraan, nagiging pagkakataon ang panitikan upang matutong tumingin ang mga bata lampas sa sarili nilang karanasan at maunawaan na may iba’t ibang kalagayan at kuwento ang kanilang kapwa.


Hindi kailangang ilayo ang mga bata sa mga usaping panlipunan upang mapanatili ang kanilang pagiging inosente. Sa halip, maaari nating gamitin ang panitikan upang ipakilala ang mundo sa paraang kaya nilang unawain.

Ang mga progresibong akdang pambata ay hindi naman kailangang magbigay ng lahat ng sagot. Maaari lang silang magtanong, magpakilala ng ibang karanasan at magbukas ng mga posibilidad.

At kung ang isang bata ay natutong magtanong kung bakit may batang hindi nakapag-aaral, bakit may kulturang hindi niya kilala o bakit may taong itinuturing na iba, nagsisimula na siyang tumingin sa mundo nang may higit na pag-unawa.

Marahil, hindi ang tanong ay kung “masyadong mabigat” ba ang mga kuwentong ito para sa mga bata. Mas mahalagang itanong kung anong uri ng mundo ang nais nating ipakilala sa kanila.