Ngayong Nobyembre 23, ika-17 taon na simula nang maganap ang karumal-dumal na Ampatuan massacre. Kumitil ito sa buhay ng 57 indibidwal at pagkawala ng isa pa na kasama sa convoy sa filing ng kandidatura ni Esmael Mangudadatu para sa pagkagobernador sa Maguindanao. Tinagurian ito bilang pinakamadugong kaso ng pagpaslang sa mga mamamahayag sa ilalim ng demokratisadong pag-iral.
Nitong nagdaang Pelikultura 2026, nagkaroon ako ng pagkakataon na mapanood ang pelikulang “58th” ni Carl Joseph Papa. Tungkol ito sa isa sa mga biktima, ang mamamahayag na si Reynaldo “Bebot” Momay, na kasama sa sinawimpalad na convoy. Hindi kasama si Bebot sa mga natuklasan at na-recover na katawan sa lunan ng masaker.
Kagaya ng mga naunang pelikula ni Papa gaya ng “Iti Mapukpukaw”, sinuysoy ng pelikula ang danas ng trauma sa pamamagitan ng rotoscope animation. Umiinog ang naratibo ng pelikula kay Reynafe (Glaiza de Castro), anak ni Bebot (Ricky Davao). Nasa balikat ni Reynafe ang pasanin na harapin ang trahedya ng masaker at hanapin, hindi lang ang katawan ng ama na pinaghihinalaang kasama sa mga pinaslang, kundi ang katarungan para sa dinanas nito.
Sa isang antas, umiiral ang docudrama bilang isang family melodrama. Maraming tagpo sa pelikula ang naganap sa tahanan na lunan ng mga alaala ng nawawalang ama at lolo. Dito sabay-sabay na prinoseso ng pamilya ni Bebot ang trahedyang sinapit at inilantad ang marahas na panghihimasok ng kultura ng impunidad sa domestikong espero na dapat ay lunan ng ginhawa, kalinga at pagmamahal.
May kakaibang bisa ang animation upang ilatag ang internal na pagbubulay-bulay ng mga tauhan, lalo na ni Reynafe. Inilalagay tayo ng pelikula sa mga surrealistiko at malapanaginip na tagpong nagsisilbing lunsaran ng paglilimi ng naiwang anak hinggil sa sinapit ng ama.
Hindi aestheticized ang pagpapakita sa mga katawang ni-recover at inihanay sa gilid ng hukay; walang pagkukubli sa marka ng pampolitikang karahasan sa mga naaagnas na laman ng mga biktimang pinagkaitan ng karapatang mabuhay dahil sa pagkalulong sa pampolitikang kapangyarihan.
Sa pagbaklas ng pelikula sa hangganan ng realidad at panaginip, ng rasyonal at emosyonal, inihatid tayo sa hugpungan ng mga pagbabaka-sakali, ng kawalang-katiyakan, ng walang kapagurang pagpapasya na hanapin ang nawawala, na ibalik ang sapilitang ipinagkakait ng namamayaning kultura ng karahasan.
Nakahabi ang animated na docudrama sa mga archival footage sa tagpo ng trahedya. Kalunos-lunos ang mga tagpong ito na nagpapakita ng mga aktuwal na paghuhukay sa mass grave.
Hindi aestheticized ang pagpapakita sa mga katawang ni-recover at inihanay sa gilid ng hukay; walang pagkukubli sa marka ng pampolitikang karahasan sa mga naaagnas na laman ng mga biktimang pinagkaitan ng karapatang mabuhay dahil sa pagkalulong sa pampolitikang kapangyarihan.
Kinakailangan na maipakita ang mga ito, mga corporeal na katibayan ng impunidad, lalo pa’t, ayon na rin kay Papa, madalas na nakablur na ang mga ito sa mga sinalang footage na nauna nang napanood sa mga balita.
Ngunit kay Reynafe, walang katawang maaaring katibayan na narito ang biktima, na bahagi siya ng kolektibong alaala ng pagluluksa, na kasama siya sa mga ipinaglalaban sa mahaba at bako-bakong paghahanap ng katarungan.
Naaalala ko rito ang karanasan ng maraming kaanak ng mga desaparecidos na pilit nilalabanan ang dahas ng sapilitang pagkawala sa pamamagitan ng mga ritwal ng pag-aalala gaya ng mga kuwento, mga likhang-sining at iba pang porma ng testimonya.
Hindi madaling punan ang mga naiwang patlang ng “58th”. Hindi pa lubos ang hustisya. Hindi pa rin natatapos ang paghahanap. Ngunit sa gitna ng mga katanungan, nariyan ang pelikulang ito bilang isang rituwal ng pag-alaala. Dito nahahanap ang nawawala, itinitindig at dinadakila sa kabila ng samu’t saring pagtatangkang burahin sa kamalayan.