Militar sa Sorsogon inakusahang nanggahasa ng menor-de-edad
Isang sundalo ng 49th Infantry Battalion ng Philippine Army ang inakusahang nangahasa ng isang 15-taong-gulang na estudyante mula sa Juban, Sorsogon.

Isang sundalo ng 49th Infantry Battalion ng Philippine Army ang inakusahang nangahasa ng isang 15-taong-gulang na estudyante mula sa Juban, Sorsogon.
Naganap ang unang panggagahasa sa loob ng kampo 49th IB sa Brgy. Rangas sa Juban noong Agosto 23. Isang Pfc. Hamandre Flores ang itinuturo ni Annette (di tunay na ngalan) na salarin, ulat ng Karapatan-Sorsogon at Children’s Rehabilitation Center (CRC)-Sorsogon.
Si Flores, ayon sa Karapatan-Sorsogon, ay isang sundalong tumatayo ring anchorman ng isang programa ng militar sa radyo sa naturang probinsiya.
Dalawang beses pa umanong naulit ang panggagahasa sa magkakahiwalay na lugar.
“Nagpunta kami (ng kanyang ina at kapatid) sa kampo nina Flores para magpatulong sa kanya na mahuli ang tiyuhin ko na gumahasa sa pinsan ko at pati ako ay balak ding gahasain,” salaysay ni Annette, sa kanyang affidavit.
Taga-Isabela rin kasi umano si Flores. Sa Isabela rin pinaghihinalaang nagtatago raw ang tiyuhin ng biktima.
Salaysay pa ni Annette, inutusan ni Flores ang kanyang ina at kapatid na bumili ng pagkain. “Magtiwala po kayo sa akin ate kasi po ang sundalo ay ipinaglalaban namin ang karapatang pantao at pinuprotektahan namin sila laban sa masasama,” sabi diumano ni Flores, para makumbinsi ang ina at kapatid ni Annette na umalis.
Pagka-alis ng ina ni Annette, nagsimula umanong magtanong si Flores sa naganap na panggagahasa at pangmomolestiya sa kanilang magpinsan ng kanyang tito. Pagkaraan ng ilang saglit, kinuha diumano ni Flores ang kanyang baril, itinutok sa kanya at inutusang hubarin ang damit, at ginahasa.
“Sinabihan niya po ako: ‘Ang tao, malambot lang, (at) tumatagos ang bala. Gusto mo bang patagusin ko itong bala sa katawan mo?’” bahagi ng salaysay ni Annette. “Wala akong nagawa nang itutok niya ang baril sa akin kundi ang sundin ang pinapagawa niya sa akin kasi natatakot ako na baka barilin niya ako.”
Matapos ang panggagahasa, binantaan umano ni Flores ang biktima na huwag sasabihin sa iba ang nangyari dahil may mangyayari sa kanya at sa kanyang pamilya. Diumano, naulit pa ng dalawang beses ang panghahalay sa biktima.
Itinanggi naman ito ni Flores, ayon sa kanyang kontra reklamo. Inakusahan ni Flores ang ina na “nambubugaw” daw ng bata.
Nauna nang dinepensahan ni Lt. Col. Santiago Enginco, kumander ng 49th IB si Flores. Sa pakikipanayam sa midya sa probinsiya, sinabi ni Enginco na “ibinugaw” umano ng ina si Annette kay Flores sa halagang P1,000.
Para sa Bikolana-Gabriela, militanteng grupong pangkababaihan sa Bikol, tahasang pag-amin ito na ginahasa nga ni Flores ang bata.
“(N)agbayad man ito o hindi, ang malinaw ay menor-de-edad si Annette at sa ilalim ng Republic Act 7610 o Child Protection Act at Anti-Rape Law ng 1997, ito ay pangagahasa,” ayon kay Jenelyn Nagrampa, pangkalahatang kalihim ng Bikolana-Gabriela.
Kung totoo man umano ang sinasabi ni Flores, mistulang pag-amin daw ito na may nagaganap na prostitusyon sa loob ng kampo ng militar, ani Nagrampa. “Sa huli, sumasalamin ito sa mababang moralidad, kawalang disiplina ng mga taong nanumpang magproprotekta sa karapatan at seguridad ng mga mamamayan.”
“ Ito ba ang pakahulugan nila ng matapat na paglilingkod sa mamamayan?” tanong ni Nagrampa.
Ayon sa CRC, bago magsampa ng pormal na reklamo sa Philippine National Police (PNP) at kaso sa Provincial Prosecutor ang biktima, inireklamo na din ng pamilya si Flores sa headquarters ng 9th Infantry Division ng Philippine Army sa Pili,Camarines Sur.
Napag-alaman umano ng pamilya ng biktima na mayroon din kaparehong pitong reklamo laban kay Flores.