Reyd ng militar, pulis sa opisina ng militanteng grupo sa Bikol, kinondena


Kinondena ng iba’t ibang grupo ang reyd sa tanggapan ng militanteng mga grupo at pag-aresto sa apat lider nito sa Camarines Norte noong Nobyembre 22. Ayon sa  Karapatan-Bikol ang reyd umano sa opisinang pinaghahatian ng Karapatan, Makabayang Koalisyon ng Mamamayan (Makabayan) at Kilusang Magbubukid ng Pilpinas (KMP-Camarines Sur) ay “mistulang martial law.” Pinabulaanan din ng […]

Mapa ng Camarines Norte (Google Maps)
Mapa ng Camarines Norte (Google Maps)

Kinondena ng iba’t ibang grupo ang reyd sa tanggapan ng militanteng mga grupo at pag-aresto sa apat lider nito sa Camarines Norte noong Nobyembre 22.

Ayon sa  Karapatan-Bikol ang reyd umano sa opisinang pinaghahatian ng Karapatan, Makabayang Koalisyon ng Mamamayan (Makabayan) at Kilusang Magbubukid ng Pilpinas (KMP-Camarines Sur) ay “mistulang martial law.”

Pinabulaanan din ng Karapatan-Bikol ang pahayag ng militar na ang lugar na nireyd ay “safe house” ng rebeldeng New People’s Army (NPA).  Na ayon sa pahayag ng militar,

diumano’y nakakumpiska sila ng mga gamit sa paggawa ng bomba at subersibong dokumento at lunsaran ng pagrerekluta ng mga rebelde ang lugar.

“Kalokohan ang binabanggit ng militar na safe house o isang lugar para sa recruitment ng mga rebelde. Unang-una, legal na opisina ito ng Karapatan-Camarines Norte, legal na opisina ng Makabayan at KMP. Paano nila sasabihin na safe house ito ng NPA?” ani Vince Casilihan, documentation head ng Karapatan-Bikol.

Inaresto sa nasabing reyd sina Esmeraldo Bardon, tagapangulo ng KMP-Camarines Norte, Denver Bacolod, istap ng  Karapatan at provincial coordinator ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), Mherlo Bermas, kasapi ng Kabataan Party-list at  Elpidio de Luna, na isang dating bilanggong pulitikal at kalalaya lang noong Oktubre.

Kinasuhan ng illegal possession of explosives at inciting to sedition ang apat. Si Bardon naman ay sinampahan din ng kasong murder. Ayon pa sa Karapatan, imposibleng magkaroon ng bomba sa loob ng kanilang opisina at hinala nila, itinanim ang mga ito.

“Nakakalungkot para sa amin ’yung pagtatanim ng bomba. Unang-una, hindi nila pinapasok ang aming mga lider doon sa opisina, simula ng pagreyd nila bandang 10:30 hanggang alas-tres ng hapon, upang makita ang nangyayari sa loob. Masasabi namin na itinanim lang ng militar at PNP (Philippine National Police) ang mga ito,” ani Casilihan.

Ayon sa grupo, apat na trak nang pinagsanib na puersa militar sa ilalim ng 9th Infantry Division at PNP ang diumano’y pumasok sa bakuran ng kanilang opisina at sa loob ng limang oras ay nananatili sa loob nito.

Diumano, sa kabila ng pagpapakilala at pag-ako na kanilang opisina ang nireyd, hindi pa din pinayagang makapasok ang lider ng Bayan-Muna na si Santiago Mella Jr at kasalukuyang administrador ng Munsipyo ng Daet.

Ayon pa kay Casilihan, bahagi umano ang pag-aresto sa apat ng panggigipit sa progresibong mga grupo sa Kabikulan.

“Ang pagkaso sa mga lider na inaresto sa reyd, tulad nina Esmeraldo Bardon at Denver Bacolod ay hindi hiwalay sa nangyari sa  ‘Bikol 8’ na mga Bikolanong sinampahan ng gawa-gawang kaso tulad ng murder, carnapping at malicious mischief.  Kaya’t bahagi pa rin ito ng panggigipit ng gobyerno sa mga  lider at progresibong organisasyon sa Bikol,” aniya.

Kinondena din ni Antonio Flores, tagapagsalita ng KMP at co-convenor ng Tanggol Magsasaka ang aniya’y mistulang martial law na tipo ng reyd at paghalintulad sa kaso ng Morong 43.

“Ang patuloy na pagtarget at panunupil sa progresibong mga lider at aktibista ay hindi na katanggap tanggap, nakakapagpuyos ito ng damdamin.  Tulad sa kaso ng Morong 43, na sa kabila ng presyur ng buong mundo ay hindi pa rin napapalaya ni Pangulong Aquino, ito na naman ang baliw at praning na mga militar at kapulisan na nagdadagdag ng mga inosenteng aktibista sa loob ng bilangguan,” ani Flores.

“Si tatay Smith (Bardon) ay matanda na at survivor ng stroke, ngunit tinarget pa din siya. Ang mandamyento de aresto hinggil sa kasong murder laban sa kanya ay lumabas lamang noong nasa kulungan na siya,” dagdag pa ni Flores.

Ayon naman kay Marie Hilao-Enriquez, pambansang tagapangulo ng Karapatan, nakaka-alarma diumano ang pagreyd sa legal na mga opisina ng non-government at human rights organizations, kasama na umano ang pagtatanim ng mga ebidensiya at pagbabansag na  “safe house” ito ng mga rebelde.

“Ipinapakita lamang nito na patuloy pa rin ang operasyon ng Oplan Bantay Laya, na ginagamit ng puersang panseguridad ng estado upang patahimikin ang mga lehitimong karaingan at pagpuna ng mamamayan,” ani Hilao.

Sinabi din ni Hilao na ang insidente ang direktang pag-atake sa legal at progresibong mga organisasyon, maging ang mga tagapagtanggol ng karapatang pantao.

Nanawagan din sila sa kagyat na pagpapalaya sa apat na inaretso at umaasang hindi matutulad ito sa kaso ng Morong 43, na umano’y tinanggihang palayain ni Aquino.