Kababaihan, umalma sa pagtaas ng presyo ng bilihin
Ikinakampanya ng kababaihan ng Gabriela ang paglaban sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Pasanin kasi ng maralitang kababaihan ang tumataas na presyo ng batayang mga produkto. Para sa kanila, may kongkretong maaaring gawin si Aquino para maibsan ang hirap ng mga mamamayan.

“Masakit sa ulo, na lahat na lang ng bilihin tumataas. Lalo na at diabetic pa ako. Paano na ang pambili ko ng gamot?”
Ito ang hinaing ni Linda Javier, isang senior citizen, habang inihuhulog ang resibo ng kanyang pinamili sa kahon na nagsisilbing protesta sa patuloy na pagtaas ng mga presyo ng bilihin.Ipinakita ni Linda ang kanyang suporta sa panawagan ng Gabriela na kontrolin ang presyo ng mga pangunahing bilihin.

Bago magmartsa patungong Mendiola ang Gabriela, itinayo nila ang tinagurian nilang “Tatak Center” sa harapan ng isang malaking department store sa Recto Avenue. Hinikayat ng grupo ang mga konsyumer na lagdaan at ihulog sa kahon bilang protesta. Ayon sa Gabriela, ang kanilang makakalap na mga lagda sa mga resibo ay kanilang isusumite sa Department of Trade and Industry bilang isang porma ng petisyon sa patuloy na pagtaas ng mga presyo.
Bahagi diumano ito sa inilunsad nilang kampanyang “Alerto Mamimili” laban sa patuloy na pagtaas ng mga pangunahing bilihin at bayad ng yutilidad ganundin ang napipintong pagtaas ng pamasahe sa Light Rail Transit at Metrorail Transit (LRT/MRT.)
Ayon sa Gabriela, lubos na nararamdaman ng mga konsiyumer ang bawat pagtaas ng anumang bilihin, serbisyo at iba pa ang kakulangan sa trabaho at mababang pasahod sa bansa. Patuloy umano ang pagtaas ng presyo ng mga produktong kadalasang binibili ng mga kababaihang maralita.
Sa datos ng naturang grupo, ang isang kilo ng bigas na NFA ay P27 , o P2 ang itinaas kumpara sa presyo nito noong Nobyembre 2010. Ang puting asukal ay nagkakahalaga na sa kasalukuyan ng P65 kada kilo mula sa P39 noong 2009. Ganundin ang presyo diumano ng 375 ml (lapad) na mantika ay dumoble umano ang presyo mula noong nakaraang taon sa presyong P14 tungong P30 ngayon.
“Bugbog na bugbog na ang kababaihan sa kaliwa’t kanan na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, pamasahe, at singil sa yutilidad. Ang masaklap, hindi man lang nababahala si Pangulong Aquino. Sa halip, siya pa mismo ang nagbibigay ng basbas sa higit pang pagpapahirap sa mga mamamayan,” ani Lana Linaban, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.
Maliban sa napipintong pagtaas ng singil sa pamasahe ng LRT/MRT na sinuportahan ni Aquino, inaprubahan din ng Malakanyang ang mungkahi ng Maynilad Water na itaas ang singil sa tubig ng P3.87 per cubic meter at sa Manila Water Corporation sa halagang P3.45 per cubic meter.

Ramdam ang pagtaas ng mga bilihin
Sa halagang P186 na pinamili ni Linda sa groserya karamihan ay mga panindang “buy one take one”, at halos lahat ay pagkain. “Para makatipid naman kahit paano, umaasa lang naman ako sa buwanang pensiyon ko sa SSS,” aniya.
Ganito din ang hinaing ni Gina Libuna isang mamimili. “Dapat talagang kontrolin ang presyo, lahat na lang tumaas pero ang sahod hindi itinataas,” aniya.
Walang trabaho at may isang anak na nasa high school naman si Lani Obilla, residente ng Smokey Mountain sa Tondo. Aniya, ang kanyang kapatid na isang kontrawal sa SM ang tumutustos sa kanilang araw-araw na gastusin. Diumano sa sahod ng kanyang kapatid na P12,000, halos walang natitira. Sa kanyang pagkuwenta ng kanilang gastusin sa isang buwan, P600 ang gastos sa bigas, P720 sa LPG, P400 sa tubig, P1500 sa kuryente, P3,600 baon ng kanyang anak at kapatid at P6,000 sa iba pang pagkain.
Aniya, “depisit pa kami ng mahigit walong daan.”