Paghuli sa ‘namumunong rebeldeng lider,’ pananabotahe sa usapang pangkapayapaan?


Duda ang mga tagapagtaguyod ng karapatang pantao sa “timing” ng pagkakahuli diumano ng mga ahente ng militar sa Baliuag, Bulacan kay Allan Jazmines, pinaghihinalaang nangungunang lider ng Communist Party of the Philippines (CPP) nitong Pebrero 16, alas-sais ng gabi.

Mga grupong pangkapayapaan: Nababahala sa pagkaaresto at patuloy na detensiyon sa mga konsultant sa usapang pangkapayapaan. (Macky Macaspac)
Mga grupong pangkapayapaan: Nababahala sa pagkaaresto at patuloy na detensiyon sa mga konsultant sa usapang pangkapayapaan. (Macky Macaspac)

Duda ang mga tagapagtaguyod ng karapatang pantao sa “timing” ng pagkakahuli diumano ng mga ahente ng militar sa Baliuag, Bulacan kay Alan Jazmines, pinaghihinalaang nangungunang lider ng Communist Party of the Philippines (CPP) nitong Pebrero 14, alas-sais ng gabi.

It is disappointing to learn that on the eve of the peace talks this incident happened,” sabi ni Jigs Clamor, tumatayong pangkalahatang kalihim ng grupong pangkarapatang pantao na Karapatan.

Nabalitang nahuli si Jazmines sa bisperas ng pormal na pagsisimula ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyernong Aquino at ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), na kumakatawan sa CPP, New People’s Army (NPA), at iba pang rebolusyonaryong grupong naglulunsad ng armadong pakikibaka laban sa namumunong gobyerno at sistema.

Inanunsiyo ni Lt. Gen. Arturo Ortiz, hepe ng Philippine Army, ang pagkakaaresto kay Jazmines ng mga elemento ng 56th Infantry Battalion, 7th Military Intelligence Battalion ng 7th Infantry Division, 703rd Brigade, Intelligence Security Group, at lokal na pulis ng Bulacan.

Ayon sa ulat ng magasin na Newsbreak, sinabi ni Jazmines sa mga umarestong sundalo na saklaw siya ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (Jasig), ang kasunduan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas (GPH) at NDFP na hindi maaaring arestuhin ang mga konsultant at negosyador ng magkabilang panig habang nagaganap ang negosasyon.

Nakatakdang pag-usapan ng magkabilang panig sa Oslo, Norway ang hinggil sa sosyo-ekonomikong mga reporma na siyang ugat ng pag-aalsa ng NDFP.

Nagmartsa ang mga grupong pangkarapatang pantao at militanteng mga organisasyon sa paanan ng Mendiola Bridge malapit sa Malakanyang noong Pebrero 14 para magbigay-suporta sa usapang pangkapayapaan.

Hiniling din ng grupo na kagyat na palayain ang mga konsultant at negosyador ng NDFP na inaresto at ikinulong ng gobyerno, kabilang sina Angelina Bisuna Ipong, Glicerio Pernia, Eduardo Serrano, Eduardo Sarmiento, Jovencio Balweg, Randy Malayao, Emeterio Antalan, Eduardo Friginal, Jaime Soledad, Alfredo Mapano, Tirso Alcantara, Ma. Luisa Purcray, Edwin Brigano at Pedro Codaste.

Nanawagan din sila na ilitaw at palayain ang mga rebeldeng konsultant na pinaghihinalaang dinukot at ikinulong ng gobyerno, kabilang sina Leo Velasco, Leopoldo Ancheta, Rogelio Calubad (na dinukot kasama ang anak na si Gabriel noong 2006), Prudencio Calubid, at iba pa.

“Ilan sa kanila ay mahigit limang taon na sa kulungan at lahat ay biktima ng panunupil at opensibang legal ng administrasyong Arroyo, ng mga militar at kapulisan laban sa mga lehitimong organisasyon,” ani Fr. Dionito Cabillas, pangkalahatang kalihim ng Samahan ng mga Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Aresto (Selda). Iginiit din ni Cabillas na bilang “goodwill sign” at pagkilala sa Jasig ng gobyernong Arroyo, dapat umanong  kagyat na palayain ang mga konsultant ng NDF.

Dating aktibistang estudyante si Jazmines noong panahon ng diktadurang Marcos at naging isa sa mga tanyag na bilanggong pulitikal ng diktadura.

Nagdeklara ang mga bilanggong pulitikal na magsasagawa sila ng isang linggong pag-aayuno para ipanawagan ang pagpapalaya sa lahat ng bilanggong pulitikal sa bansa.

Usapan nagsimula na, iba’t ibang grupo sumuporta

Muling nagkaharap ang magkabilang panel ng GPH at NDFP upang simulan ang usapang pangkapayapaan, na natigil ng anim na taon. Ang pag-uusap ay gaganapin sa bansang Norway at bilang third party facilitator.

Ang pag-uusap ay tatagal nang isang linggo, mula Pebrero 15 hanggang 21.

Sa nasabing pag-uusap, tatalakayin ang pinakalaman ng usapang pangkapayaapaan ang Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms (Caser), bago ang iba pang adyenda na nauna ng pinagkasunduan sa The Hague Joint Declaration. At bilang “goodwill gesture” sa pagbubukas ng usapan, nagdeklara ang NPA ng isang linggong tigil-putukan.

Ayon sa memorandum ng CPP sa lahat ng yunit NPA sa buong bansa na ipinalabas noong Pebrero 12, inatasan nito na itigil ang lahat ng opensiba laban sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at mga katulad na operasyon.

May ulat si Macky Macaspac