Matagal na detinidong pulitikal sa Mindanao na si Angie Ipong, lumaya na
Lumaya na si Angelina Bisuna Ipong, detindiong pulitikal na nakapiit sa Oroquieta City, Misamis Occidental, ayon kay Fr. Dionito Cabillas ng Samahan ng mga Ex-Detainee laban sa Detensyon at Aresto (Selda). “Alas-10 ng gabi (ng Pebrero 17), nagpadala ng mensahe si Bishop Rhee Timbang ng IFI (Iglesia Filipina Independiente) sa Surigao na si Angie ay […]

Lumaya na si Angelina Bisuna Ipong, detindiong pulitikal na nakapiit sa Oroquieta City, Misamis Occidental, ayon kay Fr. Dionito Cabillas ng Samahan ng mga Ex-Detainee laban sa Detensyon at Aresto (Selda).
“Alas-10 ng gabi (ng Pebrero 17), nagpadala ng mensahe si Bishop Rhee Timbang ng IFI (Iglesia Filipina Independiente) sa Surigao na si Angie ay lumaya,” sabi ni Cabillas.
Hinuli si Ipong sa Aloran, Misamis Occidental noong Marso 8, 2005 ng mga armadong kalalakihang nakasuot ng bonnet habang nagsasagawa diumano ng peace workshop sa mga maralita sa lugar. Kinasuhan siya sa korte ng kasong rebelyon at pagpatay, ngunit binasura din ito ng korte noong nakaraang taon.
Inireklamo ni Ipong ang diumano’y pagmamaltrato at seksuwal na panghaharas sa kanya ng mga militar matapos maaresto.
Konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) si Ipong at matagal nang aktibista sa Mindanao nang maaresto siya noong 2005.
Sinabi pa ni Cabillas na dahil may pagtitipon na idinadaos sa Pines, Oroquieta City noon, dumaan si Ipong sa lugar upang magpasalamat sa kaparian sa kanilang tulong at suporta sa kanya at sa iba pang mga bilanggong pulitikal sa Western Mindanao.
Dematera ng Morong 43, pinalaya rin
Samantala, pinalaya na rin ang isa sa tatlong natitirang bahagi ng Morong 43 na nakakulong sa Camp Bagong Diwa, ayon sa abogado nitong si Julius Matibag.
Pinalaya na si Edwin Dematera, 39 taong gulang, eksakstong dalawang buwan matapos palayain ang 35 sa 43 manggagawang pangkalusugan na na inaresto ng militar sa Morong, Rizal noong Pebrero 4, 2010.
Iniutos ni Pang. Noynoy Aquino noong Disyembre 10, 2010 ang pagpapalaya sa Morong 43 sa kabila ng pandaigdigang presyur na palayain ang mga manggagawang pangkalusugan.
Sinabi ng Selda na ginagawa nila ang lahat para mapalaya na rin ang dalawang lalaking detinido sa Morong 43 na nakapiit pa rin dahil sa mga “kuwestiyonableng” kaso laban sa kanila.
Lima sa Morong 43 ang naiwan sa kustodiya ng Philippine Army sa kampo nito sa Tanay, Rizal matapos sikretong ihiwalay ng mga sundalo ang mga ito at “nakumbinsing” amining mga rebelde sila. Ngunit inirereklamo ng mga kaanak ng lima na pinahirapan ang mga ito matapos puwersahang ihiwalay sa ibang miyembro ng Morong 43.
Bagong magsimula ang kasalukuyang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyernong Aquino at ng NDFP sa Oslo, Norway, ipinanawagan ng NDFP ang kagyat na pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal tulad ning natitira sa Morong 43 at ni Ipong.
Nitong huling dalawang buwan, tatlong pinaghihinalaang mga lider-rebelde ang nahuli at dumagdag sa bilang ng mga bilanggong pulitikal sa bansa.
Noong Enero, nadakip si Tirso “Ka Bart” Alcantara sa Lucena City. Nahuli noong Pebrero 14 ang konsultant ng NDFP na si Alan Jazmines sa Baliuag, Bulacan sa kabila ng paggiit niya na sakop siya ng Joint Safety and Immunity Guarantees (Jasig) ng usapang pangkapayapaan. Nitong Pebrero 16, inanunsiyo naman ng Army sa Samar ang pagkakaaresto diumano kay Ericson Acosta na sinasabi nitong namumunong lider-rebelde sa naturang probinsiya.