Araw-araw na protesta para sa pagsagip ng Pilipinong drug mules, ikinasa
Ikakasa ng Migrante International at Save the Lives of OFWs in Death Row Alliance ang araw-araw na protesta para sa pagsagip sa buhay ng tatlong Pilipinong nakatakdang gawaran ng sentensiyang kamatayan dahil sa umano’y pagiging drug mules sa Tsina. Sa isang candle-lighting ceremony sa Boy Scout Circle sa Quezon City kahapon, nanawagan ang iba’t ibang […]

Ikakasa ng Migrante International at Save the Lives of OFWs in Death Row Alliance ang araw-araw na protesta para sa pagsagip sa buhay ng tatlong Pilipinong nakatakdang gawaran ng sentensiyang kamatayan dahil sa umano’y pagiging drug mules sa Tsina.
Sa isang candle-lighting ceremony sa Boy Scout Circle sa Quezon City kahapon, nanawagan ang iba’t ibang grupo sa gobyernong Aquino na huwag sumuko sa kaso.
Mga sama-samang pagdasal at candle-lighting ang ilulunsad hanggang sa Pebrero 21, kung saan lalahukan ng mga OFW at kanilang mga pamilya ang isang kilos-protesta sa Plaza Miranda sa Maynila.
Naunang inihayag ni Department of Foreign Affairs Undersecretary Esteban Conejos Jr. na “mahirap” nang baligtarin ang sentensiya sa mga OFW na nakatakdang humarap sa lethal injection sa darating na Lunes, Pebrero 21. Nasentensiyahan ang mga ito dahil sa smuggling o ilegal na pagdadala ng heroin noong 2008.
Kaninang umaga, lumipad si Bise-presidente Jejomar Binay patungong Tsina para subukang humingi ng clemency mula sa Supreme People’s Court sa Beijing.
Pero ayon kay Gina Esguerra, pangkalahatang kalihim ng Migrante, matagal na hindi naging bukas ang gobyerno hinggil sa mga hakbang nito para tulungan ang mga OFW na inakusahang drug mules. Umano’y biktima lamang ang mga OFW ng mga sindikato o ng matinding kahirapan.
“Kapit sa patalim na ang ating mga kababayan. Kaya habang nirerespeto namin ang mga batas at proseso ng gobyernong Tsina, nagtataka kami kung tinulungan nga ba gobyerno ang ating mga kababayan,” sabi ni Esguerra.
Ayon sa pagmonitor ng grupo, hanggang Pebrero noong nakaraang taon ay may 195 Pilipino na ang inaresto sa Tsina dahil sa drug-related cases. Sampu ang sinentensiyahan ng kamatayan nang walang reprieve, habang 56 ang may tsansang mabaligtad ang sentensiyang kamatayan sa loob ng dalawang taon.
May 30 naman ang nasentensiyahan ng habambuhay na pagkakabilanggo habang 44 ang binigyan ng 15 taong pagkakabilanggo. Dinidinig pa ang kaso ng 55 sa kanilang.
Ayon sa Migrante, biktima lamang ang karamihan sa Pilipinong drug mules ng illegal recruitment o human trafficking.
“Kung naging mas mapagbantay lang sana ang gobyerno sa mga Pilipino at binigyan sila ng kinakailangang tulong, hindi sila mapipilitang makitungo sa mga sindikato ng droga,” dagdag ni Esguerra.