Testigo sa PNP, ipinagtibay na ‘militar ang maysala’ sa pagpaslang kina Leonard Co
Ipinagtibay ng dating opisyal ng Philippine National Police (PNP) sa Leyte na “militar ang maysala” sa pamamaslang sa tanyag na botanist na si Leonard Co at dalawang iba pa at hindi mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Kananga, Leyte noong Nobyembre 2010.

Ipinagtibay ng dating opisyal ng Philippine National Police (PNP) sa Leyte na “militar ang maysala” sa pamamaslang sa tanyag na botanist na si Leonard Co at dalawang iba pa at hindi mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Kananga, Leyte noong Nobyembre 2010.
Sa pagpapatuloy na imbestigasyon ng Commission on Human Rights (CHR) kamakailan, napag-alamang matapos ang pamamaslang, nagsumite si Atty. Jose Sosito, direktor ng rehiyunal na tanggapan ng PNP sa Leyte, ng ulat na wala umanong palitan ng putok sa pagitan ng mga sundalo ng 19th Infantry Battalion ng Philippine Army at mga rebelde.
Ayon kay Giovanni Tapang, propesor sa Unibersidad ng Pilipinas at tagapagsalita ng Justice for Leonard Co Movement, napag-alaman sa imbestigasyon ng CHR na matapos magsumite si Sosito ng naturang ulat ay nalipat siya sa PNP Instruction and Training Division.
Idinagdag pa ni Tapang na ito na opisyal na “pinakamalakas na ulat” na magdidiin sa kung sino man ang dapat managot sa pagkamatay ng tatlong sibilyan.

“Malinaw na kahit ang PNP Joint Task Force ay hindi maetsa-puwera ang mga ebidensiyang pisikal at ang malakas, kapani-paniwalang testimonya ng survivors,” ani Tapang. Umaasa umano sila na hindi matutulad ang kasalukuyang imbestigasyon ng Department of Justice sa naunang ulat ng DOJ-NBI (National Bureau of Investigation) Team na nagbalewala umano sa parehas na mga datos at testimonya.
Tumestigo rin ang dalawang saksi na nakaligtas sa pamamaril noong Nobyembre 2010 sa Kananga, Leyte. Idiniin nina Policarpio Balute at Ronino Gibe ang militar sa pamamaslang sa mga kasamahan nilang sina Co, Julius Borromeo at Sofronio Cortez.
Sa naturang pagdinig, sinabi ni Gibe na umuulan ng bala nang dumapa sila. Diumano, sumisigaw sila ng “Tama na sir! Hindi kami kalaban,” habang pinuputukan umano sila ng mga militar.
Nauna nang nagsagawa ng independiyenteng imbestigasyon noong Disyembre 2010 ang Justice for Leonard Co Movement, kasama ang Pinoy Weekly, sa lugar ng pamamaslang sa loob ng compound ng planta ng Energy Development Corporation (EDC) sa Kananga, Leyte.
Napag-alaman sa naturang imbestigasyon na nanggaling sa iisang direksiyon ang bullet marks sa lugar.
Sa ika-100 araw ng pagkamatay nina Co, nagpiket ang mga tagsuporta at kaanak ng mga biktima sa ilalim ng Justice for Leonard Co Movement sa harap ng Department of Justice sa Manila para igiit ang hustisya sa kanilang pamamaslang.