Migrante

Pilipino sa Libya inaabandona sa mga kampo na walang tubig, pagkain


Maraming Overseas Filipino Worker (OFW) ang inaabandona na sa mga kampo sa iba’t ibang bahagi ng Libya, na binabayo ngayon ng matinding protesta. Ayon sa ulat ng Migrante International, mga Pilipino na lamang ang natitira sa ilang workers’ camps sa Libya dahil nauna nang inilikas ang mga manggagawa mula sa ibang bansa ng kani-kanilang gobyerno. […]

Maraming Overseas Filipino Worker (OFW) ang inaabandona na sa mga kampo sa iba’t ibang bahagi ng Libya, na binabayo ngayon ng matinding protesta.

Ayon sa ulat ng Migrante International, mga Pilipino na lamang ang natitira sa ilang workers’ camps sa Libya dahil nauna nang inilikas ang mga manggagawa mula sa ibang bansa ng kani-kanilang gobyerno. Walang tubig at pagkain ang karamihan sa naiiwang mga OFW.

“Wala nang minutong dapat sayangin pa, dapat kagyat na ilikas ang mga Pilipino doon. Ano pa ba ang hinihintay ng gobyerno natin?” tanong ni Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante.

Nakatanggap ang grupo ng ulat na may 145 Pilipinong manggagawa ng Alnahar Company ang naiwan sa Nalut, Tripoli, sa isang kampong ni-ransack ng ilang mga demonstrador. May 25 Pilipino naman na nagtatrabaho sa Dana Generak Contractor- Libyan Company ang naiwan sa kampo nang walang pagkain at transportasyon.

“Ito na nga ang kinatatakot natin. Humantong na sa ganito ang sitwasyon dahil sa pag-urong-sulong ng gobyerno. Parating ang inuunang konsiderasyon ay ang remittance na mawawala kaysa ang buhay at kapakanan ng ating mga kababayan,” sabi ni Martinez.

Gayundin, mahigit 100 OFW ang stranded sa Kufra, isang lungsod sa Timog Silangang bahagi ng Libya. Ayon sa ulat ng Migrante, walang pagkain, tubig, at akomodasyon ang mga Pilipino roon.

May tinatayang 36,000 Pilipino sa Libya.

Magpapadala ng quick reaction team ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa Libya, para pangasiwaan ang voluntary repatriation ng mga OFW. Inaasahan ng DFA na tatawag sa embahada ang mga Pilipinong nais umuwi.

Hindi sapat ito, ayon sa Migrante, na nanawagan ng mas malawakan at sistematikong repatriation.

Ngunit nagbabala rin ang grupo na dapat paghandaan ng gobyerno ang pagbabalik sa bansa ng libu-libong Pilipino mula sa Gitnang Silangan, kung saan pumutok ang mga protesta sa iba’t ibang bansa sa nakaraang mga linggo. Dapat umanong siguruhin ng gobyerno na may naghihintay na trabaho rito para sa mga OFW.