Magsasaka sa Albay dinukot, apat na lider militante sa Camarines Sur pinalaya
Dinukot umano ng hindi nakilalang apat na kalalakihan ang isang magsasaka sa Brgy.3, Malilipot, Albay noong Pebrero 25. Inihayag ng Karapatan Bikol, na ang biktimang si Rodel Estrellado, 34 anyos, ay pauwi galing sa palengke nang sapilitang isakay sa isang kulay grey na kotse na may plakang MXN-902. Sinabi ni Vince Casillihan, tagapagsalita ng Karapatan-Bikol, […]

Dinukot umano ng hindi nakilalang apat na kalalakihan ang isang magsasaka sa Brgy.3, Malilipot, Albay noong Pebrero 25. Inihayag ng Karapatan Bikol, na ang biktimang si Rodel Estrellado, 34 anyos, ay pauwi galing sa palengke nang sapilitang isakay sa isang kulay grey na kotse na may plakang MXN-902.
Sinabi ni Vince Casillihan, tagapagsalita ng Karapatan-Bikol, na maraming nakasaksi sa insidente. “Hinahanap ng mga kalalakihan ang bahay ni Malyn, na asawa ni Rodel bago ito nawala,” ani Casilihan.
Sinabi umano ng mga nakasaksi na sinuntok diumano si Estrellado, matapos magpumiglas at magsisigaw siya ng “Habo ko, habo ko!” (“Ayoko, ayoko!”) habang sapilitang isinasakay.

Idinagdag pa ni Casillihan na batay sa mga kuwento ng mga saksi, may lulan ng kotse ang apat na kalalakihang malalaki ang pangangatawan at Tagalog ang pananalita. Diumano, nakita ng mga saksi na patungong Legaspi ang sasakyang dumukot kay Estrellado .
Malaki ang hinala ng mga kamag-anak at ng Karapatan na militar ang may kagagawan ng pagdukot. “Matagal nang pinaparatangan si Rodel na kasapi ng NPA (New People’s Army),” ani Casillihan.
Daet 4, pinalaya
Samantala, pinalaya ng korte noong Pebrero 23 ang apat na lider militante sa Albay, dahil sa kawalan ng matibay na ebidensiya laban sa kanila.
Inaresto ang tinaguriang “Daet 4” na sina Esmeraldo Bardon, tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sa Camarines Sur; Denver Bacolod, istap ng Karapatan Camarines Sur, pangkalahatang kalihim ng Makabayan at provincial coordinator ng Alliance of Concernte Teachers (ACT); Merlo Bermas ng Kabataan Party-list; at Elpidio Deluna, magsasaka at dating bilanggong pulitikal, sa isang reyd noong Nobyembre 22, 2010 ng pinagsanib na puwersa ng militar at kapulisan.
Ibinasura ni Judge Roberto A. Escaro ng Regional Trial Court Branch 39, ang kasong illegal possession of explosives, pagpatay at rebelyon na isinampa laban sa apat.