Uncategorized

Nagluluksa muli ang showbiz sa pagpanaw ni Paquito Diaz


Hindi na gawa-gawa lamang ngayon ang kamatayan ni Paquito Diaz kundi talagang binawian na siya ng buhay sa gulang na pitumpu’t tatlo sa Daraga, Albay noong Huwebes. Matagal ding naratay sa banig ng karamdaman si Paquito sa kanilang bayan kasama ang talagang tubo sa lugar na ito na si Nena Gutierrez, kapatid ng guwapo at […]

Hindi na gawa-gawa lamang ngayon ang kamatayan ni Paquito Diaz kundi talagang binawian na siya ng buhay sa gulang na pitumpu’t tatlo sa Daraga, Albay noong Huwebes.

Matagal ding naratay sa banig ng karamdaman si Paquito sa kanilang bayan kasama ang talagang tubo sa lugar na ito na si Nena Gutierrez, kapatid ng guwapo at beteranong aktor na si Bob Soler.

Naiuwi na rin sa Maynila ang mga labi ng namayapang aktor at nakaburol ngayon sa Funeraria Paz sa loob ng Manila Memorial Park sa Parañaque City.

Ang marubdob na nag-aasikaso ng pagdadala sa Maynila sa bangkay ni Kits at sa lamay ay si Joko Diaz.

Sa katunayan, kahit noong buhay pa ang dakilang kontrabida, si Joko na ang nakabantay rito kasama ang kanyang ina.

***

Kaya lang, nang kitlin ang buhay ni Paquito ay wala sa kanyang tabi si Joko.

“Umalis kasi ako no’n. Lumuwas ako. Nagpaalam naman ako kay Daddy. Binulungan ko pa nga siya na aalis ako at magpahinga lang siya. Tapos, nagsenyas siya sa akin ng thumbs up at napangiti siya,” pahayag ni Joko.

Ayon sa batang aktor, nandoon naman at nagkataon ang kanyang mga kapatid na babae at ang kanyang kapatid sa amang lalaki.

Nang mga sandaling namatay si Kits ay tinawagan ng pamilya si Joko at dagli naman itong nagbalik sa Daraga.

Mula noon ay siya na ang pangunahing nag-aasikaso ng labi ng kanyang tatay.

***

“Nang dadalhin na namin si Daddy sa Maynila, bigla na lang na-cancel ang flight kaya kailangang maghintay kami ng rescheduling. Mabuti naman at nagkaroon aga.

“Kaya lang, talagang maraming mga dapat asikasuhin. Kailangang coordinated lahat,” salaysay ng action star.

Puyat na puyat pa nga ang machong bituin pero hindi niya iniinda ang pagod at sakit ng katawan basta maayos lang ang burol sa kanyang ama.

Kahit naiinitan siya sa loob ng kapilya kung saan nakahimlay ang mga labi ni Paquito ay lumalabas na lang sa harap ng gusali ng punerarya si Joko at doon nagpapahangin.

***

Sinabi ni Joko na ibinigay na nilang lahat sa kanyang ama ang mga hiniling nitong pagkain at inumin bago mamatay.

“Mabuti na ‘yon para makamtan na niya lahat bago mahuli ang lahat. Kailangang maging kontento ang father namin sa mga huling sandali ng kanyang buhay,” pagtatapat ng morenong aktor.

Para kay Joko, si Kits ang pinakamabait na ama sa buong daigdig.

“Kabaligtaran siya sa kanyang pagiging kontrabida sa pelikula. Sa totoong buhay, napakabait niya. Kulang na lang ay ibigay niya ang kanyang buhay sa kanyang kapwa.

“Pag may humingi r’yan ng tulong, kahit na kahuli-hulinang sentimo sa kanyang bulsa, ibibigay niya. Ganyan ang Daddy namin. Alam mo ba na pag may shooting ‘yan, pupunta ‘yan sa set, lalo na nang umiinom pa siya. May nakaimbak siyang isang case na beer sa likod ng kanyang kotse.

“Kasi, sabi niya, ayaw niya ‘yong siya lang ang iinom sa set. Pag may dala siyang beer, nagpapainom siya,” kuwento ng anak.

***

Dumating sa burol si Gary Estrada kasama ang misis nitong si Bernadette Allyson.

Galing lang sa Atimonan, Quezon si Gary dahil may kamiting siya kaugnay sa kanyang pagiging bokal ng Ikalawang Distrito ng Lalawigan ng Quezon.

Dumiretso siya sa punerarya.

Alam naman nating may anak si Gary sa isa sa mga anak ni Paquito na si Cheska Diaz.

Matagal nang kabanata ng buhay nina Estrada at Cheska ‘yon pero ito ay tanda ng paghihinang ng mga pamilya ng Estrada at Diaz.

Malaki na ang supling nina Cheska at Gary, tin-edyer na at parang kung kailan lang.

***

Wari’y ipinagmamalaki ng anak ni Gary kay Cheska ang kanyang ama dahil nang dumating ito ay halos maglulundag siya sa tuwa at kulang na lang ay ipagsigawang nand’yan ang kanyang ama.

Laging magkatabi ang mag-ama kahit na nand’yan pa ang kanyang madrastang si Bernadette.

Magiliw ang anak na lalaki sa kanyang ama na hindi niya kapilking pero lagi naman silang may komunikasyon.

Guwapo rin ang anak na tulad ng ama.

Malakas din ang sex appeal at wari’y magpapaluha rin ng mga babae.

Pero sana ay matuto na siya sa mga karanasan ng kanyang ama.

***

Bago pa dumating si Phillip Salvador sa lamay ay nagtatanong na ang mga extra at stuntman ng pelikulang Filipino kung nasaan na ang mga miyembro at opisyal ng Katipunan ng mga Artista ng Pelikulang Pilipino at Telebisyon o KAPPT.

Nanguna sa pag-usisa si Ed Mapile, isang beteranong character actor at isang dating opisyal ng pulisya.

“Bakit wala yata akong nakikitang mga officers ng KAPPT o kahit na sinong mga member?” tanong ni Ed.

Pero ayon sa stalker ni Ara Mina at ni Rose Valencia ay nandoon sa lamay kani-kanina lang si Tirso Cruz III.

“Wala pang ibang reporter. Ikaw pa lang ang nakita kong reporter. Naku, nand’yan si Tirso kanina. Ewan ko kung sino pa ang darating,” sabi ng tinatakang stalker ng pelikulang Filipino.

***

Pagkatapos itanong ni Ed ang kawalan ng mga taga-Actors Guild ay nand’yan at dumarating ang mga mapagkakatiwalaang goons sa showbiz na sina Robert Miller, Danny Labra, Richard Duran at Jess Sanchez.

Si Jess nga ay maituturing na hindi lang isang stuntman o character actor dahil siya ay nakapagprodyus na sa pamamagitan ng Buffalo Films.

Si Sanchez na nagtataguyod ng kapwa niya maliliit na tao sa larangan ng showbiz.

Nagtagal sa pakikiramay si Sanchez kasama ang kanyang mga kaibigan at nadatnan pa sila ni Phillip.

Nang makita sila ni Salvador ay agad na itong nakipagkamay sa kanila.

Hinanap pagkatapos ng action star ang asawa ni Paquito at niyakap nang makatalamitam.

Ang presidente ng KAPPT ay matagal na nagbabad sa pakikipaglamay sa kanyang maestro sa paglilider sa grupo ng mga artista dahil si Kits ay naging presidente rin ng Actors Guild.

***

May isa pa ring nalagas na miyembro ng showbiz at siya ay walang iba kundi si Manny Nuqui na isang batikang prodyuser ng mga pelikulang aksyon.

Maraming nagawang obra si Manny at si Rudy Fernandez ay nilikha rin niya bilang isang malaking bituin.

Bago pumanaw ay malaki at malalim ang partisipasyon ni Manny sa showbiz.

Siya ay aktibong miyembro ng Film Academy of the Philippines at isa ring malaking tao sa Metro Manila Film Festival Philippines.

Nakikiramay kami sa mga pamilya ng Diaz at Nuqui sa pagyao ng kani-kanilang mga mahal sa buhay.