Krisis sa Gitnang Silangan: Anong plano ng gobyerno para sa OFWs?
May halos tatlong milyong Pilipino ang nagtatrabaho sa rehiyon na ngayo’y binabayo ng mga pag-aalsa. Handa ba ang gobyernong tugunan ang responsabilidad nito sa pagsagip at paglikha ng trabaho sa sariling bansa?

Ligtas mang nakauwi mula sa Libya noong Marso 6 si Felix Pangilinan, pakiramdam niya’y nag-uumpisa pa lamang ang kanyang kalbaryo. Dalawang buwan na kasi siyang hindi sinasahuran ng kompanyang pinagtatrabahuan na Al Makarim Construction Co. bago sumiklab ang mga protesta. Tuloy, walang naiuwi sa kanyang pamilya, at sa edad na 55 ay walang nakikitang maaari niyang pasukang trabaho.
“Hindi pa kasi tapos sa pag-aaral ang mga anak ko. Tapos dito sa atin, sobrang taas na ang presyo ng mga bilihin, hindi naman tumataas ang sahod. Hindi mabubuhay ang pamilya ko,” aniya.
Lumalabas na dalawang uri ng pagsagip ang kailangang gawin ng gobyerno para sa mga Overseas Filipino Worker (OFW) na naipit na at posible pang maipit sa patuloy na sigalot sa Gitnang Silangan. Una, ang pagsagip sa kanila mula sa panganib sa rehiyon. Ikalawa, ang pagsagip sa kanila mula sa kawalan ng kabuhayan sa bansa.
Mabagal na tugon
Kung pagbabatayan ang pagtugon ng gobyernong Aquino sa krisis sa Libya, nakakatakot at nakakabahala ang sitwasyon ng mga OFW na nakakalat sa iba’t ibang bansa sa Gitnang Silangan. Ayon sa mga grupong migrante, hindi ito handa sa pagpapalikas, gayundin sa pagsisigurong may trabaho para sa mga dadagsang pauwi ng Pilipinas.
May 15,000 OFW pa ang nananatili sa Libya, ngunit itinigil na ng gobyerno ang paglilikas. Samantala, patuloy na binabayo ang iba pang bahagi ng rehiyon ng mga pag-aalsa ng mamamayan laban sa mga despotikong rehimen. Noong nakaraang Biyernes, isang Day of Rage ang inilunsad ng libu-libong katao laban sa monarkiya ng Saudi Arabia. Sinupil ng pulisya ang protesta, ngunit nananatili ang malawakang diskuntentong maaaring pumutok anumang oras.
May tinatayang 1.8 milyong OFW sa Saudi Arabia. Mayroon namang 31,000 Pilipino sa Bahrain at 1,400 sa Yemen, mga bansang humaharap din sa malawakang protesta at marahas na panunupil.
Puna ng Migrante International, alyansa ng mga grupong migrante, walang malinaw na plano ang gobyernong Aquino para sa mga OFW sakaling magkagulo. “Ngayon pa lamang, dapat nag-aanunsiyo na sa mga Pilipino ng plano at detalye ng posibleng paglikas,” ayon kay Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante.
Umabot ng halos dalawang linggo mula nang mag-umpisa ang mga protesta sa Libya, bago inumpisahan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang paglikas ng mga Pilipino.

Sang-ayon sa maagap na preparasyon at paglikas si Arlene Manarac, na ang asawang si Jerry ay kasalukuyang nakakulong sa Saudi Arabia. “Aksiyunan na nila hangga’t maaga, hindi kapag huli na. Nakakatakot kasi gaya doon sa Egypt, pinalabas ng gobyerno ang mga preso at saka pinagbabaril,” aniya sa panayam ng Pinoy Weekly.
Personal ang karanasan ni Arlene sa mabagal na pagtugon ng gobyerno sa pangangailangan ng mga OFW. Biktima umano ng frame-up kaugnay sa ilegel na droga ang kanyang asawa, at nasentensiyahan ng tatlong taong pagkakakulong dahil na rin sa inabot ng tatlong buwan bago pinansin ng embahada, na wala ring abogadong naibigay.
Responsabilidad ng gobyerno
Sa pagdinig noong Marso 9 ng Committee on Overseas Workers’ Affairs, hindi itinanggi ni Sek. Rosalinda Baldoz ng Department of Labor and Employment (DoLE) na ang naging malaking papel ng mga employer sa pagpapauwi ng mga OFW. Taliwas ito sa pagpapalabas ng DFA na inaruga ng gobyerno ang mga Pilipino sa Libya.
Kuwento ni Felix, ang kanyang employer ang nagtawid sa kanila sa disyertong hitik sa tsekpoint. Sa loob ng tatlong araw, nagsiksikan ang mga OFW sa isang safehouse sa border ng Tunisia. “Isang beses lang nagbigay sa amin ng pagkain ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA). Ang mga taga-Djerba ang talagang nag-aruga sa amin,” aniya.
Inamin din ni Baldoz noong pagdinig na nasa P4.098 Milyon pa lamang ang nagagastos ng DoLE at OWWA para paglikas. Nasa P100-M ang kabuuang emergency repatriation funds ng OWWA pa lamang. “Ang laging sinasabi ng gobyerno, na hindi tayo kasing-yaman ng ibang mga bansa. Pero may nakalaan namang pondo para sa mga kalagayang tulad ng ganito,” sabi ni Martinez.
Dagdag pa ng Migrante, ayon sa Republic Act 10022 o Amended Migrants’ Act, responsabilidad ng gobyerno ang pagpapauwi sa mga OFW sa panahon ng emergency o krisis. Ayon umano sa Sek. 15 ng nasabing batas, responsabilidad lamang ito ng employer sa ilalim ng normal na sirkunstansiya.
Gayundin, may responsabilidad ang gobyerno, ayon sa mga OFW, sa pagsisiguro sa kanila ng trabahong may sahod na nakabubuhay ng pamilya. Kapos umano ang P10,000 na financial assistance ng OWWA. Hindi pa ito sapat na puhunan para sa negosyo, at “kung magnegosyo ka man, maliit lang ito, tapos kung walang kasamang suwerte, mawawala rin ang puhunan mo,” ayon kay Felix. Ngayon pa lamang, nag-iisip na muli siyang mangibang-bansa.
Samantalang si Arlene, walang ibang hiling kundi mapauwi mula sa Saudi Arabia ang kanyang asawa, na bago pa man sumiklab ang krisis sa rehiyon ay naging biktima na ng pagpapabaya ng gobyerno.