Grupong taguyod ng karapatan ng bata nagrali vs karahasan sa bata


Bitbit ang gula-gulanit na mga manika bilang simbolo ng karahasan sa mga bata, mahigit isandaang mga bata kasama ang child rights advocates ang nagmartsa patungong Mendiola upang ipanawagan sa gobyernong Aquino na itigil ang karahasan sa mga bata.

Bitbit ang gula-gulanit na mga manika bilang simbolo ng karahasan sa mga bata,  mahigit isandaang mga bata kasama ang child rights advocates ang nagmartsa patungong Mendiola upang ipanawagan sa gobyernong Aquino na itigil ang  karahasan sa mga bata.

Sa pangunguna ng Salinlahi Alliance for Children’s Concerns itinaon ang  martsa at protesta sa courtesy call sa Malakanyang ni United Nations (UN) Special Representative to the Secretary General Radhika Coomaraswamy.  Kasalukuyang nasa bansa si Coomaraswamy upang imonitor at mag-ulat sa UN Security Council hinggil sa mga paglabag sa karapatan ng mga batang nasa sitwasyon ng armadong tunggalian.

Sa pahayag ng grupo, kanilang umanong inilulunsad ngayong araw ang isang linggong kampanya hinggil sa panawagang pagtigil ng karahasan  sa mga bata.  Tampok umano sa kampanya ang paglabag ng kasalukyang administrasyong Aquino sa karapatan ng mga bata partikular  na sa kanayunan.

“Pinakamahusay na panahon ito upang patampukin ang usapin ng mga bata tulad ng malawakang pagrekluta  ng mga menor-de-edad sa mga grupong paramilitar at ang patuloy na pagbabansag sa mga bata sa mga komunidad sa kanayunan bilang mga batang mandirigma, “ani Melissa San Miguel, tagapagsalita ng Salinlahi.

Kasamang nagmartsa ang ilang batang diumano’y biktima ng mga militar, “nandito kami para ipaabot sa mga tao ang aming kalagayan,” ani Lara, 17 taong gulang sa panayam ng Pinoy Weekly.  Ayon sa kanya, hindi sila makabalik sa kanilang eskuwelahan sa Sityo Dlumay, Malapat, Saranggani dahil takot umano  73rd Infantry Batallion ng Philippine Army ang mga guro sa B’laan School of Literacy and Learning Center.   Pinaparatangan umano ang mga guro na rebeldeng New People’s Army (NPA) ng mga militar.

Isang 11 taong gulang na bata naman mula sa Calinog , Iloilo ang nagsabi sa Pinoy Weekly na naranasan umano niyang sapilitang isama ng mga militar  patungo sa barangay hall, at diumano habang nasa daan ay inalok ng pera kapalit ng pagtuturo nito sa NPA.

“Inalok nila ako ng P50. (Pero) wala naman akong alam sa mga NPA,” aniya.

Panawagan laban sa karahasan sa mga bata. (Macky Macaspac)
Panawagan laban sa karahasan sa mga bata. (Macky Macaspac)

Ayon kay San Miguel, dapat umanong managot ang kasalukuyang administrasyon hindi lamang sa mga paglabag nito sa karapatan ng mga bata. Diumano, dapat din nitong panagutan ang kawalan aksiyon hinggil sa mga paglabag sa karapatang pantao ng nakaraang administrasyon Arroyo.

Dagdag pa ni San Miguel, na sa loob umano ng anim na buwang panunungkulan ni Aquino, nakapagtala na umano ang Children’s Rehabiliation Center ng anim na batang biktima ng bigong pagpatay. Apat naman na bata ang tinortyur at dalawa ang batang ilegal na inaresto at ikinulong.

“Naganap ang mga paglabag na ito sa kabila ng pagmamalaki ng administrasyong Aquino na pinaka mahalaga sa kontra-insurhensiyang Oplan Bayanihan ang  pagrespeto sa karapatang pantao,” ani San Miguel.

“Walang ginawa si Pangulong Aquino upang matigil ang kultura ng impunidad,” pagtatapos ni San Miguel.