Kawani sa lokal na gobyerno, suporta sa dagdag-sahod


Nakiisa ang mga kawani ng gobyerno mula sa iba’t ibang panig ng bansa sa panawagang pagtataas ng sahod ng lahat ng manggagawa sa harap ng patung-patong na pagtaas ng presyo ng bilihin.

Iginiit ng Leauge sa administrasyong Aquino na huwag iasa sa Salary Standardization Law 3 ang pagtaas sa minimum pay nilang mga kawani sa lokal na gobyerno. (Kontribusyon)
Iginiit ng Leauge sa administrasyong Aquino na huwag iasa sa Salary Standardization Law 3 ang pagtaas sa minimum pay nilang mga kawani sa lokal na gobyerno. (Kontribusyon)

Nakiisa ang mga kawani ng gobyerno mula sa iba’t ibang panig ng bansa sa panawagang pagtataas ng sahod ng lahat ng manggagawa sa harap ng patung-patong na pagtaas ng presyo ng bilihin.

Sa isang press conference, inihayag ng grupong League of Local Government Unit Employees (League) na sa halip na matulungan ang mga kawani ng gobyerno sa pagpapatupad ng Salary Standardization Law 3 (SSL3) simula 2009, nagdulot lamang umano ang nasabing polisiya ng ibayong panlalamang, lalo na ang mga empleyado ng local government units (LGU) sa mga maliliit na bayan.

“Sinasabi ng administrasyong Aquino na hindi na dapat humiling ang mga empleyado ng LGUs ng dagdag-sahod dahil may SSL3 na, pero sa katotohanan, lalo pang napag-iwanan ang aming sahod dahil dito,” ani Erwin Lanuza, pambansang pangulo ng League.

Panawagan ng mga kawani ng gobyerno, huwag lamang ipaubaya sa SSL3 ang pagtaas ng sahod ng LGU employees at sa halip ay ipagkaloob na ang P6,000 na across-the-board salary increase na ilang taon na nilang hiling sa pamahalaan.

Mapanlinlang na umento

Layunin ng SSL3 na isaayos ang sahod sa 33-grade government pay scale sa pamamagitan ng pagbibigay ng umento sa pamamagitan ng apat na tranche o bahagi.

Ngunit ayon sa League, ang paunti-unting umento sa sahod na bunsod ng SSL3 ay pabor lamang sa mga nasa mataas na posisyon sa gobyerno.

Sa pagtatapos ng ikaapat na bahagi ng pagtaas sa 2013, tinatayang P200 hanggang P713 lamang itataas ng sahod ng mga nasa pinakamababang posisyon sa gobyerno, samantalang makatatanggap ng P9,000 hanggang P12,000 umento ang mga nasa pinakamataas na posisyon, kabilang na si Pang. Benigno Aquino III.

Dagdag ni Lanuza, tinuturing ng SSL3 ang mga kawani na tila mga “second-class citizen” dahil ibinabatay sa income class at financial capability ng isang LGU ang umento sa sahod, paliwanag ni Lanuza.

“Sa ganitong lagay, ang mga kawani ng gobyerno na nagtatrabaho sa mga lower-class na munisipalidad ay mas mababa ang nakukuhang umento kumpara sa mga nagtratrabaho sa mga siyudad,” dagdag niya.

Pagsapit ng 2013, makatatanggap lamang ang isang kawani ng LGU na nasa Salary Grade 1 mula sa isang sixth class municipality ng buwanang sahod na P5,512, wala pa sa sangkapat ng tinatayang monthly cost of living para sa isang pamilya na P28,710.

Hindi nakabubuhay na sahod

“Talagang hindi sapat na solusyon ang SSL3 sa pangangailangan ng LGU employees sa makabuluhang dagdag-sahod. Malaking kasinungalingan ang sabihing nag-e-enjoy ang mga kawani sa SSL3,” ani Lanuza.

Para kay Nelson Ducusin, isang Salary Grade 5 employee ng Quezon City Public Order and Safety Department, talagang hindi ramdam ang umentong bunsod ng SSL3.

Sa kasalukuyan, sumasahod si Ducusin ng P9,780 kada buwan, mas mataas ng P200 kung ihahambing sa kanyang sahod bago ang implementasyon ng unang dalawang tranche ng SSL3. Ngunit sa nasabing halaga, halos P5,000 lamang ang kanyang naiuuwi sa kanyang pamilya dala ng iba’t ibang deduction gaya ng buwis at bayad sa PhilHealth.

“Kulang na kulang talaga ang P5,000 isang buwan, lalo sa akin na lima ang anak na lahat ay nag-aaral,” ani Ducusin. “Maliit na nga ang dagdag sa SSL3, instalment pa. Mas mabilis pang tumaas ang presyo ng diesel kaysa sahod namin,” dagdag niya.

“Hinahamon naming ang administrasyong Aquino na tuparin ang pangako niyang matuwid na daan ng pagbabago sa pamamagitan ng pakikinig sa aming panawagang P6,000 increase sa minimum pay ng government employees at P125 across-the-board wage hike para sa mga manggagawa ng pribadong sektor,” ani Lanuza.