Uncategorized

Fil-Briton filmmaker Jowee Morel, pinagtaasan ng kilay ang karnabal na kasal nina Prince William at Kate Middleton


Matagal na sa London si Jowee Morel, isang Fil-Briton na nakagawa na ng napakaraming pelikula kabilang ang “Moma,” “Ec2Luv,” “Mga Paru-Parong Rosas,” “Mona, Singapore Escort,” “When A Gay Man Loves,” “Latak,” “HiStory,” “Moving Dreams” at “Strictly Confidential.” Pagkatapos ng kanyang elementarya sa Cagayan de Oro City ay nag-aral siya ng mataas na paaralan—palipat-lipat nga lang—sa […]

Matagal na sa London si Jowee Morel, isang Fil-Briton na nakagawa na ng napakaraming pelikula kabilang ang “Moma,” “Ec2Luv,” “Mga Paru-Parong Rosas,” “Mona, Singapore Escort,” “When A Gay Man Loves,” “Latak,” “HiStory,” “Moving Dreams” at “Strictly Confidential.”

Pagkatapos ng kanyang elementarya sa Cagayan de Oro City ay nag-aral siya ng mataas na paaralan—palipat-lipat nga lang—sa Maynila pero sa London na niya natapos ang sekondaryang edukasyon.

Sa United Kingdom na rin siya nag-aral ng kursong Nursing at nagtrabaho sa maraming ospital at mga pribadong institusyon at lugar sa buong London.

Habang naglilingkod sa mga may karamdaman ay ang paggawa ng mga produksyon sa tanghalan at pag-aalaga ng mga talento ang pinagkaabalahan ni Jowee.

Naging matalik pa nga niyang kaibigan sa London ang lokal na mang-aawit na si Jam Morales.

***

Nang bumalik siya sa Pilipinas noong 2004 ay nagnegosyo naman siya ng restoran sa Bohol pero hindi rin tumagal at nagtapon lang siya ng labintatlong milyong piso dahil nahirapan siyang pamahalaan ang mga manggagawa na anya’y maraming kaaliwaswasang ginagawa.

Kaya nagtungo siya sa Maynila at nakipagsapalaran sa ibang larangan kahit na nagpundar ulit siya at nangutang sa kanyang mga kaibigang taga-London.

At naisipan nga niya ang paggawa ng pelikula dahil na rin sa kanyang pasyon sa aninong gumagalaw.

Pero hindi madali ang paghawan sa kanya ng industriya ng pelikulang Filipino dahil matindi at mahigpit nga ang kompetisyon sa negosyo at sining na ito.

Pero nagtiyaga pa rin si Jowee dahil may nais siyang patunayan at unti-unti, nakagawa siya ng mga obra at konting pangalan.

***

Hanggang noong 2009 ay nagpasya na nga siyang magbalik sa London dahil naubos nang lahat ang kanyang naipon.

Pero hindi na siya babalik sa larangan ng kalusugan bagkos ay makikidawdaw sa iba pang larangang mapagkakakitaan habang siya ay naghahanda para sa kanyang pagpapatala sa unibersidad para sa kursong filmmaking.

Kahit na naman siya ay Fil-Briton ay hindi sapat para magpabandying-bandying lang siya sa ibang bansa.

Kahit na pamasahe o kaya ay pagkain ay kailangan ding hanapin kaya may pakonti-konti siyang trabaho na sapat para mabuhay siya bukod pa sa suporta ng malalapit na kaibigan.

***

Hanggang makapagpatala nga siya sa University of Greenwich bilang estudyante ng filmmaking.

At may pangangailangan ang pamantasan para sa kanyang pagkumpleto ng kurso—ang paggawa ng isang pelikula.

Ang una’y isang short film ang itinakda ng kanyang propesor pero anya’y bakit short o digital film pa ang kanyang gagawin samantalang marami na siyang obrang nagawa na ganito ang mga pormat.

Nais ni Morel na mangahas sa 35mm, ang paggamit ng negatibo o celluloid sa kamera ng pelikula at ang produkto nito ay ang pagsasalang ng pormat sa projector.

Ito ay sa kabila ng katotohanang ang karamihan na sa Hollywood at sa iba pang lugar na maunlad ang negosyo ng paggawa ng pelikula ay digital na ang mga kasangkapan at mga tape o disc na ang mga bumibihag sa mga eksena o tagpo sa shooting.

***

Kasabay ng paghahanda ni Jowee sa kanyang pelikula ay ang pagpapakasal nina Prince William at Kate Middleton noong Biyernes.

Pero walang pakialam ang kontrobersyal na direktor dahil nga habang ikinakasal sina William at Kate sa gitna ng paghugos ng mga tao at manonood at heto naman si Jowee at ang kanyang mga kaklase at nagmimiting para sa preparasyon ng shooting.

Pinagtataasan nga nila ng mga kilay ang mga nag-aaligaga at gagang-gaga sa kasal ng prinsipe at commoner na ayon sa mga ulat ay ngayon lang nangyari sa kasaysayan ng United Kingdom o kahit ng Great Britain.

“Ewan ko ba sa mga ‘yan. Nakakaloka. Naku, ang mga tao, nagdala pa sila ng mga banig, kumot at unan para matulog sa mga parke rito sa London. Nakakaintriga.

“Ano nga kaya ang meron sa kasalang ‘yan? E, matay ko mang isipin, kasalan lang ‘yan. Isa lang ‘yan sa mga kasalan.

“Ang pagkakaiba lang ay mga celebrity na sila. Pero ano naman kaya ‘yon? Wala naman ‘yon. Ang mas mahalaga ay ang mga tunay na katayuan ng mga tao at ang pag-unlad ng isang bayan,” pahayag ni Morel.

***

Pati nga anya ang kanyang kaibigan at kasambahay na si Simon Luckin na isang berdaderong Briton ay wala naman ding pakialam sa kasalang ‘yan.

“Nagtrabaho lang si Simon nang nagtrabaho. At dito sa London, marami na ring unemployment. May mga layoffs na rin kaya nga trabaho nang trabaho lang si Simon pero nagdasal naman siya para sa newly weds,” kuwento ni Morel.

“Leona Calderon” ang pelikulang pinagkakaabalahan ngayon ni Jowee na tungkol sa isang Overseas Filipino Worker o OFW na may uterine cancer at hindi malaman kung uuwi ng Pilipinas at mamamatay rito o sa London na siya babawian ng buhay.

***

Ngayon ay ang obrang ito ang pinagkakaabalahan ni Jowee at ayon nga sa kanya ay wala siyang pakialam kung wala siyang pag-ibig ngayon.

“Sakit lang ng ulo ‘yang love life. Ang priority ko ngayon ay ang project na ito. This is my passion. This is my life,” pahayag ni Jowee na nasa Pilipinas bago mag-Mahal na Araw pero isang linggo bago ang marangyang kasalan nina William at Kate ay nagbalik siya sa London para maidaos ang audition sa mga pangunahing papel sa pelikula.