United Nations nababahala sa mga paglabag ng AFP sa karapatan ng mga bata
Pinuna ng United Nations ang Armed Forces of the Philippines sa malawakan nitong paglabag sa karapatan ng mga bata. Pero gusto ng mga tagapagtanggol ng karapatan ng mga bata ng mas matapang na pagkondena ng UN sa AFP.

Nababahala ang United Nations (UN) sa mga atake ng militar sa mga eskuwelahan, ospital at imprastrakturang sibilyan, gayundin sa mga paglabag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa karapatan ng mga bata.
Ito ang laman ng ulat kay UN Secretary General Ban Ki Moon ni Radhika Coomaraswamy, ang Special Representative to the Secretary General on Children in Armed Conflict (UN-SRSG-CAC), matapos kamakaila’y bumisita siya sa bansa upang imonitor ang mga paglabag sa karapatan ng mga bata.
Ayon sa ulat, nababahala umano si Ban Ki Mon sa papataas na bilang ng mga paglabag sa karapatan ng mga bata sa iba’t ibang panig ng mundo.
Kagagawan umano ito ng armadong mga puwersang nagtutunggalian – puwersa man ng estado o rebeldeng mga grupo. Partikular na tinukoy sa ulat ang pagdami ng atake sa mga eskuwelahan at ospital maging dito sa Pilipinas.
“I am concerned about the increasing trend of attacks on schools and hospitals,” ani Ban Ki Mon patungkol sa ulat.
Partikular sa Pilipinas, binanggit sa ulat na mayroong 41 insidente ng atake sa nakalipas na taong 2010 kumpara noong 2009 na may 10. Ayon sa ulat, 14 na insidente ang diumano’y maiuugnay sa Armed Forces of the Philippines (AFP), apat sa New People’s Army (NPA), isa sa Moro Islamic Liberation Front (MILF), dalawa sa Abu Sayyaf, anim sa private armies ng mga pulitiko at 14 ang hindi matukoy ang may kagagawan.
Diumano, maaaring maiuugnay ang mga insidenteng ito sa paggamit ng mga eskuwelahan bilang presinto sa nakaraang halalan. Ang mga eskuwelahan umano ay target ng pagpapasabog ng improvised explosive device at panununog. Idinagdag pa sa ulat na dumarami umano ang mga gurong nagiging biktima. Labing-isang guro ang naiulat na napatay sa panahon ng pag-uulat.
Tumataas rin umano ang trend ng paggamit sa mga eskuwelahan ng AFP at ng Citizen’s Armed Forces Geographical Unit (Cafgu).
Nakasaad sa ulat ang paggamit sa mga maaayos na pampublikong eskuwelahan sa malalayong lugar bilang barracks at command center, kasama na ang pag-iimbak ng mga armas at bala ng AFP. Sa ilang pagkakataon, nilalapitan umano ng mga sundalo ang mga bata, tinatanong at pinapayagang hawakan ang mga armas.
“Schools must be safe places of learning and development for all children. They should be zones of peace. Those who attack schools and hospitals should know that they will be held accountable,” pahayag ni Radhika Coomaraswamy.
Sa 22 bansang mayroong ulat, umabot sa 15 ang may kaso ng pag-atake sa mga eskuwelahan at ospital. Matingkad na paglabag umano ang direktang atake at pagwasak sa mga ito.
Bukod pa diumano sa ibang insidente tulad ng pagsasara ng mga eskuwelahan at ospital dahil sa direktang pananakot at intimidasyon at military occupation. Kadalasang ginagamit rin umano ang mga eskuwelahan bilang lugar sa pagrekluta sa mga bata.
Maliban sa paggamit at pag-atake sa mga eskuwelahan at ospital, sinabi ng UN na tumaas daw ang naitalang kaso ng pagrekluta at paggamit sa mga bata ng armadong mga grupo sa nakalipas na taon sa bilang na 24 kumpara sa anim noong 2009.
Sa pitong kasong naitala ng UN, apat na insidenteng kinasasangkutan ng walong batang diumano’y nagdadala ng armas at lumalahok sa gawaing militar ang naberipika ng country task force on monitoring and reporting sa erya ng MILF sa Central Mindanao.
Noong 2009 pumasok sa isang action plan sa UN ang MILF. Ayon sa UN, 600 na bilang ng mga bata ang nagparehistro sa action plan ng UN at ng MILF sa kasalukuyan. Nakapaloob sa action plan ang pagdedemobilisa, pagdis-arma at reintegrasyon ng mga bata sa mga komunidad at pagbabalik sa pag-aaral upang diumano’y makapamuhay muli ang mga ito nang normal.
Oplan Bantay Laya, bumiktima sa bata
Sa ulat ng UN, mayroon umanong indikasyon na sa lokal na antas, patuloy na ginagamit ng mga militar ang mga bata sa kanilang kontra-insurhensiyang mga operasyon. Kadalasang ginagamit sila sa pagtugis sa NPA lalo na sa malalayong lugar.
“The counter-insurgency strategy, “Oplan Bantay Laya” (Operation Freedom Watch), permits and encourages soldiers to engage with civilians, including children, for military purposes, using them as informants, guides and porters,” ayon sa ulat. Gayundin, naitala ng task force ang di-mabilang na alegasyon ng paggamit at pagrekluta sa mga bata para maging armadong paramiltar ng Cafgu.
Patuloy rin umano ang AFP sa pagbilanggo sa mga bata. May ulat umanong nagkakaroon ng abusong pisikal, matinding interogasyon, at di maayos na trato na halos tortyur ang mga bata sa kamay ng AFP para makuha ng impormasyon hinggil sa mga rebelde.
Partikular na binanggit sa ulat ang apat na batalyon ng Philippine Army (11th Infantry Battalion, 34th IB, 25th IB, 54th IB) na sangkot sa apat na insidenteng bumiktima sa apat na batang babae at isang batang lalaki. “Such incidents also led to the displacement of families for fear of being targeted as alleged members of NPA,” ayon sa ulat.
Idinagdag pa sa ulat na bagamat humupa ang labanan sa pagitan ng AFP at MILF sa nakalipas na taon, relatibong hindi umano nagbago ang mga labanan sa iba pang armadong grupo.
Diumano, tumaas ang bilang ng mga batang biktima noong 2010: Mayroong 38 na mga batang napatay at 40 na napinsala. Ikumpara ito noong 2009 na may 12 bilang ng pagpatay at 40 na napinsala.
Sinasabi pa sa UN sangkot daw ang NPA, AFP at pribadong mga hukbo ng mga pulitiko. Labing-tatlong insidente ng pagpatay at 10 insidente ng pamiminsala (maiming) ang hindi natukoy kung sino ang may kagagawan.
Parusahan ang AFP, panawagan ng child rights advocates
Ayon sa Children’s Rehabilitation Center (CRC), isang institusyong nangangalaga sa mga batang biktima ng paglabag sa karapatang pantao at isa sa mga grupong nakapaloob sa Country Task Force on Monitoring and Reporting na nilikha ng UN Security Council, hindi umano bagong penomena ang kaso ng pag-atake sa mga eskuwelahan. Anila, matagal nang nangyayari ang mga insidenteng ganito.
“Napapanahon ang ulat ni Coomaraswamy hinggil sa mga atake sa mga eskuwelahan, ngunit matagal na itong nangyayari at patuloy na nangyayari. Naging kalakaran na sa tuwing may operasyon, ginagamit ng mga militar ang mga eskuwelahan at kahit ang mga day care center,” ani Jacquiline Ruiz, executive director ng CRC, sa panayam ng Pinoy Weekly.
Ayon sa CRC, maliban sa pag-atake sa mga eskuwelahan, mahalagang mabigyang-diin ang iba pang paglabag tulad ng lumalalang kaso ng pagrekluta ng mga Cafgu sa mga bata at menor-de-edad, pagbabansag sa mga batang biktima bilang child soldier upang takasan ng mga militar ang kanilang responsabilidad sa paglabag sa karapatan ng mga bata.
Sinabi rin ni Ruiz na kapansin-pansin na hindi pa rin naisasama sa listahan ng mga lumalabag sa karapatan ng mga bata ang AFP.
“Malinaw sa mga report at kaso na inihain ng CRC (at) sa ginawang diyalogo ng mga batang bikitma kay Coomaraswamy noong bisita niya sa Pilipinas noong nakaraang Abril na malaki ang kasalanan ng AFP sa papataas na bilang ng mga batang nagiging biktima ng karahasan ng estado. Pero nananatiling non-state actors ang nakalagay sa shame list nito,” aniya. (Basahin ang kaugnay na artikulo: Mga batang biktima ng kalupitan ng militar).
Panawagan ng CRC na dapat magkaroon ng kongkretong aksiyon ang United Nations hinggil sa mga paglabag ng AFP na dapat umanong kagyat na maparusahan ang mga militar na sangkot sa mga insidenteng nabanggit sa ulat.