Pagkondena sa Nestle, salubong ng manggagawa sa ika-100 taon ng kompanya


Sinalubong ng protesta ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang pagdiriwang ng ika-100 taong anibersaryo ng higanteng multinasyonal na korporasyong Nestle. Kinondena ng mga manggagawa ang patuloy na pag-atake sa karapatan nila at binansagan ang Nestle bilang “mukha ng pagsasamantala at panunupil ng mga multi-nasyunal na korporasyon.” Sinabi ng KMU na matagal ng nakikibaka ang mga […]

Sinalubong ng protesta ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang pagdiriwang ng ika-100 taong anibersaryo ng higanteng multinasyonal na korporasyong Nestle.

Kinondena ng mga manggagawa ang patuloy na pag-atake sa karapatan nila at binansagan ang Nestle bilang “mukha ng pagsasamantala at panunupil ng mga multi-nasyunal na korporasyon.”

Sinabi ng KMU na matagal ng nakikibaka ang mga manggagawa ng Nestle laban sa dambuhalang korporasyon bunsod umano ng pagtanggi ng Nestle na isama bilang adyenda sa Collective Bargaining Agreement ang retirement benefits ng mga manggagawa.

Ayon naman sa Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan-KMU (Pamantik-KMU), napakaliit ng retirement benefits na hinihiling ng mga manggagawang magreretiro na tapat na nagserbisyo ng mahigit kalahati ng kanilang buhay.

“Napakaliit lamang nito kung ikukumpara sa gastos ng Nestlé na P1.67-Bilyon para sa 4,319 minutong patalasas sa telebisyon sa unang tatlong buwan pa lamang ng taong ito,”  pahayag ng grupo.

“Patunay ang media campaign ng Nestle  sa kalupitan nito sa kanyang mga manggagawa. Kaya nitong magbuhos ng pera upang itago ang mga balita ng mga kalokohan nito sa mainstream media at paulit-ulit ang papoging patalastas sa TV, pero tumatanggi na ibigay ang kakarampot na  halaga  upang maayos ang gusot nito sa kanyang manggagawa,” ani Roger Soluta, pangkalahatang kalihim ng KMU.

Siyam na taon na ang welga sa planta ng Nestle sa Cabuyao, Laguna na nagsimula noong noong 2002.

Sa loob ng panahong ito, umabot na sa 48 manggagawa umano ang pinaslang, kasama ang dalawang presidente ng unyon na sina Diosdado Fortuna noong 2005, na pinaslang habang pauwi ito galing sa kanilang piketlayn. Itinuturong salarin ng mga manggagawa ang kompanyang gumamit umano ng mga bayarang goons, pulis at militar.

Hindi rin umano nakaligtas ang mga manggagawa sa ibang bansa na mayroong operasyon ang korporasyon.  Diumano pinaslang rin ang 12 unyonista sa Nestle Columbia kabilang sina Luciano Enrique, Romero Molina at Gustavo Gomez.

Maliban umano sa panunupil at karahasan ng Nestle, nilapastangan rin ng kompanya ang batas ng Pilipinas. Kinatigan kasi ng Korte Suprema ang mga manggagawa noong 1991.

Dinesisyunan nito na lehitimong isyu ang retirement benefits ng mga mangagawa na dapat pag-usapan sa CBA ng unyon at ng manedsment ng Nestle. Muling kinatigan ng Korte Suprema ang naunang desisyon noong 2008 , subalit patuloy umanong  hindi  ipinapatupad ng Nestlé ang nautrang desisyon.

“Malinaw na larawan ang Nestle, kung paano kaarogante ang mga korporasyong multinasyunal sa bansa. Binibigyan nito ng katwiran ang mga manggagawa at sambayanang Pilipino na gumawa ng alternatibong mga paraan upang kumpiskahin ang mga ari-arian ng mga multinasyunal at  umiwas sa pagsandal sa mga trabahong iniaalok ng mga ito,” ani Soluta.

Nanawagan  din ang lider-obrero na iboykot ang mga produkto ng Nestle. Sinuportahan naman ito ng panawagan ng mga migranteng  manggagawa sa Gitnang-Silangan.

Ayon sa tapag-ugnay ng Migrante- Middle East na si John Leonard Monterona,  magpapasa umano sila ng isang resolusyon na nanawagan sa pagboykot sa lahat ng produkto ng Nestle. “Hihikayatin ng mga opisyales, miyembro , tagasuporta  at kaibigan namin ang dependents namin sa Pilipinas na iboykot ang Nestle.”  Sinabi ni Monterona na sa arawang konsumo ng mga pamilya ng OFW sa bansa, aabot sa 50 porsiyento ng remitans ng bawat OFW ay napupunta umano sa pagbili ng mga pagkain.

“Sa halip na bumili ng mga produkto ng Nestle na nabahiran ng dugo ng mga kapwa manggagawa, nanawagan kami sa kapwa OFW at sa kanilang dependents sa Pilipinas  na tangkilikin ang  produkto na gawa ng ibang korporasyon na kumikilala sa lehitimong karapatan at panawagan ng mga manggagawa, “ aniya.