Migrante

Petisyon sa dagdag-sahod isinampa ng mga migrante sa HK


Nagtungo sa Labour Department ng Hong Kong ang pinakamalaking alyansa ng mga migrante para ihain ang petisyon para sa dagdag-sahod ng tinatayang 285,000 foreign domestic workers (FDWs) sa nasabing bansa, kabilang ang mga Pilipino. Noong Hunyo 1, inilunsad ng Asian Migrants’ Coordinating Body (AMCB) ang kampanyang “Ok to 4k” para igiit sa gobyerno ng Hong […]

Pagsampa ng AMCB ng petisyon para sa dagdag-sahod sa Labour Department ng Hong Kong (Contributed Photo)

Nagtungo sa Labour Department ng Hong Kong ang pinakamalaking alyansa ng mga migrante para ihain ang petisyon para sa dagdag-sahod ng tinatayang 285,000 foreign domestic workers (FDWs) sa nasabing bansa, kabilang ang mga Pilipino.

Noong Hunyo 1, inilunsad ng Asian Migrants’ Coordinating Body (AMCB) ang kampanyang “Ok to 4k” para igiit sa gobyerno ng Hong Kong ang pagtaas ng sahod ng mga migranteng manggagawa sa HK$4,000 kada buwan. Nakapako sa HK$3,860 ang sahod ng mga manggagawa sa nakaraang 13 taon.

“FDWs haven’t had an increase since the first wage cut was implemented in 1998. The annual inflation has already eroded our wage and the increase in prices of commodities that we buy and services that we use has made it impossible for us to make ends meet. The economic recovery of Hong Kong has not yet benefited FDWs,” ayon kay Eni Lestari, tagapagsalita ng AMCB-Hong Kong.

Pinabulaanan ng mga migrante ang sinasabi ng mga employer na hindi nila kayang ibigay ang dagdag-sahod. Sa kalagitnaan ng krisis pang-ekonomiya noong 2003, umano’y kinakayang magbayad ng mga employer ng HK$3,670 sa mga migranteng manggagawa.

Samantala, nagsumite naman ng petisyon ang Indonesian Migrant Workers’ Union (IMWU) at Filipino Migrant Workers’ Union (FMWU) sa gobyerno ng Hong Kong na kilalanin ang domestic work bilang disenteng tranbaho, at suportahan ang panukalang kumbensiyon ng International Labour Organization (ILO) hinggil dito.

Pag-uasapan ang kumbensiyon hinggil sa domestic work sa 100th Session ng ILO sa Geneva, Switzerland na nagsimula rin noong Hunyo 1.

Nais ng dalawang unyon na kilalanin ng gobyerno ang karapatan nilang mag-organisa, at protektahan sila sa lahat ng porma ng diskriminasyon at pagsasamantala. Iginigiit din nila na repasuhin ang hindi pagsama ng FDWs sa Statutory Minimum Wage ng gobyerno.