Manggagawang bukid, magsasaka nagkampo sa DAR laban sa ika-23 taon ng CARP
Nagkampo ang mga manggagawang bukid at magsasaka mula sa Hacienda Luisita, Tarlac sa harapan ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa Quezon City para iprotesta ang ika-23 taon ng anila’y huwad na Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP). Layunin din ng grupo na ipaabot sa Korte Suprema na magdesisyon ito pabor sa mga manggagawang bukid at […]

Nagkampo ang mga manggagawang bukid at magsasaka mula sa Hacienda Luisita, Tarlac sa harapan ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa Quezon City para iprotesta ang ika-23 taon ng anila’y huwad na Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).
Layunin din ng grupo na ipaabot sa Korte Suprema na magdesisyon ito pabor sa mga manggagawang bukid at magsasaka sa kaso hinggil sa usapin sa lupa sa Haceinda Luisita na anim na taon nang nakabimbin sa kataas-taasang hukuman.
Ang CARP ay naipatupad noong Hunyo 10, 1988 sa panahon ng panunungkulan ni dating Pangulong Corazon Aquino, ina ni Pangulong Benigno Aquino III. Ang Hacienda Luisita ay pag-aari ng mga Cojuangco-Aquino.
Ayon kay Danilo Ramos, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), ang CARP ang dahilan ng pagpapatupad ng “makaisang-panig” na stock distribution option (SDO) na siyang ginamit ng mga Cojuangco-Aquino para manatili sa kanila ang malawak na asyenda.
Nang ipatupad ang SDO noong 1989, hindi naipamahagi sa mga manggagawang bukid ang kanilang bahagi sa lupa, ayon na rin sa CARP, kundi stocks na lamang ang kanilang naging bahagi.
Dahil din sa SDO, napanatili ng mga Cojuangco-Aquino ang kontrol sa paggamit ng lupa maging sa mga produkto nito.
“Sa 23 taon ng CARP, nagamit ng mga panginoong maylupa tulad ng mga Cojuangco-Aquino ang batas na ito para matakasan ang pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka sa buong bansa,” sabi pa ni Ramos.
Mar sa DOTC
Samantala, mariin ang naging pagtutol ng mga magsasaka sa ulat na si dating senador at talunang bise-presidente Manuel ‘Mar’ Roxas ang numero unong napipisil ni Pangulong Aquino na maging kalihim ng Department of Transportation and Communications (DOTC).
Ayon kay Ramos, nangangahulugan ito ng pangangamkam sa lupain ng mga magsasaka.
Ibinatay ni Ramos ang kanyang pahayag sa $1.235-Bilyong proyektong Metro Rail Transit Line 7 (MRT-7) na magmumula sa San Jose Del Monte, Bulacan at idudugtong sa MRT sa North Edsa.
“Kung si Mar ang mauupo sa DOTC, mapapabilis ang pangangamkam ng lupa at pagpapalayas sa mahigit 300 pamilyang magsasaka sa 311 ektaryang inaangkin ng mga Araneta sa Tungkong Mangga sa San Jose del Monte,” sabi pa ni Ramos.
May conflict of interest din umano kung magiging pinuno ng DOTC si Roxas dahil si Roxas ay miyembro ng pamilya Araneta na siyang umaangkin sa mga lupaing pagtatayuan ng bilyong dolyar na proyektong MRT-7.