Pabor sa magsasaka o hindi?: Desisyon sa pamamahagi ng Luisita ilalabas na
Kung papanig lang sa katwiran at katarungan ang Korte Suprema, nakatitiyak ang mga magsasaka ng Hacienda Luisita sa kanila ang desisyon nito. Pero posibleng may mga makapangyarihang puwersang nagtutulak sa korte na magdesisyong di-pabor sa mga magsasaka.

Anumang oras ngayon, nakatakdang ilabas ng Korte Suprema ang desisyon hinggil sa pamamahagi ng lupain ng Hacienda Luisita sa mga magsasaka rito.
Mahigit isang linggo nang nangangalampag ang mga magsasaka ng asyenda, kasama ang iba pang magsasaka sa ilalim ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sa tanggapan ng Department of Agrarian Reform (DAR), Malakanyang at Korte Suprema, para itulak ang korte na manindigan pabor sa mga magsasaka ng mahigit 6,000 ektaryang dating tubuhan sa Tarlac na inaangkin ng angkan ni Pang. Benigno Cojuangco Aquino III.
At naganap ito sa panahon ng ika-23 anibersaryo ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP), ang sinasabing “palpak” at bigong programa sa pagrereporma sa lupaing agrikultural na pinasimulan ng dating pangulong Corazon Cojuangco Aquino at pinalawig bilang CARP Extension With Reforms (Carper) ng nakaraang rehimeng Gloria Arroyo at sinuportahan ng kasalukuyang administrasyong Aquino.
Panawagan ng mga magsasaka na libreng ipamahagi ang lupa ng asyenda.
“Ang pamamahagi ng libre ng Hacienda Luisita sa mga manggagawang bukid ang tanging makatarungan at katanggap-tanggap na solusyon sa mahigit kalahating siglong usaping agraryo sa asyenda ni Pangulong Aquino,” ayon kay Danilo Ramos, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP).
Sa kabila ito ng mga probisyon sa Carper na pumapayag sa mga panginoong maylupa na humingi ng kompensasyon para sa lupaing ipamamahagi sa mga magsasakang nagkalinga at nagpayaman sa mga lupaing ito.
Idinagdag ni Ramos na walang moral, legal at politikal na dahilan para bayaran pa ang lupa sa mga Cojuangco kung sakaling magdesisyon ang Korte Suprema pabor sa mga magsasaka. “Matagal nang nabayaran ng mga manggagawang bukid ang lupa sa pamamagitan ng kanilang buhay, pawis at dugo,” aniya pa.
Ngunit bago ang libreng pamamahagi ng lupain ng Luisita, kailangan munang pumabor ang Korte Suprema sa mga magsasaka at dati nang desisyon ng Presidential Agrarian Reform Council (PARC) na ipamahagi ito. Para sa mga magsasaka, kung tanging katwiran at katarungan lang ang masusunod, walang ibang maaaring desisyon ang korte kundi pumabor sa kanila.
Maliban na lamang kung may iba pang makapangyarihang puwersang magtutulak sa korte na pumanig sa pamilya ng kasalukuyang pangulo.
Anima na taong temporaryo
Simula noong 2005, nakabimbin na sa kataas-taasang hukuman ang usapin sa pagbabasura sa SDO o stock distribution option, ang iskema sa ilalim ng CARP na ginamit ng mga Cojuangco sa halip na ipamahagi sa mga magsasaka ang lupa. “Pinalakas lamang ng CARP sa pamamagitan ng SDO ang kontrol ng mga Cojuangco sa Hacienda Luisita at lalong nagpahirap sa mga manggagawang-bukid.
Pinagpasyahan ng PARC at DAR na kanselahin ang SDO mahigit isang taon matapos ang pagmasaker sa mga nagwewelgang manggagawang bukid noong Nobyembre 6, 2004. Hinarang naman ito ng mga Cojuangco-Aquino sa Korte Suprema na nag-isyu ng temporary restraining order noong Hunyo 2006 na umabot na sa ikalimang taon ngayon.
Ayon kay Atty. Jobert Pahilga ng Sentra Foundation at abogado ng mga manggagawang-bukid, dalawa ang argumento ng inihaing petisyon ng Hacienda Luisita Inc. (HLI) sa Korte Suprema. Una ay ang kawalan ng hurisdikisyon ng PARC para kanselahin ang SDO at ikalawa, grave abuse of discretion dahil sa kawalan umano ng right to due process ng HLI at kawalan ng batayan ng ulat ng PARC para kanselahin ang SDO.
Pero sinabi ni Pahilga na maliwanag na ang usapin sa HLI ay usaping agraryo. “Ang lupaing subject ng kaso ay sakop ng agrarian reform program. Ang programang ipinapawalang bisa –SDO – ay sa ilalim ng CARP. Ang parties sa kaso ay landowner at tenant. Ang usapin sa kaso ay tungkol sa kanilang relasyon at kung ano ang scheme sa ilalim ng RA6657 dapat ito ipaloob – SDO ba o tuwirang pamamahagi ng lupa sa manggawang bukid,” paliwanag ni Pahilga.
“At ayon sa RA 6657 o CARP, lahat ng agrarian dispute ay nasa jurisdiction ng PARC/DAR at hindi maaring makialam ang regular courts sa usapin,” aniya pa.
Tungkol naman sa ikalawang isyu sinabi ng abogado na maliwanag na pumaloob o lumahok ang HLI sa imbestigasyon at proseso na ginawa ng DAR/PARC bago ito naglabas ng resolusyon na kanselahin SDO. Nagsampa rin umano ito ng position paper sa DAR at PARC.
“At noong nag-imbestiga ang DAR sa loob ng asyenda, ito ay ipinaalam sa HLI at nagbigay ang HLI ng pahintulot at nagtalaga pa ng kanilang representative. Kaya, hindi totoo ang sinasabi ng HLI na walang due process na nangyari,” ayon pa kay Pahilga.

Kung sakaling pumabor?
Kung magdedesisyon ang Korte Suprema pabor sa mga magsasaka, sinabi ni Pahilga na hindi pa tapos ang laban ng mga manggagawang bukid ng Luisita. May mga importanteng isyu pa na dapat harapin na sa tingin nila ay hindi kasama sa pagdedesisyon ng korte at ito ay ibabalik sa DAR para iresolba.
Kabilang dito ay kung sino ang kikilalaning benepisyaryo at ano ang batayan na gagamitin sa pagtukoy sa kanila at kung ilang ektarya ang ipamamahagi.