Calamba 7 pinalaya, pagbasura sa kaso iginiit
Ipinalaya na ang tinaguriang “Calamba 7” o ang pitong aktibista nagprotesta kontra kay Pang. Benigno Aquino III noong Hunyo 19, matapos magbayad ng P12,000 piyansa.

Pinalaya na ang tinaguriang “Calamba 7” o ang pitong aktibista nagprotesta kontra kay Pang. Benigno Aquino III noong Hunyo 19, matapos magbayad ng P12,000 piyansa.
Malugod na tinanggap ng mga tagasuportang mag-aaral sa Unibersidad ng Pilipinas sa Los Baños, Laguna (UPLB) ang pitong aktibista, lima sa kanila’y mag-aaral sa naturang pamantasan.
Nakulong nang 58 oras at 30 minuto sa Calamba Police Station ang pito. Nanawagan sila na tuluyang ibasura ng korte ang kaso laban sa kanila.

Sinabi ni John Paulo Bautista, tagapag-ugnay ng Kabataan Party-list sa Timog Katagalugan, na wala pang hustisyang nakakamit ang pito dahil nananatili ang “gawa-gawang” kaso laban sa kanila.
“Hindi nagtatapos sa pagpapalaya sa Calamba 7 ang laban para sa ating kalayaan sa pagpapahayag,” sabi ni Bautista.
Nanawagan naman si Julienne Urrea, tagapagsalita ng Kabataan Party-list sa UPLB, sa komunidad ng pamantasan na paigtingin ang kampanya laban sa pampulitikang panunupil sa mga aktibista at idugtog ito sa isyu ng “tumitinding krisis sa edukasyon.”

“Nakatakdang ihayag ni Aquino ang kanyang State of the Nation Address sa susunod na buwan. Ito ang tamang panahon para ihayag ang ating pagkondena sa ginawa sa ating mga kapwa iskolar. Hindi na bago ang pasismo ng estado sa atin pero may iba sa ating tinatanggap na lamang ito na normal,” sabi pa ni Urrea.
Sinabi naman ni Bautista na patuloy nilang igigiit ang pag-imbestiga sa ilegal umanong pag-aresto at detensiyon sa pitong aktibista. “Iaangat natin ito bilang isyu na may pambansang halaga,” ani Bautista.
Isang programa para suportahan ang Calamba 7 ang isinagawa sa harap ng Calamba City Hall noong gabi ng Hunyo 21. Kabilang sa lumahok ang mga estudyante, magsasaka, manggagawa, kababaihan at maralita, na nagmartsa sa kabila ng malakas na ulan.
Inaresto ang Calamba 7 matapos magprotesta habang nagtatalumpati si Aquino sa Calamba noong Hunyo 19 kaalinsabay ng ika-150 araw ng kapanganakan ng pambansang bayani na si Jose Rizal.
Lima sa pito ay miyembro ng Kabataan Party-list: sina Michael Jayson Mozo, Catherine Gigantone, Ynik Ante, Bhen Aguihon at Ruffa Solano. Sina Joeffrey Barreto at Rodel Badayos naman ay mga manggagawa at miyembro ng Anakpawis Party-list.