Tunay na kapayapaang hangad ng karamihan
Hindi kapayapaan ng sementeryo, kundi kapayapaang nakamit dahil may panlipunang hustisya — iyan ang dapat na pakay sa usapang pangkapayapaan.

Hangarin ng lahat ang kapayapaan.
Hangad ito kahit ng rebolusyonaryong National Democratic Front of the Philippines (NDFP), kabilang ang armadong New People’s Army (NPA). Iginigiit nilang hindi sila nag-aalsa laban sa gobyerno ng Pilipinas nang walang dahilan. Kagustuhang baguhin ang bansang lugmok sa kahirapan at pagsasamantala ang nagtulak sa kanilang mag-alsa.
Kung kaya mahalaga at kailangang suportahan ng publiko ang negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at gobyerno ng Pilipinas (GPH).
Pagpapatuloy sa usapan
Pinakahuling kabanata sa negosasyon ang pormal na pag-uusap ng dalawang panig noong Pebrero 2011. Matapos ang limang taong pagkabalam, muling nagkaharap sila sa Oslo, Norway.
Sa susunod na mga buwan, ipagpapatuloy ang nabalam na adyenda: mga repormang sosyal at pang-ekonomiya. Matapos lagdaan ang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (Cahrhihl) noong 1998, pag-uusapan na ang mga reporma sa ekonomiya na ugat ng digmaan.
Pinangunahan ni Alexander Padilla ang negotiating panel ng GPH, samantalang pinangunahan ni Luis Jalandoni ang panel ng NDFP. Miyembro ng GPH panel sina Pablito Sanidad, Ednar Dayanghirang, Maria Lourdes Tison, at Jurgette Honculada. Samantala, nasa panel naman ng NDFP sina Fidel Agcaoili, Julieta de Lima-Sison, Asterio Palima, at Coni Ledesma.
Sa adyendang ito, pinangunahan ni Dayanghirang ang reciprocal working committee (RWC) ng GPH, samantalang pinangunahan ni de Lima-Sison ang para sa NDFP. Layunin nilang bumuo ng isang Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (Caser).
Pagbabago sa ekonomiya
Ayon sa GPH Panel, kasalukuyang nakikipagdiyalogo sila sa “stakeholders” hinggil sa dapat daw lamanin ng mga repormang iaalok ng GPH. Sa nakaraang mga pampublikong pagtitipon hinggil sa Caser, lumalabas na wala pang buong plano ang gobyerno hinggil dito.
Sa Second National Assembly ng Pilgrims for Peace noong Mayo 14, inilahad ni Dayanghirang ang pagtingin sa loob ng gobyerno na “pagkasira ng kalikasan” ang ugat ng kahirapan sa bansa. (Tingnan ang flow chart sa ibaba) Ngunit matapos iprisinta’y binawi ito ni Dayanghirang. Aniya, nagbabago kasi ang pagtingin nila sa ugat ng kahirapan.
Samantala, taong 1995 pa inihanda ng NDFP ang una nitong burador ng Caser. Batayang mungkahi ng rebolusyonaryong kilusan ang pambansang industriyalisasyon at tunay na reporma sa lupa bilang sangkap ng pagbabago sa ekonomiya. Kailangan nito, ani Rafael Baylosis, miyembro ng RWC-Caser ng NDFP, ang pagtatatag ng isang makabayang (at “kontra-imperyalistang”) koalisyong gobyerno ng NDFP at GPH na sabay na magpapatupad ng mga reporma.
Iniuugat ng NDFP sa kawalan ng sariling lupa ang mga mayorya ng magsasakang Pilipino ang pagkaatrasado ng agrikultura ng bansa. Monopolisado ng iilang panginoong maylupa ang mga lupaing agrikultural ng Pilipinas. Solusyon ng malawakang karalitaan sa kanayunan ang pagbuwag ng monopolyong ito at sustenidong suporta sa mga magsasaka.
Kailangang isabay umano ito sa pambansang industriyalisasyon. Imumungkahi ng NDFP sa administrasyong Aquino ang pagtukoy ng 20 mayor na proyektong pang-industriyalisasyon. Ayon sa NDFP, matatagpuan sa Pilipinas ang halos lahat ng batayang rekursong kailangan para maging industriyalisado ang bansa.
“Mayaman sa rekursong mineral ang bansa,” ani Baylosis. “Kabilang tayo sa top producers ng copper, nickel, chrome, zinc, gold at silver sa mundo.”
Bara sa usapan
Noong Hunyo 2, nagsulat si Jalandoni kay Padilla na nagtatanong hinggil sa pangako ng gobyerno na magpalaya ng mga konsultant ng NDFP na kinulong ng GPH.
Nakatungtong ito sa Enero 18 Joint Communique na nagsasabing “[t]he GPH Panel agreed to work for the expeditious release of detained NDFP consultants and other Jasig-protected persons in compliance with the Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (Jasig) and in the spirit of goodwill.”
Minaliit ni Teresita Deles, presidential adviser on the peace process ng GPH, ang Jasig. Sinabi niya noong Hunyo 3 na “non-substantive issue” ito. Kinuwestiyon din ng GPH kung sakop ng Jasig ang detinidong mga konsultant ng NDFP nina Alan Jazmines at Tirso Alcantara.
Sinabi ni Jalandoni na mahalaga sa usapang pangkapayapaan ang pagpoprotekta sa mga konsultant at miyembro ng NDFP na sangkot sa usapan at para maglikha ng atmosphere para sa walang-hadlang na makapagtrabaho ang mga kawani ng NDFP para sa negosasyon.
Nabalam ang muling paghaharap ng dalawang panig noong Hunyo para pag-usapan ang mga panukala para sa Caser. Samantala, iginigiit ng mga tagasuporta ng usapang pangkapayapaan tulad ng Pilgrims for Peace at Promotion for Church People’s Response (PCPR) na kailangang igalang ng dalawang panig ang nakaraang mga kasunduan tulad ng Jasig para magtagumpay ang usapan.
Tinukoy din ng PCPR na problema ang pagsasalita ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kaugnay ng usapang pangkapayapaan. Ayon kay Nardy Sabino, pangkalahatang kalihim ng PCPR, hindi nakakatulong sa usapan ang pagkuwestiyon ng AFP sa sinseridad ng NDFP.
Hinihikayat nila ang publiko na suportahan ang usapang pangkapaypaan. Layunin ng usapan na wakasan ang “isang siglong pagpapahirap at pagsasamantala sa ating mga kapatid.”
Ito rin naman ang hangad ng mayorya sa mga mamamayan.