Pambansang Isyu

Reaksiyon sa SONA 2011: Puro ‘wang-wang’


Gaya ng isang ‘wang-wang,’ puro ingay at walang laman na kongkretong programa para sa ikabubuti ng mga mamamayan ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Aquino, ayon sa mga grupong militante na nagsagawa ng malawakang kilos-protesta kasabay ng SONA.

Hatol ng libu-libong demonstrador sa SONA ni Aquino: Puro buladas (Macky Macaspac)

Gaya ng isang ‘wang-wang,’ puro ingay at walang laman na kongkretong programa para sa ikabubuti ng mga mamamayan ang State of the Nation Address (SONA) ni Pang. Benigno Aquino III, ayon sa mga grupong militante na nagsagawa ng malawakang kilos-protesta kasabay ng SONA.

Kapansin-pansin umano na walang binanggit ang pangulo sa batayang mga isyu gaya ng reporma sa lupa, pagtaas sa sahod ng mga manggagawa, at mga paglabag sa karapatang pantao. Sa halip, mga estadistikang di kapani-paniwala at lapat sa tunay na kalagayan ng mga mamamayan ang kanyang iprinisenta. Narito ang reaksiyon ng ilang mga lider-masa sa SONA ni Aquino.

Danilo Ramos, pangkalahatang kalihim, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas:

“Parang hindi ito SONA, kundi kuwento ng pantasya. Paulit-ulit siya sa ‘wang-wang,’ hindi naman ito ang kailangan ng mamamayan…Wala siyang binanggit tungkol sa reporma sa lupa, wala tayong narinig tungkol sa pamamahagi ng lupa sa Hacienda Luisita. Kung gusto ni PNoy ng pagbabago, ipamahagi niya ang Hacienda Luisita. May malaking “say” siya rito, ang kailangan lang ay political will. Wala ring nabanggit sa paggalang sa karapatang pantao at sa pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal. Hindi pa rin nakukulong sina Gloria (Arroyo) at (Jovito) Palparan.”

Elmer Labog, tagapangulo, Kilusang Mayo Uno:

“Wang-wang na pagbabago, napakababaw para sa isang presidente ng Pilipinas, na pagdating sa pangalawang taon niya ay wang-wang pa rin ang kanyang ipinagmamalaki. ‘Yung mga sinasabi niya hindi lapat sa lupa. Halimbawa, yung paglaki ng credit rating ng bansa, di ito mapapakinabangan at malalamon ng maralitang mamamayan, kundi ng malalaking negosyante lamang.”

Effigy na nagpapakita umano na ang US ay malalaking negosyante ang 'boss' ni Aquino (Ilang-Ilang Quijano)

Carlito Badion, pangalawang tagapangulo, Kalipunan ng Damayang Mahihirap:

“Kaduda-duda ‘yung sarbey na nagsasabing kumaunti raw ang mahihirap sa Luzon, inilabas ito noong malapit na ang SONA. Pero kahit sa parehong sarbey, lumalabas na ‘yung kanyang pinokusan ng CCT (Conditional Cash Transfer) sa Visayas at Mindanao, ‘yung kahirapan doon lumaki…Sa programa sa pabahay, malinaw na pulis at sundalo lang ang nakinabang. Paano naman ang maralitang lungsod, na dinedemolis sa kanilang mga kabahayan?”

Marie Hilao-Enriquez, tagapangulo, Karapatan:

Disappointed nga ‘yung kaanak ng human rights victims. Wala talaga siyang agenda sa human rights. We’re in for a worrisome situation. Kasi wala siyang binanggit sa pagbibigay ng hustisya para sa mga biktima, at sabi lang ng mga alipores niya, we will watch the cases. Ibig sabihin, parang may go signal siya doon sa tuluy-tuloy na ginagawa ng militar ngayon sa kanayunan na mga paglabag sa karapatang pantao, lalo sa ilalim ng Oplan Bayanihan. Last year, meron pa siyang lip service tungkol sa human rights. Ngayon wala na ‘eh.”

Ferdinand Gaite, tagapangulo, Courage (Confederation for the Unity, Recognition and Advancement of Gov’t Employees):

“Lahat ng binanggit niya, rehash lang mula sa wang-wang, CCT, supposed improvement sa ekonomiya, at paglaban sa korpusiyon. Masakit na sa tenga lahat ng sinabi niya, na hindi naman nagdulot ng totoong pagbabago, kung titingnan ang tunay na kalaganan ng mga Pilipino. Tuluy-tuloy ang mga suliranin bunga ng pag-adopt ng neoliberal na globalisasyon, gaya ng pribatisasyon na ni-repackage bilang Private-Public Partnerships at deregulasyon sa mga industriya tulad sa langis. Old programs ang mga ito na napatunayan nang di magdudulot ng tunay na kaunlaran. Wala kaming tiwala sa binigkas niyang mga datos. Kahit kami sa kawani ng gobyerno, mas mahirap ang kalagayan kaysa noong 2010.”

Puna ng mga magsasaka, walang binanggit si PNoy hinggil sa reporma sa lupa, lalo sa Hacienda Luisita ng kanyang pamilya (Macky Macaspac)

Roy Velez, tagapagsalita, Bagong Alyansang Makabayan-National Capital Region:

“Puro buladas, kasi hindi makatotohanan ang datos na binigay niya. Pangalawa, kaya dayain ang datos. Pero kapag pinuntahan niya ang masa, ang manggagawa at maralita sa kanilang mga kinatitirhan, makikita niya ang tunay na kalagayan. At ang tunay na kalagayan, halos araw-araw ay nakikipagbuno sila sa kamatayan dahil sa tindi ng gutom at kahirapan.”

Dr. Giovanni Tapang, tagapangulo, Agham:

“Hindi na bago ang pagpapasok ng dayuhang mamumuhunan sa industriya ng enerhiya, ginawa na ito ni GMA. Ang problema, hindi sa sariling industriya napupunta ang pag-unlad. Malaki pa ang nailalabas ng mga dayuhang mamumuhunan at mahal pa rin ang enerhiyang ibinebenta sa atin dito sa bansa. Tulad na lang sa Malampaya na pag-aari ng Caltex, mahal pa rin ang kuryente na ibinebenta sa ating mga kababayan. Napupunta sa dayuhan ang pakinabang. Ganoon din ang mangyayari sa mahigit 100 kompanya na sinasabi ni Pnoy na nais mamuhunan dito sa Pilipinas.”

Garry Martinez, tagapangulo, Migrante International:

“Sino ang maniniwala na bumaba ang unemployment at kumakaunti na ang nangingibang-bansa? Araw-araw, 4,500 nating kababayan ang umaalis ng bansa dahil sa kawalan ng trabaho at mababang sahod dito.”

Maralitang kababaihan: 'Bugok' ang pamumuno ni PNoy dahil sa di-pagtugon sa batayang isyu ng mamamayan (Macky Macaspac)

Joseph Canlas, tagapangulo, Alyansa ng Magbubukid sa Gitnang Luzon:

“Ang kanyang isinusulong ay sa balangkas pa rin ng programang PPPs, kung saan ang lupaing malalawak na lupain na monopolyong pag-aari ng mga panginoong may-lupa (PML) ay ibubukas sa agro-industrial corporations, gaya ng nangyayari sa Hacienda Luisita…Yung sinasabi niyang pagbaba ng rice importation, siguro ay ‘yung pagkontrol lang nila kumpara noong panahon ni Gloria, pero di umuunlad ang agrikultura. Paparami pa ‘yung land use conversion lalo na ‘yung nasa ilalim ng Agrarian Reform Communities na tinatanim ay ‘yung mga produktong mas gusto ng ibang bansa. Yung sinasabi niyang rice self-sufficiency, malabong mangyari ‘yon lalo na at wala siyang programa para sa reporma sa lupa at isasapribado ang National Food Authority.”

Samantala, heto ang reaksiyon ni Satur Ocampo, tagapangulo ng Koalisayong Makabayan at dating representative ng Bayan Muna, hinggil sa pagtatalaga ni Aquino kay retiradong Supreme Court Justice Conchita Carpio-Morales. Isa ang Bayan Muna sa mga grupong nagsampa ng kasong plunder laban kay dating pangulong Arroyo:

“Batay doon sa rekord niya (Morales) ng independent positioning sa mga kaso na hinarap sa Korte Suprema, malaking improvement siya kay (Merceditas) Gutierrez. Ang tanging drawback lang diyan, dahil retired justice na siya, ay ‘yung day to day na pressures ng pagiging Ombudsman. Dapat i-maximize niya ‘yung kapangyarihan ng Ombudsman, dahil maraming pending cases na natutulog at dapat maharap agad. Huhusgahan siya sa kung paano siya kabilis umaksiyon…Pwedeng sabihin ni Noynoy na dahil nasa Ombudsman na ang kaso, bahala na ang Ombudsman. Pero responsabilidad ng gobyernong Aquino na magsampa pa rin ng kaso at suportahan ang Ombudsman, dahil lahat ng ahensiya na pwedeng mag-produce ng ebidensiya ay nasa ilalim niya.”

Ulat nina Soliman A. Santos at Ilang-Ilang Quijano