Agarang aksiyon sa kaso vs militar hiniling sa bagong Ombudsman


Nagsampa ang mga biktima ng tortyur na sina Oscar Leuterio at Raymund Manalo ng motion to resolve sa tanggapan ng Ombudsman upang resolbahin ang kasong administratibo at kriminal laban sa mga militar na akusado ng pagdukot atpagtortyur sa kanila. Unang isinampa nila ang kasong ito noong 2006 at 2008. Pawang mga biktima sina Leuterio at […]

Ang mga biktimang sina Raymond Manalo at Oscar Leuterio (Macky Macaspac)
Ang mga biktimang sina Raymond Manalo at Oscar Leuterio (Macky Macaspac)

Nagsampa ang mga biktima ng tortyur na sina Oscar Leuterio at Raymund Manalo ng motion to resolve sa tanggapan ng Ombudsman upang resolbahin ang kasong administratibo at kriminal laban sa mga militar na akusado ng pagdukot atpagtortyur sa kanila.

Unang isinampa nila ang kasong ito noong 2006 at 2008.

Pawang mga biktima sina Leuterio at Manalo ng tortyur at sapilitang pagkawala, na nakatakas sa kamay ng mga pinaghihinalaang militar. Tumayo silang pangunahing testigo sa pagdukot at patuloy na pagkawala ng dalawang estudyanteng taga-UP na sina Karen Empeno at Sherlyn Cadapan at sa magsasakang si Manuel Merino noong Hunyo 26, 2006.

Nakasaad sa kanilang magkahiwalay na testimonya ng dalawa na nakita nila ang dalawang estudyante at si Merino sa kampo ng mga militar kung saan sila rin ay nakakulong. Nasaksihan rin umano nila ang pagpapahirap sa mga kapwa nila bilanggong sina Empeno, Cadapan at Merino.

Sinampahan ng kaso ni Leuterio at Manalo noong Nobyembre 2006 at Setyembre 2008 ang mga retiradong opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) tulad nina Maj. Gen. Jovito Palparan Jr., Maj. Gen. Juanito Gomez at iba pang opsiyal at tauhan ng 24th Infantry Battalion ng Philippine Army.

Inireklamo din ng dalawang biktima ang mga miyembro ng Citizens’ Armed Forces Geographical Unit (Cafgu). Kabilang din sa sinampahan ng kaso ang retiradong hepe ng AFP na si Lt. Gen. Hermogenes Esperon.

Matagal na hindi umusad ang kaso sa panahon ng dating Ombudsman Merciditas Gutierrez.

Partikular sa urgent motion to resolve ng biktimang si Manalo, wala umanong counter-affidavits o position papers na isinumite sina Hen. Palparan, T/Msgt Rizal Hilario, Msgt Donald Caigas at anim pang mga miyembro ng Cafgu.

Tanging sina dating Hen. Hermogenes Esperon, dating Hen. Juanito Gomez at siyam na iba pang miyembro ng Cafgu sa magkakahiwalay na petsa.

Ayon sa motion, ang isinumiteng affidavits ng ilan sa mga akusado ay pagtanggi at pagkontra lamang sa alegasyon ni Manalo. Idinagdag pa ng motion na bilang depensa ng mga akusado, mistulang binigyan nila ng katwiran ang tortyur sa mga complainant (Raymund Manalo at kapatid nitong si Reynaldo) dahil pinaghihinalaan at kilalalang simpatisador daw ang dalawa ng rebeldeng New People’s Army.

Samantala sa kasong isinampa ni Leuterio, walang kahit isang akuasado ang nagsumite ng counter-affidavit.

Ayon sa National Union of People’s Lawyers (NUPL), hindi umusad kahit man lang sa preliminary investigation ang mga kasong isinampa noong 2006 at 2008.

In fact, this gross negligence and deliberate refusal to resolve the charges was one of the grounds that were supposed to be included in the impeachment complaint joined in by NUPL against former Merciditas Gutierrez in August 2010,” pahayag ng NUPL.

Sinabi naman ni abogadong si Edre Olalia, pangkalahatng kalihim ng NUPL, “matibay ang isinampang kaso” nina Leuterio at Manalo. Sa kabila ng “malisyosong paninirang puri” sa kanila ng mga militar, hindi umano natinag ang integridad nang testimonya ng mga biktima.

There is a strong case for the complainants Leuterio and Manalo, their personal testimonies with regard to their abduction by the military were found forthright, consistent and credible by no less than the Supreme Court as it served as the basis of its recent order for the military to immediately release university students Sherlyn Cadapan, Karen Empeno and farmer Manuel Merino,” sabi pa ni Olalia.

Iginiit ng mga biktima at kanilang mga abogado na hinog na ang panahon upang resolbahin ang kasong isinampa laban sa mga militar.

Sa magkahiwalay na panayam ng Pinoy Weekly sa dalawang biktima, sinabi nina Leuterio at Manalo na umaasa silang hindi uupuan ng bagong Ombudsman na si Conchita Carpio-Morales ang kanilang isinampang mosyon.

“Inaasahan ko sa bagong Ombudsman na si Conchita Carpio-Morales na tumimo sa isip niya ang ginawa niyang desisyon noong Justice pa siya sa Korte Suprema. Sana naman, mabigyan niya ng mabilis na aksiyon at pairalin niya ang tunay na hustisya para sa aming mga biktima,”ani Manalo.

Isa si Carpio-Morales sa sumulat sa pinakahuling desisyon ng Korte Suprema noong Mayo 2011 na pumabor sa pagbibigay ng writ of amparo para sa mga biktimang sina Cadapan, Empeno at Merino. Nakabatay ang naturang desisyon sa testimonya ni Manalo kung saan nakita ng nakakataas na hukuman na ang tesimonya ay may kredibilidad, konsistent at walang pasubali.

“Sana naman aksiyunan niya rin, di tulad noon na winalang-bahala ‘yung isinampa naming kaso. Sana naman hindi siya tumulad sa mga naunang Obudsman. Kasi, gusto rin naming magkamit ang katarungan sa sinapit ng buhay namin,” sabi naman ni Leuterio.

Kumpiyansa naman ang mga grupong nagtataguyod ng karapatang pantao na makikita ng bagong Ombudsman na mayroong “probable cause” at umusad ang isinampang kaso ng dalawang biktima.