May Run sa Katarungan
Nitong Hunyo 26, Linggo, maaga siyang gumising para pumunta sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman. Sa petsang iyun, limang taon nang dinukot ng mga militar ang mga aktibistang sina Karen Empeño, Sherlyn Cadapan at Manuel Merino. May paggunita raw, pagpanawagan ng paglitaw at katarungan, sa academic oval na magsisimula sa tapat ng Palma Hall. Nagulat siya sa […]
Nitong Hunyo 26, Linggo, maaga siyang gumising para pumunta sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman. Sa petsang iyun, limang taon nang dinukot ng mga militar ang mga aktibistang sina Karen Empeño, Sherlyn Cadapan at Manuel Merino. May paggunita raw, pagpanawagan ng paglitaw at katarungan, sa academic oval na magsisimula sa tapat ng Palma Hall.
Nagulat siya sa napakaraming tao sa kampus, partikular sa acad oval – tumatakbo, naglalakad, nag-eehersisyo. Dati, hindi niya maintindihan ang carless oval scheme ni Francisco Nemenzo, Jr., independyenteng sosyalistang naging presidente ng UP. Tulad din ng mga naunang pangulo, pagkokomersyalisa ang ginawa nito sa maraming bagay sa Unibersidad. Pero sa pagbabawal sa mga sasakyan sa oval, nagpakita ito ng pagpapahalaga sa mga aktibidad na walang kagyat na katumbas na pera – na mahalaga para sa mga sosyalista.
Hindi lang niya maalala kung alin ang nauna, ang carless oval scheme o ang kolum ni Rolando Tolentino na, gaya ng lagi, ay nagtutulay ng pang-araw-araw sa malalaking suliranin ng lipunan. Naikwento lang ni Tolentino na nagagambala ang dapat kapanatagan ng paglalakad ng hindi pantay-pantay na bangketa ng UP. Epekto na naman ng mababang badyet – sumusundot, nandidisbalanse kahit sa napakapribadong sandali ng paglalakad. Parang tugon sa mga presyur na katulad ng kay Tolentino ang kalakaran sa oval ngayon.
Naroon ang kanyang pakay: sina Nanay Connie at Nanay Linda. Bihis ng pantakbo, game na game na naman ang dalawa sa aktibidad para sa araw. Nakita na niya sa iba’t ibang anyo ang dalawa simula nang madukot sina Karen at Sherlyn: parang magrarali, parang haharap sa ahensya ng gobyerno, parang magsasalita sa press conference, parang magdarasal… Hindi niya alam kung bago o luma, pero buhay ang sigla sa dalawa sa patuloy na paghahanap.
Takbuhan pala ang aktibidad, bagamat naglakad lang noong una. Sakto para sa mananakbong si Sherlyn. Sakto para sa mahilig makipaghabulan sa mga kakulitan na si Karen. Buhay na buhay ang protesta. Mas palaban kaysa malungkot; mas naghahanap kaysa nagluluksa. At siyang ilang beses nang naluha sa kantang “Think of Laura” ni Christopher Cross –lalo na sa linyang “Taken away so young, taken away, without a warning” – ay naiwasto.
Nakita rin niyang dumating si Patricia Evangelista, kolumnista at pinakarebelde na sa Inquirer. Gusto niyang magpasalamat dito, dahil talaga namang tinutukan nito ang istorya nina Karen at Sherlyn – at ng magkapatid na Manalo na nakasaksi sa pagtortyur sa dalawa. Minsan, parang nagtanong si Evangelista kung kilala siya ni Karen. Ang pagkaalam niya, oo. Kritikal ang mga aktibista rito dahil sa naunang mga pahayag, pero hindi si Karen. Dalisay ang puso, laging handa si Karen na magbigay ng tsansa sa iba na patunayan ang sarili.
Inatasan pa lang noon ng Department of Justice si dating Hen. Jovito Palparan na dumalo sa pagdinig sa kaso nina Karen at Sherlyn. Masaya ang lahat sa balita pero hindi sigurado kung dadalo talaga ang berdugo. Nitong huli, lumabas ang bidyo ng dating heneral, tinutugis ng tanong at pagtuya ng mga aktibista at reporter sa loob ng DOJ, pinalilibutan ng mga gwardya niya. Matapos ang nagmamadaling pagsagot, nagkukumahog itong tumakas sa isang lagusan.
Patuloy sa paghabol sa katarungan at pagpapalitaw ang mga nanay nina Karen at Sherlyn at ang kanilang mga kapanalig. Parang may tinatakbuhan naman ang maysalang berdugo sa mismong gusali ng gobyerno.
26 Hulyo 2011