Protesta vs overpricing ng langis paiigtingin
Sunud-sunod na mga protesta ang ikinasa ng mga grupo ng mga manggagawa, tsuper at iba pang sektor para labanan ang P9 overpricing sa langis. Sinisingil din nila ang administrasyong Aquino sa pakikipagsabwatan umano nito sa kartel ng langis.

Sinalubong ng protesta sa Mendiola, malapit sa Malakanyang, ng iba’t ibang grupo sa pangunguna ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang muling pagtaas ng presyo ng langis.
Iginiit ng militanteng mga grupo sa mga kompanya ng langis ang agarang pagrolbak ng presyo.
Kinondena rin nila ang patuloy na pagbibingihan ng gobyerno sa patuloy na pagsirit ng presyo ng mga langis.
Sinabi ni Elmer Labog, tagapangulo ng KMU na batay sa mga pag-aaral, overpriced ng P9 kada litro ang presyo ng mga produktong petrolyo.
Dahil dito, nanawagan din sila sa gobyerno na ipresyur ang mga kompanya ng langis na irolbak ang presyo ng langis at parusahan ang mga hindi tutupad. Ganito kasi, ani Labog, ang banta ni Sek. Jose Almendras sa pagdinig ng badyet sa Kamara ng Department of Energy (DOE) kamakailan.
“Ang kawalang aksiyon ng gobyernong Aquino sa overpricing ng lokal na mga produktong langis ng Big 3 ang patunay na nakikipagsabwatan ito sa kartel ng langis. Dapat nitong iutos agad na irolbak sa P9 ang presyo at parusahan ang mga kompanyang hindi tutupad,” ani Labog.

Sa bilang ng Pagkakaisa ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston), ika-19 na pagtaas na umano ito sa presyo ng diesel at gasolina sa taong ito. Sinabi ni George San Mateo, pangkalahatang kalihim ng Piston, na lumalabas na ang net increase ng diesel at gasolina ngayong taon ay P5.40 at P7.01.
“Nagdulot ito sa pagpalo muli ng diesel sa P43.30 at P55.20 naman sa gasolina, dito lamang sa NCR…[M]ay dagdag patong pa na P5 sa mga probinsiya,” ani San Mateo.
Sinabi pa ng naturang lider-tsuper na lalong lumiliit ang kakarampot nang kita ng mga drayber at pinapasahol ng pagtaas ng mga batayang bilihin at serbisyo. Samantala, nakapako naman sa mababang sahod ang mga manggagawa sa publiko at pribadong sektor.
Panawagan naman ng grupong pangkababaihan na Gabriela na ipresyur ng publiko ang mga dambuhalang kompanya ng langis na maging tranparent kung paano ang pagkuwenta sa presyuhan ng mga produktong petrolyo.
“Matagal na panahong tiniis natin na pasakayin tayo na talagang tumataas ang presyo ng langis na madalas ibatay sa pandaigdigang merkado. Kung bumaba ang presyo sa pandaigdigang merkado, katumbas nito’y katiting na rolbak. Pero kung tataas ang presyo sa pandaigdigang merkado katumbas naman nito ang sobra-sobrang pagtaas,” ani Gert Libang, tagapagsalita ng Gabriela.
Hindi rin naniniwala ang mga grupo na walang magagawa ang gobyerno, tulad ng madalas ikatwiran ng mga opisyal ng DOE.
Sinabi ng mga lider ng protesta na paiigtingin pa nila ang mga pagkilos sa susunod na mga araw para agarang igiit ang rolbak sa presyo ng langis.