Menor-de-edad na ginahasa ng pari, nanawagan ng katarungan
Humihingi ng katarungan ang isang menor de edad na sinasabing ginahasa umano ng isang pari sa Butuan City. Ang biktimang itinago sa pangalang Leah, 17-anyos at kasalukuyang nasa pangangalaga ng grupong pangkababaihan na Gabriela, ay nagsampa ng mga kasong rape, act of lasciviousness at child abuse sa Butuan Regional Trial Court, laban kay Fr. Raul […]

Humihingi ng katarungan ang isang menor de edad na sinasabing ginahasa umano ng isang pari sa Butuan City.
Ang biktimang itinago sa pangalang Leah, 17-anyos at kasalukuyang nasa pangangalaga ng grupong pangkababaihan na Gabriela, ay nagsampa ng mga kasong rape, act of lasciviousness at child abuse sa Butuan Regional Trial Court, laban kay Fr. Raul Cabonce, isang paring Katoliko at Kura Paroko sa Tubay, Butuan City.
Sa panayam ng Pinoy Weekly sa biktima, sa kagustuhan umanong makatapos ng pag-aaral, nahikayat siyang manilbihan bilang katulong sa kumbento sa Tubay, kapalit ang scholarship na inialok ng pari.
“Noong Hunyo 2, 2010, sinabi sa akin ni Father na gusto niya akong maging working student hanggang sa kolehiyo,” salaysay ng biktima. Dalawang beses umano siyang minolestiya ng nasabing pari bago tuluyang gahasain.
Ikinuwento ng biktima na naganap ang pangmomolestiya sa kanya noong gabi ng Pebrero 27, 2011. Pinapasok siya sa kuwarto ng pari upang magpamasahe.
Habang minamasahe umano ng biktima ang pari, hinawakan siya sa maseselang bahagi ng katawan. Tumutol ang biktima, pero nagbanta ang pari na sasaktan si Leah at ang pamilya niya nagawang gahasain ng pari ang babae.
“’Wag kang lumaban sa kung ano ang gusto kong gawin, kung gusto mong makita pa ang pamilya mo,” banta ng pari, ayon sa biktima. Binantaan rin umano siyang matitigil ang pag-aaral niya kung hindi siya susunod. Naulit pa nang dalawang beses ang panggagahasa noong Marso 3 at 14 ngayong taon.
Ayon sa Gabriela, lumapit ang pamilya ng biktima sa kanila upang humingi ng tulong para mabigyang katarungan kaugnay ng nangyaring seksuwal na pang-aabuso sa kanya.
“Matindi ang karahasang sinapit ni Leah. Hindi niya inakalang mangyayari sa kanya ito lalo na at pinagkakatiwalaan niya ng lubos ang pari bilang isang alagad ng Diyos,” ani Lana Linaban, pangkalahatang kalihim ng Gabriela. “Sinamantala ng pari ang pagtitiwala ng biktima at nilapastangan sa kabila ng kanyang murang edad.”
Sinabi pa ni Linaban na ito ang unang pagkakataon na makahawak sila nang kasong seksuwal na pang-aabuso na ang nasasangkot ay isang pari. “First time ito sa kasaysayan ng Gabriela na ang perpetrator ay isang pari o taong simbahan,”aniya.
Inilinaw din ni Linaban na hindi dapat tingnan ang kaso bilang pag-atake sa simbahan. Bagkus, paghikayat ang nasabing kaso upang umaksiyon ang simbahan sa pagbibigay hustisya sa biktima.
“Ipinapakita sa kaso ni Leah na hindi namimili ng lugar ang pagsasamantala at abuso. Nakakalungkot na sa mismong institusyon na nagtataguyod ng moralidad naganap ang isang karumal-dumal na krimen,” paliwanag ni Linaban.
Ipinanawagan ng Gabriela sa Simbahang Katoliko na imbestigahan ang naturang insidente at huwag kunsintihin ang nasasangkot na pari. “Hindi sapat na ilipat lamang ng destino ang pari kung saan maari pa niyang ulitin sa ibang babae ang panghahalay. Dapat siyang panagutin sa korteng sibilyan at korte ng simbahan kung mayroon man, “ ani Linaban.