Misteryo sa sobrang presyo ng kartel sa langis
Hindi napag-usapan ang overpricing sa langis sa dayalogo ng iba’t ibang grupong transportasyon kay PNoy. Paano ba talaga nagpapatong ng sobrang presyo ang mga kompanya ng langis? At papaano sila nakakalusot sa garapal na kotong na ito?

May mga inanunsiyong rolbak sa presyo ng langis noong nakaraang linggo. Pero sinabi na ng Pagkakaisa ng Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston) ang katotohanang pansin naman ng lahat sa publiko: Kakatiting na nga ang rolbak, sobrang bagal pa ang pagpapatupad nito.
Iginigiit ng Piston at iba pang grupo tulad ng Kilusang Mayo Uno (KMU) na mayroong overpricing na nagaganap sa presyuhan ng mga kompanya ng langis sa kanilang mga produktong petrolyo. Sa pananaliksik ng KMU at Piston, hindi bababa sa P9 kada litro na overpricing ang naipon simulang 2008. Kaiba pa ito sa tinatawag na monopoly pricing at ispekulasyon (Basahin ang kaugnay na artikulo) sa pandaigdigang pamilihan, kung saan sinasabing pinapatungan na rin ng mga kompanya ang presyo ng mga produktong petrolyo.
Madalas na ikatwiran ng mga kompanya ng langis ang paggalaw ng pandaigdigang presyo at palitan ng piso sa dolyar sa galaw ng lokal na presyo. Ngunit nakakapagtakang napakabilis nilang magtaas ng presyo at sobrang bagal naman kung magrolbak.
Mula noong Agosto, patuloy ang pagbaba ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan at relatibong nakapirmi ang palitan ng piso sa dolyar. Pero maka-ilang ulit lamang nagrolbak sa napakaliit na halaga ang mga produktong petrolyo. Hinala ng Piston, kumikita pa ang mga kompanya sa pagkaantala ng rolbak.
“Kahit sentimo lang ang diperensiya at ilang araw lang ang pagitan, malaki agad ang tubo nila,” ani George San Mateo, pangkalahatang kalihim ng Piston.
Sinabi pa ni San Mateo na aabot sa 47 milyong litro ng langis ang kabuuang konsumo ng Pilipinas. Halimbawa, aniya, sa bawat 10 sentimo kada litro na pandaraya, aabot sa P4.7-Milyon ang dagdag sa kita ng mga kompanya ng langis. “Eh di lalo na at P9 ang overpricing,” aniya.

Gamit ang katwiran ng mga malalaking kompanya ng langis na nakabatay sa Dubai crude at Forex (foreign exchange, o palitan ng piso sa dolyar) ang pabagu-bagong presyo ng mga produktong petrolyo. Sinabi ng KMU na kinuwenta nila ang pagbabago sa pump price ng mga produktong petrolyo simula umano noong 2008 hanggang nitong buwan ng Enero 2011. Lumalabas sa kanilang kuwenta na mayroong di-bababa sa P7.50 na overpricing.
“Kung ang buwanang presyo, halimbawa, ng Dubai crude ay $70 kada bariles, ang P1 pagbabago sa Forex ay may katumbas na 50 sentimong epekto sa presyo. Kung P40 kada dolyar naman ang buwanang Forex, ang $1 na pagbabago sa Dubai crude ay may katumbas na 28 sentimong epekto sa presyo,” pahayag ng research team ng KMU.
Sinabi pa nila na kung sa susunod na buwan ay naging $60 kada bariles ang Dubai crude, ang P1 pagbabago sa Forex ay may katumbas na 43 sentimong epekto sa presyo. Kung naging P45 kada dolyar naman ang buwanang Forex, ang $1 na pagbabago sa Dubai crude ay may katapat na 32 sentimong epekto sa presyo. “Kung ikukumpara natin ang epekto sa presyo ng ganitong pormula sa aktuwal na galaw ng presyo sa mga gasolinahan, maaari nating mataya ang profiteering.” ayon sa KMU.
| Talahanayan | ||||||
|
Buwan |
Dubai ($/bbl) |
Forex (P/$) |
Buwanang pagbabago
|
Epekto (P/litro)
|
||
| Dubai | Forex | Dubai (A) | Forex
(B) |
|||
| Dec. ‘07 | 86.87 | 43.20 | ||||
| Jan. ‘08 | 87.37 | 40.90 | 0.50 | -2.30 | 0.50 X
0.29 = 0.15 |
-2.30 X
0.64 = -1.47 |
| Feb. | 90.02 | 40.66 | 2.65 | -0.24 | 2.65 X
0.29 = 0.77 |
-0.24 X
0.66 = -0.16 |
| Mar. | 96.76 | 41.35 | 6.74 | 0.69 | 6.74 X0.29 =1.95 | 0.69 X0.72 =
0.50 |
| Dec. ‘10 | 89.18 | 43.96 | ||||
| Jan. ‘11 | 92.19 | 44.17 | 3.01 | 0.21 | 3.01 X
0.31 = 0.93 |
0.21 X0.68 =
0.14 |
| Summary | |
| Year | Difference |
| 2008 | 12.14 |
| 2009 | -5.22 |
| 2010 | -0.20 |
| 2011 January | 0.78 |
| TOTAL | 7.50 |
Lumalabas sa kuwenta ng KMU na may pagkakaiba ang aktuwal na presyo ng produkto ng langis kumpara sa paggalaw ng mga itinuturing na batayan ng mga kompanya. Dagdag pa, batay sa pag-aaral ng KMU, kahit mayroong underpricing sa unang mga buwan ng taong 2008, malaki pa rin ang overpricing hanggang sa kasalukuyan.
Itinaya nila sa P9 ang overpricing para sakupin na rin ang overpricing matapos ang Enero 2011, kung kailan makailang ulit na ring tumaas ang presyo ng langis.
Hindi lamang militante
Dahil sa deregulasyon ng industriya ng langis, walang pangil ang gobyerno para mapigilan ang pagtaas ng presyo. Patuloy pa ring sarado ang mga librong pampinansiya ng mga kompanya ng langis kung kaya hindi masilip ng gobyerno ang eksaktong halaga ng overpricing. Ang tiyak lamang, may overpricing, at malaki ito.
Hindi lamang ang KMU, Piston at iba pang progresibong mga grupo ang nagsasabi na mayroong overpricing sa langis. Matagal nang sinasabi ni Sen. Ralph Recto na P8 ang overpricing sa langis. Sinabi ito ng senador noong tumestigo siya sa pagdinig sa Korte noong 2009 upang patigilin ang lingguhang pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Si Recto ang namumuno noon ng National Economic and Development Authority (NEDA) at hanggang sa kasalukuya’y pinaninidigan niya ang pag-aaral ng NEDA na may overpricing sa langis. Sinuportahan din siya ng negosyanteng si Raul Concepcion na nagsabi naman na kailangang kagyat na rebisahin at amyendahan ang Oil Deregulation Law.
Samantala, maraming mambabatas sa Kongreso ang nagsasabing kailangang busisiin ang libro ng mga kompanya ng langis at ipakita ang tunay na imbentaryo ng suplay ng mga ito, kasama na ang paraan ng pagkukuwenta sa presyuhan ng mga produktong petrolyo. Lumalabas kasi na kahit ang Department of Energy o DOE ay walang malinaw na pormulasyon sa pagkuwenta kung paano ang tamang presyo ng langis.