Uncategorized

Ang mga dapat gawin ni Shamcey Supsup pagkatapos niyang magwagi ng 2011 Miss Universe Third Runner-Up


Ngayong nanalo na si Shamcey Supsup ng Ikatlo sa Runner-Up ng 2011 Miss Universe sa Sao Paulo, Brazil kamakailan, panahon na para gampanan niya ang mga katungkulan at tungkulin ng isang may karangalang banggit sa pandaigdig na timpalak.

Shamcey Supsup. (Airnel Talatala Abarra)
Shamcey Supsup. (Airnel Talatala Abarra)

Ngayong nanalo na si Shamcey Supsup ng Ikatlo sa Runner-Up ng 2011 Miss Universe sa Sao Paulo, Brazil kamakailan, panahon na para gampanan niya ang mga katungkulan at tungkulin ng isang may karangalang banggit sa pandaigdig na timpalak.

Siyempre’y una rito ang pagganap niya bilang ambassador ng pakikipagkapatiran sa buong mundo at sa bawat okasyon na puntahan ni Miss Angola Leila Lopes na siyang kinoronahang 2011 Miss Universe ay kasama rin siya kahit sa diwa man lang kundi man siya kasama mismo sa lakaran.

Si Shamcey ay kinatawan ng Binibining Pilipinas at ng Pilipinas saanmang pagtitipon siya pumunta sa loob at labas ng bansa, ayon sa pagkakasunod.

Napakalaking responsabilidad ang nakaatang sa mga balikat ni Supsup sa mga pagkakataong ito at hindi lang sapat na siya ay magandang magdala ng damit o mahusay maglakad kaya pinangalanang ‘tsunami catwalk’ o matatas mag-Filipino o mag-English o may malareynang kabuuan o marikit ang mukha o may malagitarang kurbada ng katawan.

***

Ang pagiging Binibining Pilipinas-Universe ni Shamcey ay nangangahulugang siya ay may dedikasyon sa kinakatawan niyang kababaihan.

At ito ay ang kababaihan hindi lang sa lipunang Pilipino kundi ang pangkalahatang kababaihan sa buong mundo.

Ipaglalaban niya ang mga karapatan ng kababaihan sa pantay na pakikipamuhay at lalansagin niya ang mga hadlang sa makataong pagtrato sa babae bilang nilikha ng Diyos na hindi nakakabulag ng ilusyon na ang babae ay pang-beauty contest lang o pambahay lang o pangkama lang.

***

Lalo pa nga’t siya ay nagtapos sa Unibersidad ng Pilipinas sa Kolehiyo ng Arkitektura ng kursong arkitektura at nanguna pa siya sa eksaminasyon ng Professional Regulation Commission at ang diwa ng isang taga-UP ay lagi niyang taglay.

Dahil bilang iskolar ng bayan, ang pagpapabuti ng kalagayan ng lipunan ang isa sa mga pangunahing adhika ng nagtapos sa UP.

Kaya inaasahan na si Shamcey ay hindi lang dapat tingnan na nakakasagot sa tanong ng hurado sa paligsahan kundi ano ang pagpapahalaga at pagsasakongkreto niya ng kanyang mga kasagutan sa ikabubuti ng lipunan.

Kung kinakailangan na mag-seminar siya kina Nelia Sancho o Maita Gomez na mga may mga prinsipyong pulitikal na ipinaglaban at ipinaglalaban, dapat ding gawin ni Supsup para sa ikalilinaw ng mga talakayan at argumentasyon sa tunggalian ng mga uri sa lipunan.

***

Hindi lang dapat nakapako ang mga responsabilidad ni Shamcey bilang beauty queen sa kanyang pagpapakain sa mga batang lansangan o paggupit ng laso ng pagbubukas ng isang sosyo-sibikong lugar o tanggapan kundi sa tunay na pakikipagtangguli sa mga puwersang nagpapahirap sa bayan.

Kahit nga ba siya ay produkto ng isang beauty contest, nasa pedestal, representasyon ng hindi maabot, musa ng kagandahan at natatangi samantalang ang kagandahan kahit sa panahon ng mga mito nina Venus o Aphrodite ay nagsisilbing huwaran ng masagwa subalit makulay at masalimuot na katotohanan ng pakikipaglaban para sa katarungan at kalayaan at wagas na pag-ibig hindi lang sa sekswal na konotasyon kundi sa tigib na pagmamahal na siya namang dapat na ipagkaloob ng isang tao sa kanyang kapwa.

Mataas ang paghamon kay Shamcey dahil malawak at malalim ang kanyang ibig sabihin bilang beauty queen.

Kailangang gagap niya ang pangangailangan, materyal man o hindi, ng lahat ng uri ng tao sa lipunan mula sa mayaman hanggang sa mahirap at kung paano magkakaroon ng pantay na distribusyon ng yaman sa bawat isa sa mga miyembro ng lipunang ito dahil repleksyon ang isang beauty queen ng adhikang ito.