FEATURED

Katotohanan sa gawa-gawang pageant


Maliban sa komodipikasyon ng kababaihan sa Miss Universe, binabatikos din ng Gabriela ang pagkubli nito sa katotohanan.

miss endo
Miss ENDOnasya

Inirampa ng Gabriela ang umano’y tunay na mukha ng kababaihang Pilipina sa sarili nilang bersiyon ng reality pageant na “Miss Neolibers” bilang kritik sa ginaganap na ika-65 Miss Universe sa Pilipinas.

Tampok sa iskit na ito ang limang mga kandidata: Miss ENDOnasya, Miss NoLand, Miss Saudi ArabYAYA, Miss Demolition Republic, at Miss Eskuwela Lumpoor.

Kinakatawan ni Miss ENDOnasya ang kababaihang manggagawang kontraktuwal na walang permanenteng trabaho, habang Si Miss No Land naman ang mukha ng mga magsasaka na walang sariling lupa. Si Miss ArabYAYA ang kumakatawan sa mga migranteng Pilipina, si Miss Demolition Republic ang kababaihang maralitang tagalungsod na patuloy na dinedemolish ang mga tirahan, at si Miss Eskuwela Lumpoor ay ang mga kabataang gipit na gipit sa sistema ng edukasyon.

miss educ
Miss Eskwela LumPOOR

Gawa-gawa man ang mga karakter sa Miss Neolibers, makatotohanan ang pagsasalarawan nito ng kasalukuyang kababaihang Pilipinong maralita. Ang kuwento nila’y maaaring kuwento rin ng isa sa mga kapamilya o kaibigan natin, ni nanay, ate, tita, o nakababatang kapatid.

Ang popular na mga patimpalak naman kagaya ng Miss Universe ay nag-kakahon sa depinisyon ng kagandahan na naka-base sa liit ng baywang, tangkad, o paglalakad ng di-nadadapa sa tatlong dangkal na heels: di-makatotohanang pamantayan na idinodoktrina sa isipan ng mga kababaihan.

Sa kabila umano ng kislap at ningning ng Miss Universe ay nanatiling busabos ang kalagayan ng mga kababaihan sa loob at labas ng bansa kung kaya Ang Gabriela ay kritikal sa pagdaraos nito sa bansa.

miss no land
Miss No Land

Ang coronation night ng Miss Universe ay gaganapin sa Mall of Asia Arena sa Pasay City. Ang tiket ay may halagang mula P2,000 hanggang P50,000, depende sa puwesto ng upuan.

Pagmamay-ari ng SM Prime Holdings ng bilyonaryong pamilyang Sy na palaging nadadawit sa isyu ng kontraktuwalisasyon. Sa katunayan ay tinawag ng grupong Kilusang Mayo Uno si Henry Sy Sr. na ‘Contractualization King’ dahil sa dami ng mga kontrakwal na empleyado ng mall chain na ito.

“Sa ganitong kalakaran nakikita na ang tunay na nakikinabang sa mga beauty pageant kagaya ng Miss Universe, sa totoo lang, ay ‘yung interes ng mga malalaking negosyong kumikita sa pag-showcase sa katawan ng mga babae,” ani Joms Salvador ng Gabriela.

miss saudi yaya
Miss Saudi ArabYAYA

Inihalimbawa ng grupo ang pagdemolis sa sa paligid ng Cultural Center of the Philippines (CCP) dahil doon gaganapin ang Miss Universe, taong 1994. Wala umanong panalo ang mga mamamayan sa ganitong mga iskema na malalaking negosyo lang ang nakikinabang.

“Walang masama na mag-host ng ganitong mga event kung hindi kinukubli ang tunay na kalagayan ng ating mga kababayan,” ani Salvador. Abalang-abala at nagkakandarapa din umano ang ilang mga ahensiya ng gobyerno sa pagpapahusay ng ginaganap na Miss Universe bansa at naglalabas pa ng pondo para tustusan ang mga pangangailangan nito.

miss demolition
Miss Demolition Republic

Kinukumusta rin ng grupo kung ano na ang nangyari sa pangako ni Duterte na tanggalin ang kontraktuwalisasyon dahil hanggang ngayo’y bigo pa rin ang Department of Labor and Employment na masugpo ito.

“Totoong magaganda ang ang mga Pilipina at tanawin ng ating bansa. Pero hangga’t hindi nalulutas ang mga problema na bunsod ng neoliberal na mga patakaran sa ekonomiya, mananatiling pangit ang kalagayan ng ating kababaihan,” ani Salvador.