Sa Veinte Reales, araw-araw may demolisyon at harassment


Sabi pa ng mga residente, walang maipakitang court order o anumang legal na dokumento ang staff na nagtataboy sa kanila. Wala ring maayos at abot-kayang relokasyon para sa mga apektado ng demolisyon. 

Matagal nang nangangamba ang mga residente ng Block 6, Laon Claudio Molina St., Brgy. Veinte Reales sa Valenzuela City dahil sa banta ng demolisyon at harassment. Pero para kay Violeta Basilla, 41, hindi na lang takot ang namamayani kundi galit. Simula kasi nitong Nobyembre 6, inaraw-araw na ng local government unit (LGU) ng lungsod at pulisya ang pananakot at paggiba sa mga bahay ng maralita.

“Wala kaming paglilipatan. Saan na kami pupulutin nito?” ani Basilla nitong Nobyembre 8 habang pinapanood ang tauhan ng Valenzuela LGU sa pagwasak ang kanyang tahanan. “Dati, nakikita ko lang sa TV ‘to. Ngayon, nandito na, nararanasan ko na.”

Parte ang Block 6 ng mahigit anim na ektaryang dating tiwangwang na lupa. Ito na lang ang natatanging block sa Veinte Reales na may kabahayan matapos paalisin at idemolis ang Block 1 hanggang Block 5 para sa itinatayong medium-rise building sa lungsod. Tinatayang nasa 160 pamilya ang apektado sa patuloy na demolisyon.

Ayon kay Basilla, walang pinipili ang mga tauhan ni Mayor Wes Gatchalian. Kahit ang mga tulad niyang hindi tumanggap ng P9,000 na tulong pinansiyal at pumirma ng waiver, sapilitang pinutulan pa rin ng kuryente at giniba ang bahay.

“Kulang na kulang ‘yong inaalok nilang P9,000. Down payment at renta pa lang ng bahay, kulang na. Paano pa yung pagkain at iba pang gastusin?” aniya. Bilang solo parent, mag-isang itinataguyod ni Basilla ang pag-aaral ng 11 taong gulang na anak at iba pang arawang gastusin.

Sabi pa ng mga residente, walang maipakitang court order o anumang legal na dokumento ang staff na nagtataboy sa kanila. Wala ring maayos at abot-kayang relokasyon para sa mga apektado ng demolisyon. 

Base sa Commission on Human Rights, hindi dapat idemolis ang mga tirahan ng informal settler families o homeless citizens kung walang sapat at maayos na alternatibong pabahay o relokasyon.

“Gusto lang namin ng munting bahay, munting lupa lang,” sabi ni Basilla. Sa gitna ng pangamba, ganito rin ang hiling ng iba pang residente sa Block 6—itigil na ang harassment at sapilitang pagpapaalis sa kanila.