FEATURED Maralitang Lungsod

Kawalan ng Katuparan


Ang plano naman talaga ng gobyerno, burahin sa mapa ang mga komunidad ng mga maralita sa Tondo, Maynila.

Ang Manila Bay: Reclaiming Lives ay serye ng imbestigatibo, naratibo at in-depth na mga ulat hinggil sa mga buhay at pakikibaka ng mga komunidad at mamamayang apektado ng malawakang reklamasyon sa kahabaan ng baybayin ng Manila Bay sa ilalim ng programang pang-imprastraktura na Build Build Build ng rehimeng Duterte.

Iklik para lumaki.

“Ito na talaga? Yung right of way?”

Bungad agad ni Pablito Abejero ng Urban Settlements Office (USO) ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Maynila, pagkahawak niya ng mikropono noong Setyembre 16. Tinuturo niya ang pagitan ng Building 12 at 13. Tumbok nito ang tinatayo pa lang na New Manila Cockpit Arena. Kaharap ni Abejero, ang mga residente ng naturang dalawang bilding sa Katuparang Housing Project sa Vitas, Tondo, Manila. Mahigit isang oras na silang naghihintay sa labas, sinisikap mag-social distancing, nakasuot ng mga mask, sa labas ng tahanan nila.
Natawa ang ilang residente sa bungad ng taga-City Hall. “Huh, walang galang talaga,” bulong ng isang residente sa katabi niya. “Nagtuturo na,” sabi ng isa.

Pinaliliwanag noon ni Abejero at mga kasamahan niya sa USO at Engineering and Public Works Department ng Manila LGU kung bakit kailangan daw idemolis ang nabanggit na dalawang bilding. Gagawa raw ng kalsada mula sa Radial Road-10 (R-10) papasok. “Pakikinabangan naman ito ng mga tao riyan (turo sa kaliwa) at riyan (turo sa kanan),” aniya. Pero ang mga residente ng dalawang bilding, kailangang lumikas.
Ang right of way, hindi para sa sabungan na tumbok ng dalawang bilding, kundi para raw sa itatayong Tondominium 1 at 2 na malapit sa naturang sabungan. Ang Tondomonium ay dalawang 15-palapag na “condominium” sa Tondo. Pangako raw ni Manila Mayor Francisco Isko Moreno Domagoso na sa mismong condo na iyun ililipat ang mga residente ng Buildings 12 at 13. Bago niya ito pinangako, pinangakuan din niyang ililipat sa naturang condo ang mga residenteng nakatira sa mga rooftop ng 27 bilding ng Katuparan.

“Huwag kayong mag-alala, kayang kaya ninyo iyan,” sabi raw ni Moreno, sa ilang diyalogo sa mga lider ng mga pabahay.

Pero sa diyalogo nina Abejero sa mga residente, hindi niya masagot kung “kakayanin ba (nila) ang bayad” sa pagtira sa isang condominium na may 15 palapag — ibig sabihi’y tiyak na kailangan ng serbisyo ng elevator. Inamin niyang sasakupin ng komersiyal na renters — mga negosyo, tulad ng mga restawran at groserya — ang unang mga palapag ng Tondominium. “Para may bumalik (na income) naman sa City Hall,” sabi pa ni Abejero.
Pero mahirap maniwala ang mga residente sa binibitawang mga pangako at pahayag ng City Hall. Isang sulyap lang sa Buildings 12 at 13 — sa buong Katuparan Housing mismo — batid nang hindi kakayanin ng mga residente ang pagbayad ng hulugan sa isang condominium. Dekada na ang nagdaan magmula nang huling renobasyon ng Katuparan.

Marami sa mga residente, galing din sa iba’t ibang lugar sa Kamaynilaan — dinemolis sa ibang lugar, nilipat sa Katuparan na housing project ng National Housing Authority (NHA) noong panahon ni Pang. Corazon Aquino. Mga manggagawa sa piyer at iba pang lugar, mga mala-manggagawa na walang permanenteng trabaho, mga tindero, mga walang trabaho ang marami sa mga residente rito.

Sa nasabing diyalogo, marami ring matatanda na: mga senior citizen na naunang mga residente ng Katuparan. Ang plano ba talaga, patirahin sila sa matataas na palapag ng Tondominium?

Pagtatayo ng panimulang mga istruktura ng Tondominium. KR Guda

* * *

Agosto 1991 pa kami nalipat dito (sa Katuparan),” sabi ni Lola Sabel, 84.

Bago nito, taga-Butuan City sila. Nang mamatay ang asawa niya, dala na niya ang mga anak pa-Maynila. Ilang taon din daw silang tumira sa barung-barong sa may Pier South Harbor 17. Pero noong 1991 nga dinemolis ang bahay nila. “Pinaalis kami kasi aayusin daw noon ang piyer.”

Sa Building 13, ikaapat na palapag siya nakatira. “Binase nila sa edad (ang bayad) — P300 plus ang monthly (bayaran). Binayaran ko naman. Nagtitinda lang kami sa piyer. (Edad) 54 ako noon,” sabi pa ni Lola Sabel. Hayskul na ang mga anak niya noon, kaya pinagpatuloy lang niya ang pagtitinda sa piyer. “Palipat-lipat (kami sa pagtinda). Kasi may pulis na humahabol sa amin. Pero nagsisikap pa rin, para mabuhay,” aniya.

Sa Katuparan na lumaki ang mga anak niya. Lumipat na ng tirahan ang mga ito — sa ibang mga bilding sa Katuparan din, nagrerenta ng ibang mga yunit. Apo lang ang kasama niya. “Ang bali-balita rito, aalisin daw kami rito ngayon. May right of way, papasok sa negosyo nila,” ani Lola Sabel.

“Mahirap namang aalisin kami na walang siguradong paglilipatan. Kaya pinaglalaban namin itong kinalalagyan. Kasi tao sila, tao rin kami. Ganun lang ang buhay. Hindi iyung ihahagis lang kami kung saan-saan,” aniya. “Matanda na ako pero nangarap pa rin akong mabuhay.”

* * *

SPier 16 naman nagtatrabaho si Aling Agnes, 61, bago sila itinaon sa Katuparan. “Pagdemolis sa amin sa piyer (noong 1991), binigyan lang kami ng anim na latang sardinas na kinakalawang na, dalawang kilong bigas na NFA na di na puwede makain,” aniya.

Aling Agnes. KR Guda

Sa loob sila ng pader ng piyer nakatira sila noon. Kung saan-saan natapon ang mahigit isanlibong katao. Pero mga “200 o 300” silang napunta sa Katuparan. Sa pagtagal ng panahon, lumaki ang pamilya ng mga residente, kinailangang mag-ekstend ng ilang yunit. Ang iba, gumawa ng ekstensiyon sa daanan ng mga yunit, ang iba gumawa ng mga istruktura sa rooftop ng mga bilding para doon tumira.

Si Victoria Reyta, 36, ang isa sa mga nakatira sa mga rooftop ng Katuparan. Lumipat siya roon matapos magkapamilya. Ang nanay niya, nakatira pa rin sa orihinal na yunit na pinaglipatan nila mula nang mademolis din sa piyer noong 1991. Anim na taong gulang pa lang siya noon. “Maganda pa noon, wala pang mga extension. Di tulad ngayon, magulo na, pangit nang tignan,” aniya.

Pero ang sabi ni Victoria, matibay pa ang mga pader ng mga bilding. Makapal ang semento, hindi tulad ng bagong relocation sites ng NHA. “Kapag pinupukpok mo (ang pader), mahihirapan ka,” aniya. Iyun lang, aniya, hindi na kaaya-aya ang hitsura dahil sa mga extension at kawalan ng renobasyon.

Matagal nang pinaglalaban ng mga residente sa Katuparan, sa pangunguna ng Alyansa ng mga Residente sa Katuparan (ARK), ang pagpapaayos sa mga bilding, kabilang ang nabubulok nang mga hagdan. Noong 2019, sa badyet ng NHA, may inilaan nang P19.5 Milyon para sa “Repair Works of 12 Medium Rise Buildings of Vitas Katuparan Condominium, Vitas, Tondo Manila”, ayon sa NHA Annual Procurement Plan for CY 2019.

Pero sa pagkakaalam ng mga residente, walang renobasyon na naganap. Sa kabila nito, noong taon ding iyon, inanunsiyo ng Department of Public Works and Highways na “condemned” o hindi na raw ligtas para tirhan ang mga bilidng ng Katuparan. Ngayong taon, inayunan na rin ito ng Manila City Hall.

“Kaya nagtataka kami, nasaan na yung P19-M (para sa renobasyon)?” ani Victoria. Ang hinala nila, hindi na tinuloy ang renobasyon kasi itutulak na talaga nila ang plano na idemolis ang Katuparan.

"Lola
Lola Sabel. KR Guda

* * *

Hindi kaiba ang Katuparan sa mga komunidad ng mga maralita sa Kamaynilaan na matindi ang dinanas na paghihirap dahil sa mga lockdown bunsod ng pandemyang coronavirus disease 2019 (Covid-19).

Marami ang nawalan ng kabuhayan, at nahirapan pang ipatupad ang mga protokol dahil sa dikit-dikit na mga tirahan. Mahirap ding maging magmantine ng kalinisan, kahit may mga hakbang naman ang barangay para sa disinfection ng mga pampublikong lugar. At siyempre, dahil walang libreng mass testing (maliban sa minsang rapid-testing na iniutos ni Mayor Moreno noong Mayo), hindi rin masiguro ng barangay kung gaano kalaganap ang pagkalat ng Covid-19 sa mga residente.

Pero sa kabila ng pandemya, at ng krisis sa kabuhayan ng mga residente, ginulat na lang sila ng isang Demolition Order mula sa Engineering and Public Works Department ng Lungsod ng Manila noong Setyembre 1.

Sa naturang order, pinaaalis ang mga residente ng Building 12 at 13 sa loob ng 15 araw. Noong araw na iyun na dumating sina Abejero at iba pa noong Setyembre 16, iyun ang ika-15 araw ng Demolition Order.

Sa naturang diyalogo, hiniling ni Abejero sa mga residente na payagan na silang magsagawa ng “tagging” ng mga bahay — para raw malaman na nila kung sinu-sino ang aktuwal na mga ililipat sa Tondominium. Pero sa kabila nito, malinaw kung sa unang tingin sa lugar kung saan ginagawa ang naturang condo: nagsisimula pa lang ang konstruksiyon.

“Malinaw ang pangako ni Yorme (Mayor Moreno): Walang paaalisin hangga’t walang lilipatan,” sabi ni Abejero. Pumalakpak ang mga residente. Pero nang magtanong ang isang residente kung maaaring makakuha ng nakasulat na pangako — sa porma, halimbawa, ng isang memorandum — hindi makapagkomit ang opisyal ng City Hall.

“Ano ang assurance ninyo (na mga residente) ang ililipat diyan? Kasi 15 floors iyan. High-rise iyan. May elevator. Hindi namin kaya ang mahal na upa. Hindi po kami nakakabangon. Nasa gitna tayo ng pandemic,” sabi ng isang residenteng hindi nagpakilala.

Ang gusto lang daw nilang makita, kung ano ang kongkretong plano ng City Hall: Kung saan sila ililipat, anong bahagi ng Tondominium sila ililipat, magkano ang babayaranng upa, kailang matatapos ang konstruksiyon, at iba pa. Hindi ito masagot ng mga opisyal.

“Ayaw po namin ng laway-laway lang. Ang gusto namin makita: paano kami yayakapin ng lungsod ng Maynila?” ayon sa nasabing residente. Hindi buong masagot ito ni Abejero. Basta pagkatapos na matapos iyun, saka sila ililipat. Pero bakit may Demolition Order? Bakit agaran silang palalayasin, habang matagal pa bago matapos ang Tondominium? Hindi sila masagot.

Ang 19-palapag na planong pabahay diumano ng NHA na itatayo mismo sa kinatatayuan ngayon ng Katuparan.

* * *

Lalong nakakadagdag sa pagduda ng mga residente ang mga pahayag ng NHA sa mga pagdinig sa Kamara kaugnay ng 2021 badyet nito.

Noong Setyembre 10, sa budget hearing para sa bagong-tatag na Department of Human Settlement nad Urban Development (DHSUD) para sa 2021 badyet nito, sinabi ng NHA na may plano itong pagtatayo ng tatlong medium-rise buildings (19-palapag) sa mismong lugar ng Katuparan. Magsisimula umano sa 2021 ang konstruksiyon. May dalawang phase ang proyekto.

Patuloy na nilalabanan ng mga residente ang pagdemolis sa kanilang tahanan. KR Guda

Aabot sa P1.25 Bilyon ang badyet para sa naturang proyekto, na may 700 yunit. Aabot daw sa 240 ang residential units, 10 ang para sa persons with disabilities (PWD) na yunit, at 47 ang para sa pagpapaupahan bilang komersiyal na mga yunit. Wala pa ring kalinawan kung pabahay ba talaga ito para sa mga maralita — o mistulang komersiyal na pabahay o istilong kondominyum.

Itinatanggi ng City Hall at ng NHA na koordinado ang kanilang plano: ang Demolition Order ng City Hall sa mga residente ng Buildings 12 at 13 (at sa mga nakatira sa rooftops) sa isang banda; at ang planong 19-palapag na bilding ng NHA, sa kabila. Hindi kumbinsido rito ang mga residente na walang kinalaman ang isa’t isa at nagkataon lang na noong hinihingan na ng pondo ng NHA sa Kamara ang kanilang P1.25-B pondo, bigla namang palalayasin ng City Hall ang mga residente ng dalawang bilding.

Matatandaang ipinangako pa ni Pangulong Duterte na walang magaganap raw na demolisyon habang may pandemya. Naglabas pa ng Memorandum Circular No. 2020-068 ang Department of Interior and Local Government (DILG) na pumipigil muna sa mga demolisyon at pagpapalayas sa mga maralita habang may enhanced community quarantine at may State of National Emergency. Nakasaad din sa Article 28 ng Republic Act. No. 7279 Urban Development and Housing Act na kailangang magtakda ng tiyak na lilipatan ang idedemolis na kabahayan ng mga maralita.

Pero sa kabila nito, nagpatuloy ang ilang demolisyon sa Kamaynilaan. Sa Pasay City noong Marso, nademolis ang kabahayan ng 300 pamilya sa New Era Compound sa Brgy. 137 Zone 15 noong Marso. Noong Abril, dinemolis naman ang kabahayan ng 78 pamilya sa Brgy. 432 sa Lungsod ng Maynila. May iba pang kaso ng demolisyon sa panahon ng pandemya.

Sa nabanggit na diyalogo, sinabi ni Abejero na kung ayaw talaga ng mga residente ng Building 12 at 13 na magpademolis, wala silang magagawa. Maghahanap na lang daw sila ng ibang right of way patungo sa ginagawang Tondominium at sa sabungan. Palakpakan muli ang mga tao. Pero naniguro ang isa pang residente at nagtanong: “Tama po ba ang dinig namin, na walang demolisyon kung ayaw namin?” Napa-oo si Abejero. Ayun naman pala. Palakpakan muli ang mga residente.

Pero hindi pa rin kampante sina Lola Sabel, Aling Agnes, Victoria, ang ARK at ang libu-libong residente ng Katuparan na matutupad ang mga pangako ng gobyerno. “Nakapaglabas nga sila ng Demolition Order ngayong panahon ng pandemya, puwede nilang ipatupad iyun sa kabila ng mga pangako,” sabi ng isa pang tumangging magpakilala. “Nagtayo sila ng Tondominium, ng sabungan. Nakapagbuo ng planong pabahay na hindi kami kinokonsulta. Nagagawa nilang magtapon lang ng maralita sa kung saan-saan, lalo na kung hindi lumalaban.”

Samantala, unti-unti nang nagbabago ang kapaligiran sa palibot ng Katuparan at iba pang komunidad ng maralita sa Tondo. Serye ng mga condominium ng Deca Homes ang naitayo malapit dito. Matataas na pader ang nakapalibot sa mga condominium, tila nagtataboy sa sinumang maralitang gustong makalapit. Sa pambansang saklaw, plano ng administrasyong Duterte ang isang business hub sa Tondo, kasabay ng planong artipisyal na mga isla at reclamation projects sa kahabaan ng Manila Bay na magpapalayas sa mga mangingisda sa Coastal Road at karatig na mga komunidad sa Cavite, kasabay ng paliparang Aerotropolis ng San Miguel Corp. na magpapalikas sa mga mangingisda naman ng Bulakan, Bulacan. May buong planong “pangkaunlaran” ang gobyerno rito, at lumalabas na hindi kasama sa uunlad ang mga maralita.

“Kaya kailangang maging mapagmatyag,” pagtatapos ng isang residente ng Katuparan.