Disenteng pabahay, panawagan ng mga residente ng Agora
Dahil sa bantang demolisyon, nagtirik ng barikada at naninindigan ang mga residente ng Agora 2 Compound sa Marikina City sa in-city relocation para makapamuhay nang disente.
“Patuloy kaming maninindigan para sa in-city relocation.”
Ito ang nagkakaisang sagot ng mga residente ng Agora Compound 2 sa Marikina City sa kabila ng pangako ni Marikina 1st District Rep. Marcy Teodoro na walang mangyayaring na demolisyon sa kanilang lugar.
Itinirik ng mga residente ang kanilang barikada gabi ng Okt. 14 dahill sa banta na idedemolis sila sa susunod na araw.
“Matagal na kami dito. [Noong] 1970’s nandito na kami,” ani Aling Riza. Sa kanyang kuwento, talahiban pa ang naturang lugar noon. Kasama siya sa mga residenteng orihinal na nanirahan sa Agora.
Ngayon, apat na ang kanyang anak, dalawa sa mga ito ang may sarili ng pamilya at doon na rin nakatira. Sinabi nya na wala naman silang malilipatang lugar at sobrang mahal din ang mangupahan na ‘di kaya ng kanilang ikinabubuhay, palero kasi ang kanyang asawa sa kalapit na materials recovery facility ng Marikina City.

Ayon kay Elizabeth Maynigo, pangulo ng Samahan ng Magkakapitbahay sa Agora 2, noong 2023 sinabihan sila ng pamahalaaang lokal na idedemolis ang kanilang mga bahay dahil natalo sa korte ang isinampang kaso ng mga residente.
“Kusa nga kaming nagdemolis noon, nangupahan sa ibang lugar dito sa Marikina,” ani Maynigo.
Pinangakuan aniya sila noon ng may-ari ng lupa na na bibigyan ng tulong pinansiyal. “Walang binigay noon, kaya karamihan sa amin bumalik dito,” wika niya. Ilan sa nagbalik sa lugar ang nagtayo ng mga tent sa gilid na kalsada.
Sa pahayag ng grupo, pinangakuan ng P20,000 kada pamilya ang ibibigay ng pamahalaaang lokal para lisanin ang naturang lugar. Pero giit ni Maynigo, hindi sapat ang naturang halaga para makahanap ng disenteng tahanan.
“Nangupahan ako noong una, [P5,000] ang upa. Paano pagkakasyahin ang inaalok nila, nagtitinda lang ako sa palengke ng Marikina?” dagdag pa niya.
Dagdag pa ng mga residente, nag-aalok ng P200,000 ang may-ari na paghahatian ng 13 orihinal na residente sa lugar.
Pero tutol sila sa pinasiyal na kompensasyon at ang iginigiit ang maayos na in-city relocation. Suportado naman ng Gabriela Women’s Party at Gabriela ang laban ng mga residente.
Ang Agora 2 Compound ay nasa kahabaan ng Gil Fernando Avenue, ang kalsadang isinasara para maging jogging area tuwing araw ng Linggo.