Pamamaril ng goons at pulis sa demolisyon sa Angeles City, 7 sugatan


Dalawang mamamahayag naman ang tinakot, pinagbantaan at ninakawan ng mga armadong kasama ng demolition team.

Pinagbabaril ng pinagsanib na puwersa ng Philippine National Police-Special Weapons and Tactics (PNP-SWAT) at “goons” ng Clarkhills Properties Corporation ang mga magsasaka at residente ng Sitio Balubad, Brgy. Anunas, Angeles City, Pampanga noong Marso 12, habang itinatayo ng mga ito ang barikada laban sa tangkang demolisyon at pangangamkam ng kanilang lupang sakahan at tahanan.

Sumalakay ang mahigit 500 kataong demolition team at PNP-SWAT sa Sitio Balubad para palayasin ang nasa 600 pamilya sa 73 ektaryang lupain na inaangkin ng Clarkhills. Sugatan sa pamamaril ang pitong residente na tinamaan ng bala sa tadyang, tuhod at hita.

Marami sa mga residente, lalo na ang mga bata, ang na-trauma dahil sa karahasan ng demolition team at pulisya. Winasak, niransak at pinagnakawan din ang kanilang mga bahay.

Dalawang mamamahayag naman ang tinakot, pinagbantaan at ninakawan ng mga armadong kasama ng demolition team.

Nakabarikada ang mga magsasaka at residente ng Sitio Balubad para ipagtanggol ang kanilang lupang sakahan at tahanan. Pinaninindigan nila ang karapatan sa pagmamay-ari sa lupang nauna nang iginawad ng Department of Agrarian Reform (DAR) noong 1992 sa bisa ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP). Bilang agrarian reform beneficiaries (ARBs), may pinanghahawakan silang Certificate of Land Ownership Award (CLOA) mula sa DAR.

Tuloy-tuloy lang silang siningil ng Land Bank of the Philippines ng amortisasyon para sa lupa, na nakumpleto namang bayaran ng mga magsasaka noong 2020. Pero noon lang kasagsagan ng unang Covid-19 lockdown, nalaman ng mga taga-Sitio Balubad na binawi na pala ng DAR ang kanilang mga CLOA dahil sa pag-angkin ng isang pribadong kumpanya noon pang 2004.

“Katraydoran ng DAR sa mga pesante ng Brgy. Anunas ang nagdulot sa karahasang ihinasik ng pulis sa kanila, na parang bang private goons na rin ng Clarkhills ang PNP at SWAT,” sabi ni Ariel Casilao, pambansang tagapangulo ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA).

Ayon kay Casilao, unang kinansela ng DAR ang CLOA ng mga taga-Sitio Balubad noong 2000 dahil inaangkin ng pribadong kumpanyang Vive Eagle Land ang 73 ektaryang lupain. Umapela ang mga magsasaka sa Korte Suprema, pero ibinasura ito ng Korte dahil daw sa “kawalan ng interes” ng mga taga-Sitio sa lupa.

Ani Casilao, mali ang argumentong ito ng korte dahil sa mahabang panahon ay dito na sila nakatira at kumukuha ng ikabubuhay. Patunay din sa interes ng mga magsasaka sa lupa ang patuloy nilang pagbabayad ng amortisasyon.

Iginawad ng Korte Suprema ang Writ of Execution sa Vive Eagle noong 2008. Pero hindi rin ito ipinatupad ng kompanya hanggang mapaso na ang kautusan ng korte. Dahil hindi naman ginagalaw ng umaangkin ang lupa, patuloy lang nanirahan at nagbungkal dito ang mga magsasaka.

Kalaunan, ibinenta ng Vive Eagle ang lupa, na nabayaran na ng mga magsasaka, sa Clarkhills.

Oktubre 2023 unang marahas na tinangkang ipa-demolish at kamkamin ng Clarkhills ang lupain ng mga magsasaka sa Sitio Balubad.  Nitong Peb. 8, 2023, marahas din ang naging sorpresang demolisyon at pagpapalayas sa mga magsasakang residente.

“Kung pinanghawakan lang ng DAR ang karapatan ng mga ARBs na kinilala na nito noon pang 1998, hindi magagawa ng Clarkhills na marahas na i-demolish ang kanilang tahanan, gaya ng ginawa ng kanilang mga armadong goons, kasama ang [pulisya] at SWAT,” ani Casilao.

Nagpapatuloy ngayon ang barikada ng mga magsasaka at residente ng Sitio Balubad para ipaglaban ang kanilang lupang sakahan at tahanan.