Eyewitness FEATURED

Nanay Mameng, sa kanyang sariling salita

Kuwento ng buhay at pakikibaka ng minamahal na lider-maralita, noong 2008.

Ang sumusunod na sulatin ay transcription ng aktuwal na nairekord na kuwento ni Carmen “Nanay Mameng” Deunida, lider-maralita na pumanaw nitong Hulyo 19, 2021, sa edad na 93. Bahagi ito ng tesis ni Lisa Marie Clemente na pinamagatang Pagbalikwas: Kwentong Buhay ng Anim na Kababaihang Anakpawis para sa masterado sa Araling Kababaihan at Kaunlaran sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) sa Diliman, Quezon City. Ginawa ang panayam noong taong 2008. 

Kinagisnang buhay sa uring pinagmulan

Mahirap ang pinanggalingan kong pamilya. Mula kami sa uring manggagawa at dito na sa Manila nanirahan ang mga mga magulang ko. Noong unang panahon, hindi pa lungsod ang Maynila at marami pa ang palayan. Damuhan pa ang karamihan sa lugar dito. Noon hindi pa urban poor ang tawag sa mga maralita sa Maynila. Yero ang bubong ng bahay namin, pero maliit lang. Pinagawa ng tatay kong dalawang palapag ang bahay para magkasya kami dahil isang dosena kami.

Si Vidal Aquino Deunida ang tatay ko. Isa siyang clerk sa munisipyo. Pero hindi sapat ang kanyang kita sa sampung anak na pakakainin araw-araw. Masipag siya mag-aral at nakaabot siya ng 2nd year Law pero nang dumadami na kami, tumigil na rin siya sa pag-aaral. Anak din siya ng isang government worker.

Si Flora Garcia Castro ang nanay ko. Anak siya ng isang Katipunero, si Apolonio Castro. Nagtitinda ng mga suman ang Nanay para makatulong sa pang-araw-araw na gastusin. Grade 3 lang ang natapos ng nanay ko.

Sa Paco sila nagkakilala kasi dating nakatira sa likod ng La Concordia College ang nanay ko.

Hindi sila gaanong nakikialam sa pulitika. Ang tatay ko, kahit nagtatrabaho sa gobyerno, wala masyado pakialam sa pulitika basta pumapasok lang siya araw-araw. Wala rin siyang organsisasyon doon, sa pagkakaalam ko.

Ipinanganak ako, Carmen Deunida, noong Pebrero 8, 1928. Pangatlo ako sa panganay. Istrikto ang mga magulang ko lalo na ang Tatay. Namana nila ang Kastilang pagdidisiplina. May oras ang paggala namin. Kapag lumabas ka ng alas-kuwatro ng hapon, dapat alas-sais ng gabi, balik ka na.

May kanya-kanya rin kaming gawain sa loob ng bahay. Siyam o sampung taon lang ako noon, pero tumutulong na ako sa amin. Sa umaga, maglalako ako ng kakanin ng mga bandang ala-sais ng umaga. Kapag naubos na, uuwi na ako at tutulungan ang nanay ko sa gawaing bahay. Maliit pa ako, pero ako na rin ang nagluluto ng pagkain para sa hapunan.

Sa gabi, maglalako na naman ako ng suman, puto bibingka hanggang inaabot ako ng madaling araw at malayo ang nararating ko sa paglalako hanggang South Cemetery. Ang mga kapatid ko naman ang nagbabantay ng mga paninda sa tapat namin.

Tatlo lang sa amin ang nakarating ng high school sa pag-aaral dahil hindi talaga kaya. Nakaabot lang ako ng 2nd year high school, 13 taong gulang ako noon. Habang nag-aaral, grabe ang kayod namin kaya ang tanong ko nga noon pa man ay bakit kahit anong sipag at kayod namin, ganoon pa rin ang buhay namin. Iniisip kong mabuti bakit kaya ganun?

Di ko naman sinasabing matalino ako, pero sa aming magkakapatid, ako ang marunong. Ang tatay ko ang nakapag-impluwensiya sa akin lalo na sa pagsasalita sa harap ng maraming tao. Mahilig gumawa ng tula o magbalagtasan ang tatay ko. Pinapatula niya sa akin ang mga gawa niya.

Dahil doon, nasanay ako sa pagsasalita sa harap ng maraming tao kasi tinuruan ako ng tatay kong magtula sa mga programa sa bayan. Kapag kinakabahan ako, pinapalakas niya ang loob ko. Tinuro niya sa akin ang tula ni Jose Rizal na “Huling Paalam”. Tinuruan din niya akong lumaban sa balagtasan. Sa magkakapatid kasi ako lang ang mahilig at may talino. Ang mga kapatid ko ayaw nilang tumutula-tula sa programa.

Sabi ko sa sarili ko noon, kung makakatapos ako ng pag-aaral, tatlong kurso lang ang pinagpipilian ko: titser, abogado o doktor. Gusto ko maging doktor dahil mahilig ako magdoktor-doktoran noong bata. Kapag nasusugatan iyung kapatid ko, ako ang naglilinis ng mga sugat, ako ang naglalagay ng band aid. Wala naman talaga sa akin nagtuturo papano iyun. Pero alam ko lang na tama ang ginagawa ko. Kaya sabi ko, sana makatapos ako ng pag-aaral. Kaso nga, hindi kaya ng magulang ko, kaya tumigil ako.

Hindi na talaga kinaya ng mga magulang namin ang ituloy ang pag-aaral namin kaya nagdiskarte na ako. Nag-volunteer teacher ako sa day care center sa amin. Nagturo ako ng pagbasa at pagsulat sa maliliit na bata. Mga 33 bata na may mga edad na 4, 5, 6 taong gulang. Ang bayad ng mga magulang sa akin ay piso kada buwan. Kapag nahirapan silang magsulat, hahawakan ko ang kamay nila para turuan papano magsulat nang tama. Hindi sa akin puwede na memoryahin lang ng mga bata ang mga letra. Dapat makilala nila ang bawat letra. Halimbawa, isusulat ko ang letra sa black board, dapat masabi nila agad kung anong letra iyun. Pagkatapos, sila naman ang tatayo sa harap at sasabihin ko ang letra, isusulat naman nila sa blackboard.

Tinuturuan ko din sila ng values tulad ng paggalang sa kanilang magulang at nakakatanda. Pinalaki kasi ako sa kulturang Espanyol kaya tinuruan ko rin sila ng pagrespeto sa mga magulang at nakakatanda.

Kapag ready na sila, mag-eenrol na sila sa mga eskuwelahan at ako pa mismo ang naghahatid sa mga ‘yan sa school nila sa Aurora Elementary School na dating San Andres Elementary School. May hinahanda ako na sertipiko para kapag graduation na, may katibayan sila na nag-aral sila sa day care. Ang tawag na dito ng mga bata at mga magulang ay Mameng’s Elementary School.

Nakakatuwa, kasi iyung ilang estudyante ko nag-enroll sa Ateneo. Tinanong sila ng pari: “Bakit marunong na kayo magsulat, saan kayo natuto, nakapag-aral na ba kayo”? Sagot ng estudyante ko: “Opo sa Mameng’s Elem. School”. Sabi ng Pari sa kanila, “Aba mayroon bang Mameng’s Elem. School?” Sabi ng mga bata, ”Opo doon sa may lugar namin”.

Ang kinikita ko sa pagtuturo ay binibigay ko sa mga magulang ko para sa gastusin sa bahay. Noong di na ako nagtuturo, tumanggap naman ako ng labada mula sa kapitbahay. 16 na ako noon.

Pag may bisita kami sa bahay, kailangang hahalikan mo ang kamay nila bilang respeto .Hindi rin kami pwedeng lumabas ng bahay nang hindi nagpapaalam. Hindi rin kami pinapayagang naglalakwatsa. Pag lumabas kami ng alas-kuwatro ng hapon, kailangang alas-sais, nasa bahay na kami. Dalawang oras lang ang lakwatsa. Kailangan ding bago lumabas ng bahay, tapos na ang kanya-kanyang gawain. Ako ang naatasang taga-linis, ‘yung kapatid tagaluto, iyung isa naman, tumutulong sa nanay ko sa paglalaba. Tatlo kami noon na malalaki na habang maliliit pa ang iba.

Ang turo ng tatay ko, kailangang malakas ang loob mo para mabuhay. Makipag-away kung kinakailangan at inaapi ka na. Huwag lang ikaw ang magsimula ng away. Pero kapag inaapi ka na at nasa tama ka, ke matanda o bata siya, lumaban ka at huwag kang uuwi dito na umiiyak kasi gugupilhin kita.

Naalala ko noong panahon ng pananakop ng Hapon, lumabas ang nanay ko kasama ng iba pang kapatid ko at nagpunta sa kapatid niya sa Sta. Ana. Pumunta naman ang tatay ko sa Tondo. Gera na noon. Nasira ang tulay ng Binondo. Hindi na sila makauwi sa amin. Naiwan ako kasama ng tatlo kong maliliit pang kapatid na lalaki sa aming bahay sa Anakbayan, Paco.

Katorse lang ako noon at kinailangang kong gumawa ng paraan para makakain kaming pagkakapatid. Nanguha ako noon ng mga tanim na puwedeng gulayin. Nilalaga ko lang ang mga talbos at nilalagyan ng asin para magkalasa. Paunti-unti lang ang kain namin ng kanin. Hanggang sa maubos ang mga talbos sa paligid namin, wala na akong mailuto.

Naglakad-lakad ako hanggang Rizal Memorial Park para maghanap ng makakain namin. Kinukuha ko lang ang mga tanim sa paligid para may malaga ulit ako pag-uwi.

Pati ang mga guwardyadong lugar tulad ng Singalong Church, pinapasok ko para lang makakuha ng gugulayin.

Pinasok ko din headquarters ng Hapon para lang magnakaw ng kakainin namin. Minsan, nang manguha ako ng makakain, narinig ko ang mga sundalong Hapon na paparating. Sabi ko “Naku, saan ako magtatago?” Nakakita ako ng drum na walang laman ng tubig.

Ang ginawa ko, inangat ko ang takip at mabilis na pumasok sa loob, dala-dala ang mga ninakaw kong pagkain. Nag-antay ako nang matagal hanggang umalis sila. Nang marinig kong wala ng ingay, lumabas na ako sa drum. Hindi ko namalayan na may sundalong Hapon na naiwan. Takbo ako papalayo, pero hinahabol niya ako. Pumasok ako sa simbahan ng Singalong at nagtago sa ilalim ng altar. Nasundan ako ng Hapon sa loob at pinaghahanap niya ako. Nang hindi niya ako makita, lumabas na siya ng simbahan, pero ako matagal bago nakalabas sa simbahan. Mahirap na kasi baka inaabangan pala niya ako sa labas. Hanggang sa nakauwi na ako at nakakain na kami. Ganun ang gawain ko nang tatlong taon din. Nagnanakaw ako ng pagkain kasi naaawa ako sa maliliit kong kapatid kapag nagugutom. Matagal bago nakabalik ulit ang mga magulang ko dahil matindi ang gera noon.

Nang nakabalik na sila, wala ng trabaho ang tatay ko. Ang ginawa ng nanay ko, magluto na lang ng kakainin at inilalako ito. Naglako din ako ng isda para may pandagdag.

Nang lumaki na ang mga kapatid ko, naghanap na rin sila ng mapagkakakitaan para makatulong sa mga magulang namin. Pero kahit sobra kaming kumayod araw at gabi, kapos na kapos pa rin kami. Nakakalungkot ang buhay namin.

Noong panahong iyon, may organisasyon sa simbahan: Legion of Mary, na nagrerekrut ng mga kasapi. Nirekrut ako na pumasok sa kanila. Sinubukan ko naman, bakasakali dito ko matagpuan ang kasagutan.

Mula sa FB page na Carmen “Nanay Mameng” Deunida

Pagpapamilya

Noong umalis kami sa Anakbayan, Paco, tumira kami sa Malate. Nagpagawa ang tatay ng maliit lang na tirahan namin. May dalawang bahay lang mula sa bahay namin nakatira si Mariano ang napangasawa ko. Komo kapitbahay, nagkakilala kami.

Noong una, maganda ang pakikitungo niya. Nagpakita siya ng kabaitan sa tatay ko kaya naman nagustuhan din ng tatay ko ang ugali niya. Lagi siyang nasa bahay namin at pinapakain naman ng tatay ko kahit na kapos na nga kami at simpleng simple lang ang pagkain namin. Kahit mahirap kami, mabait ang tatay ko sa tao. Hindi pa inoobliga ng tatay ko na maghugas sila ng pinggan o maglinis pagkakain. Ipinapaubaya na sa amin ang mga gawaing iyun.

Akala ko, mabait talaga siya. Kaya nang ligawan ako, pumayag naman ako hanggang sa nagsama at nagpakasal na nga kami noong taong 1946. Mga 19 anyos ako noon, siya naman ay 20.

Pagkatapos ng dalawang buwan, lumabas na ang natural na ugali niya. Doon kami tumira sa kanila sa Malate, Leveriza kasama ng nanay at mga kapatid niya. Tapos na ang kontrata niya sa konstrukisyon at hindi na siya makahanap ng trabaho. Mainit lagi ang ulo. Binugbog niya ako.

Simula noon, hindi na talaga siya naghanap ng trabaho kahit noong nagkaanak na kami. Inaantay na lang niya ang tawag ng kontratista nila. Paano ko mapapakain ang mga anak ko? Gumawa ako ng paraan. Naglabandera ako. Mahirap kasing hindi naman madali pakainin ang siyam na anak. Namatayan na ako ng dalawang anak. Nagkasakit ang isa kong anak kasi may tubig sa ulo. Ang isa naman, aksidenteng nakainom ng chlorox sa kapitbahay.

Kailangan ko talagang gumawa ng paraan. Kahit may trabaho siya sa konstruksiyon, hindi siya nag-iintrega ng sahod sa akin. Ibinibigay niya ang sahod niya sa nanay niya. Pero ako lahat ang nagtatrabaho sa loob ng bahay nila mula sa paglilinis, pagluluto, paglalaba at pag-aalaga ng mga anak ko at tatlong kapatid ng asawa ko na maliliit pa. Kahit isang pera, hindi ako nabahaginan ng sahod ng asawa ko.

Noong magkaanak na kami taong 1949, ganoon pa rin. Wala akong natatanggap mula sa asawa ko. May minsang nagbigay siya ng pera, pero hinati pa niya sa akin at sa nanay niya. Pero doon sa ibinigay niya sa akin, doon pa kukunin ang pamasahe niya papunta sa trabaho, pang-inom, pang-sigarilyo. Halos wala ring natitira sa akin noon. Apat na ang anak namin noon na may tatlong taon ang pagitan ng bawat isa.

Naging mananahi din ako sa maliit lang na pagawaan ng baby dress. Doon, naging tagaplantsa din ako ng baby dress. Maliit lang kasi ang kinikita ko sa paglalabada kaya naisipan kong matuto manahi para malaki-laki ang kitain at marami ng ang anak na pakakainin: pitong anak na lalaki at dalawa anak na babae. Mahigit isang taon din ako nagtrabaho doon sa pagawaan sa Sta. Ana. Labindalawa kaming manggagawa doon.

Simula’t sapul ako lang talaga ang sobrang kayod para sa mga anak ko kaya hindi talaga kinaya. Nalulungkot ako na wala man lang ni isa sa kanila na nakatapos sa pag-aaral. Lahat sila, nakapag-hayskul naman. Pero isa lang ang nakapagtapos sa hayskul.

Kapag nagreklamo ako, sinasaktan niya ako. Hinayaan ko noong una dahil sabi sa akin ng tatay ko, “Huwag kang lumaban sa asawa mo. Huwag ka nang kumibo” . Pero may hangganan din ang pagpapasensiya. Nang hindi ko na matiis, nagreklamo na ako sa presinto. Alam mo ang sinabi sa akin ng pulis? “Nanay hindi namin puwdeng pakialaman ang away ninyo kasi away mag- asawa yan.”

Ang pinakamatindi sa pambubugbog niya sa akin ay nangyari ng isang araw na naghanap siya ng masarap na ulam. Nagsasaing ako noon. Hindi na niya inantay ang sagot ko. Bigla na lang nagalit at sinuntok ako sa tiyan at tinadyakan. Sa sobrang lakas ng tadyak niya, bumagsak ang sahig naming sira-sira na at nahulog kaming pareho sa ilalim ng bahay namin. Nakatayo din agad ako at wala namang baling buto. Pero grabe ang pangyayaring iyun.

Hindi ko natiis at nagsumbong ako sa tatay ko. Sabi ng Tatay, “Baka ikaw ang may pagkukulang?” Sagot ko naman, “Hindi ko na alam ano pa ang pagkukulang ko kasi lahat nagawa ko na.” Ipinakita ko ang mga pasa ko. Doon na nagalit ang tatay ko.

Inaagrabyado na talaga ang anak niya. Kinausap ng tatay ko ang asawa ko at tinanong bakit may mga pasa ako. Sinagot naman ng asawa ko nang pabalang. Sinigawan ng tatay ko ang asawa ko at hinabol siya ng itak. Mabuti, nakatakbo siya ng mabilis at nakatago sa bahay nila kundi patay siya noon. Hinabol pa rin siya ng Tatay pero itinago na ang asawa ko ng nanay niya kasi takot din sa kung anong puwedeng mangyari.

Magbuhat noon ayaw na ng tatay ko bumalik pa ako doon sa asawa ko. Tumira ako kasama ng mga anak ko sa aming dating bahay nang tatlong buwan.

Nang maglaon, kinausap niya ang Tatay at humingi ng tawad. Ang Tatay, komo mabait nga na tao, pinatawad naman siya. Kinausap ako ng Tatay na bumalik na sa bahay ng asawa ko. Sumunod naman ako sa payo ng Tatay. Akala ko magbabago na ng ugali ang asawa. Nagkamali kami ng akala ng Tatay.

Naging mas masahol pa ang ugali niya kasi natuto siyang mambabae. Laging nasa inuman kasama ng mga babae niya at dinadala pa niya sa bahay. Ang masaklap, may inuwi talaga siya sa aming bahay at doon na pinatira kasama namin ng mga anak niya. Imbes na sawayin ng biyenan ko, kinukunsinti pa. Grabe iyun, kasi tabi-tabi kami sa pagtulog. Nasa gitna siya namin ng babae niya. Mahigit isang taon na ganoon.

Hindi ko na masumbong ulit sa Tatay kasi alam ko na kapag nalaman ng Tatay, makakapatay na siya ng tao. Matanda na ang Tatay. Ayaw kong makulong pa siya dahil lang sa asawa kong walang kuwenta. Tiniis ko na lang ang lahat hanggang sa nadagdagan pa ang anak namin. Pero hindi rin tumagal, inaway ko na ang babae niya at pinalayas ko na sa bahay namin.

Bumagsak ang mundo ko nang mamatay si Tatay noong 1949, 21 anyos ako noon.

Nang magtrabaho naman ang asawa ko sa Navotas sa pagawaan ng papel, naging kabit din niya ang katulong ng may-ari ng pabrika. Tuwing Linggo, pinapaplantsa niya sa akin ang damit niya kasi may lakad daw siya. ‘Yun pala, mamamasyal sila ng kabit niya. Nang malaman ko, kinumpronta ko siya. Sabi ko sa kanya, “Nakarating na sa akin na may babae ka pala sa pinapasukan mong pabrika. Bakit hindi pa kayo magsama para babalik na kami sa mga magulang ko”. Itinanggi niya ang paratang ko. Sa galit ko, pinagsama-sama ko lahat ng mga damit niya – marumi, malinis, basa, tuyo, – inilagay ko lahat sa isang bag tapos ilinagay ko sa ibaba ng bahay.

Kinausap ko rin ang babae niya. Nagpasama ako sa kumare ko at kinaibigan namin ang babae. Nagkunwari ako na kapatid ni Mariano. Sabi ko sa babae, “Nakukuwento ka ng kuya ko at sabi niya sana magsama na raw kayo. Ang sagot niya sa akin, “Naku, ayaw ko sa kuya mo, kasi kapag nalalasing, nahihiga sa kalsada.”

Pag-uwi ko sinabi ko sa asawa ko ang sinabi ng kabit niya. Ang sagot niya lang sa akin ay “E wala naman akong babae”. Sabi ko sa kanya, “Gusto mo sumama ka sa akin at kausapin natin?”

1970s na pero ganun pa rin ang asawa ko. Walang pagbabago. Kailangan ko talagang kumayod sa paglalabada para kumain ang mga anak ko. Nililibang ko rin ang sarili ko kaya sumali ako sa mga organisasyon tulad ng kursilyo. Kasama rin ako sa choir. Habang nagpapraktis kami ng kanta, dumating ang asawa kong lasing at sumigaw, “Kayong mga kursilyong pansit! Pagtatagain ko kayo!” Sinigawan ko din siya, sabi ko, “Sige, subukan mo. Tatawag ako ng pulis at ipahuhuli kita.” Natakot naman at nagtatatakbo at nagtago sa bahay ng tiyahin niya. Nang tinanong ko sa tiyahin niya kung asan nia, sabi wala raw dun, pero alam ko dun siyu nagtatago.

Doon na ako nagdesisyon na wala na talagang pag-asang magbago ang lalaking ito. Mas mabuting maghiwalay kami. Hindi ko na rin siya pinapakain. Ang iniintindi ko lang ay ang mga anak ko. Wala na kaming pakialamanan.

Magkahiwalay kami ng tinutulugan at hindi ko na talaga siya pinapansin. Ayoko na nakikita ko siya kaya may hiwalay na kuwarto siya sa baba, sa may hagdanan namin. Gusto na niya makipagbati sa akin, pero ayaw ko. Minsan nag-iigib ako sa baba. Ang ginawa niya kinuha niya ang timba para buhatin. Pinalo ko nga ang kamay niya. Sabi ko, “Hindi ko kailangan ang tulong mo. Kaya kong buhatin yan.”

Si Nanay Mameng, kanan, kakapitbisig ang aktres na si Nora Aunor, noong EDSA Dos, na nagpatalsik kay Pangulong Estrada sa poder, taong 2001. Larawan mula sa librong Edsa Dos: A Nation in Revolt

Pakikilahok

Noong pumasok ako sa Kadena (Kabataan para sa Demokrasya at Nasyunalismo) noong 1970s. Minsan, nagkaroon ng pulong sa bahay. Pagkatapos ng pulong namin at nakaalis na ang mga kasama ko, galit na galit siya. Siguro may narinig siya sa mga pinag-usapan namin. Ipahuhuli raw niya ako sa pulis. Sabi ko, “Sige ipahuli mo ako, pero kumuha ka sa Crame ng dalawang batalyon kasi kung paisa-isa o dalawa lang na pulis, madali namang matakasan yan, di yan uubra sa akin hindi ako natatakot. Pinaalala ko sa kanya, “Di ba wala na tayong pakialamanan? Ito ang kasunduan natin. Wala ka ng pakialam sa akin kung ano man ang gawin ko at kung saan man ako magpunta. Ganoon din ako sa iyo.

Magmula 1970, hindi na talaga kami nag-uusap kahit magsalubong kami sa hagdanan. Hindi ko siya tinitingnan, bahala siya sa buhay niya. Naospital siya nang tatlong beses, ni minsan hindi ko siya dinalaw. Sabi ng isang anak ko sa akin, “Nay dalawin mo naman daw si Tatay.” Sabi ko, ayaw ko! Pinapakiusapan ako ng mga anak ko. “Sige na, ‘Nay, kasi baka ito na ang huling oras niya, patawarin mo na po siya.” Sabi ko, sige mapilit kayo pinapatawad ko na siya, pero ganoon pa rin ang aming usapan: Walang pakialaman walang kibuan at di ko siya dadalawin kahit ano ang mangyari.

Noong 2008, nadisgrasya siya, nabangga ng Elf. Mayabang at nakikipag-unahan kasi habang nagbibisikleta kaya, ayun, nabangga. Hindi na siya makatayo ngayon. Tinamaan kasi ang kanan niyang binti. Dinala naman siya ng mga anak ko sa Orthopedic at linagyan ng bakal. Kahit isang pera hindi ako nagbigay at hindi ko siya dinalaw hanggang sa makalabas na siya ng ospital. Ngayon, nakasaklay na siya lagi.

Ilang beses niya ako sinuyo ulit para magkaayos daw kami pero ayaw ko na talaga. Humihingi siya ng tawad. Para sa akin, madali lang magpatawad. Pero ang lumimot sa mga hirap at sakit ng mga nagawa niya sa akin, ‘yun ang masakit. Ipinaliwanag ko na rin sa mga anak ko ang aking palagay sa bagay na ‘yan. Malalaki na rin kasi sila nang maghiwalay kami. Ang bunso ko noon, dalagita na nang kami ay tuluyan nang nagkalabuan.

Pinalaki ko ang mga anak ko sa pangaral. Sabi ko sa kanila, ang buhay natin ay napakahirap kaya huwag kayong maghanap ng kung anong luho. Kung anong mayroon natin diyan, pagtitiisan natin dahil mahirap talaga ang buhay. Pero kahit mahirap tayo, ayaw ko mamalimos kayo at gumawa ng hindi maganda. Mahigpit ako sa kanila. Madisiplina ako sa mga bata. Puwede naman sila maglaro, pero ayaw kong gumagala sila kapag disoras na nga gabi. Pinagbabawalan ko sila na makipabarkada sa mga kabataang gumagawa ng masama doon sa amin. Tinuruan ko din sila ng mga gawain sa bahay. Ang mga anak ko babae man o lalaki, marunong sila sa gawain sa bahay.

Wala akong anak na lasenggo at basagulero. Namamalo ako kapag kailangan. Kahit isa lang ang nagkamali sa kanila pinaparusahan ko lahat kaya takot sa akin ang mga anak ko. Ito ang natutunan ko sa tatay ko. Nakita ko kasi kaming magkakapatid, disiplinadong kumilos. Matino kaming magkakapatid kaya naging istrikto rin ako sa mga anak ko.

Maayos ko silang napalaki. Tinutulungan nila ako sa paghahanap-buhay kahit na maliliit pa sila noon. Namumulot sila ng basura, bakal at ibinibenta sa junkshop. Maliit lang naman ang kinikita nila pero ganun din ako sa paglalabada kaya pinagsasama-sama na lang namin para makaraos kami. Kahit istrikto ako, masasabi ko na maganda ang relasyon ko sa mga anak ko.

Mahirap ang buhay namin mula noon hanggang ngayon. Ngayon, hindi rin ako makahingi ng tulong sa mga anak ko dahil nauunawaan ko may mga pamilya na rin sila. Hindi rin regular ang kanilang mga trabaho, maliit lang ang suweldo. Natutuwa ako na may mga apo ako ngayon na nasa kolehiyo. Pero hirap na hirap din ang kanilang mga magulang. Baon sila sa utang para lang makapag-aral ang aking mga apo. Desidido rin silang mag-aral at iniiyakan pa nila ang kanilang mga magulang dahil ayaw talaga nila matigil sa pag-aaral.

Kahit hindi talaga naging mabuting ama ang asawa ko sa mga anak namin, mabait pa rin sa kanya ang mga anak namin. Hindi sila nagtatanim ng sama ng loob. Binabati pa rin nila ang tatay nila at inaasikaso. Ngayon na pilay na siya at hindi na makalakad, umaasa na lang siya sa tulong ng mga anak namin. May sustento siya galing sa mga anak niya at pati sa kapatid niya. Ang anak namin na nagtatrabaho sa Nawasa, iyun ang nagpapakain sa kanya. ‘Yung isang anak naming kontraktuwal sa embassy, nag-aabot din ng makakaya niya sa tatay niya. ‘Yung anak naming janitor sa Burgundy, Katipunan binibigyan niya ang tatay niya ng P500 kada buwan. Ako naman inaabutan din niya P1,500 kada buwan. Hindi ako humihingi sa mga anak ko kasi may mga sariling buhay na sila. Kung magkano lang ang iabot nila, tinatanggap ko. Mahirap nga lang kasi nahihirapan ang anak ko bunso na nakatira kasama namin kasi yung mga bills sa ilaw at tubig — siya at ako pa rin ang nag-iintindi.

Sa isa sa mga rali kontra demolisyon noong 2011. PW FIle Photo

Paano namulat

Noong 1960s, wala pa masyadong isyu ng demolisyon sa buong Pilipinas pero doon sa amin nagkaroon ng banta.

Sa lugar namin noon, nagbabayad kami sa City Hall ng Maynila ng apat na piso kada buwan bilang renta sa lupa. Ngayon gusto na raw ibenta ng City Hall. Mahigit 120 pamilya kami doon. Pero biglang isang araw, may dumating na demolition team sa lugar namin. Hindi kami makakapayag. Hindi ako makakapayag na mademolis kami kaya pinangunahan ko ang barikada at hinarap naming mga residente ang ang demolition team. Sabi ko sa kanila, ”Bakit n’yo kami pinapaalis dito? Sino ba ang may-ari nito? Mula’t sapul dito na kami nakatira tapos bigla na lang kayo darating at paaalisin n’yo kami?” Palaban kami talaga.

Nakarating ang pangyayaring ito sa isang konsehal, si Pabling Ocampo. Tinulungan niya kami huwag mapaalis. Naglakad kami ng mga papeles ng lupa sa National Housing Authority (NHA) at City Hall. Nalaman namin na ang mga kasamahan din namin sa komunidad na may mga kaya – ibig sabihin mayayaman naming kapitbahay — ang gustong mademolis ang community para siguro matayuan nila ng kanilang mga negosyo. Siguro inalok nila ang City Hall ng mas mataas na renta sa lupa.

Wala pa kaming organisasyon noon, basta nagkasama-sama lang kami dahil sa isyu sa amin. Nagkasu-kaso kami. Kasama ako sa humaharap sa kanila. Napapagitnaan ako ng mga kasamahan namin. Nasa harap namin ang kalaban. Ang tawag sa akin doon, “amazona” kasi talagang mataas ang boses ko nasisindak ang mga kalaban sa akin. Sabi ko sa kanila, ”Wala kayong karapatan na palayasin kami dahil hindi ninyo pag-aari ang lupa. Lupa ng gobyerno ang kinatitirakan ng mga bahay natin.” Sabi ko pa, “Papayag ako makulong, basta kasama ko sila. Sabay-sabay kaming makukulong. ”

Minsan naman may dumating mula sa City Engineer’s Office at nagsukat. Sabi ng nakakita, ”Uy, alisin mo ‘yan at baka makita kayo ni Aling Mameng, lagot kayo wawasakin niya yan.” Tamang- tama ang dating ko, sabi ko sa kanila, ”Ano yang ginagagawa niyo?” Sagot nila sa akin, ‘Susukatin lang po”. Sagot ko naman, ”Sige ituloy mo ‘yan at babaliin ko ‘yan ngayon. Kung gusto niyo magsukat, huwag lupa ang sukatin ninyo, sukatan niyo muna ako ng ataul.”

Hindi talaga natuloy ang demolition kasi matindi talaga pagtutol namin hanggang sa nadismiss na ang kaso.

Pagkatapos noon, mayroon na namang balita na bibilhin ito ng La Salle, kaya ‘yung mga kasama naming may kaya nagsibilihan na ng lupa sa Cavite. Napintasan ko ang mga tao kasi ang iba ayaw makialam. Ang iba naman, takot ipaglaban ang karapatan nila sa lupa. Sabi ko sa kanila, “Ang takot, nasa isip lang ‘yan. Hindi na tayo mga bata para takutin o matulog ka na kundi kukunin ka ng aswang.” Sabi ko sa kanila, ”Wag tayong matakot, lumaban tayo para sa ating karapatan. ‘Wag din tayo walang pakialam na lang. Dapat isipin n’yo rin na ang buhay namin ang nakataya rito sa laban na ito at sino ang makikinabang, kami lang ba? Lahat tayo dito hindi ba?”

Kapag nakikipaglaban tayo para sa bayan, hindi lang para sa atin ang inilalaban natin kundi para sa sambayanan. Paano mapapatalsik ang korap at berdugong Pangulo kung isang daan o isanlibo lang ang kumikilos? Habang marami ang militar at kasapakat ng gobyerno na mga bayaran. Magtatagumpay ba kung ganyan? Kung magkakaisa tayo, mas malakas at magagapi natin ang kaaway.

Taong 1970, doon sa aming komunidad sa Malate na linipatan namin pagkatapos ng giyera, natagpuan ko ang sarili ko kasama ng isang grupo ng kabataan. Doon sila nagpupulong sa bahay namin. Nakikinig ako habang nag-uusap sila. Sa isip ko noon, baka dito ko matagpuan ang kasagutan. Tinanong ko sila kung puwede sumali sa organisasyon nila. Sabi nila, ”Nanay, organisasyon ito ng kabataan. Tsaka ‘Nay, sasama ka rin sa rali? Sinagot ko siya na gusto ko talagang sumali at matuto kaya pumayag na rin sila.

Sumasama ako sa mga rali, ED (educational discussions), conference. Kasama ako sa mga aktibidad ng Kadena. Gusto ko nasa unahan ako ng rali pero ayaw ng mga kabataan kasi raw baka mapukpok ako kaya ilinalagay ako sa likod. Pero maya-maya kunwari magsi-CR ako, pero pupuslit na naman sa unahan. Napapailing na lang ang mga kabataan sa akin. ”Naku, nanay, ang tigas ng ulo n’yo.” Sabi ko naman, “Ayaw ko sa likod kasi di ko marinig ang sinasabi dito sa unahan.”

Noong 2009, kinilala ng Gabriela si Nanay Mameng bilang isa sa mga natatanging lider-kababaihan ng bansa. PW FIle Photo

Bilang kababaihang lider

Taong 1983, naitayo na noon ang Samakana (Samahan ng Maralitang Kababaihang Nagkakaisa). May isang miyembro na pumunta sa amin at kinausap niya ako. Nagtanong siya kung may asawa na raw ako at ano ang ginagawa ko. Sabi ko, ”May asawa na ako at wala akong fixed na trabaho.” Nagpunta raw siya sa amin para alamin ang kalagayan ng kababaihan. Sabi ko, ”Ang alam ko, maraming kababaihan dito ang nabubugbog pero hindi makareklamo dahil ang kinagisnan nating kultura ay kulturang Kastila: ang mga babae ay under ng mga lalaki.” Sabi ng kausap ko, ”Ang galing mong magsalita, nanay.” Palagi kasi akong may sagot sa mga tanong niya. Simula noon, lagi na nila akong sinasama-sama.

Kaya nang magkaroon ng eleksiyon noong 1984, ako ang nahalal na chairperson ng Samakana hanggang 1997. Ang mga kampanya namin noon ay laban sa pambubugbog ng asawa at para sa pantay-pantay na karapatan ng babae at lalaki. May mga area na pinupuntahan ko na may mga isyung pangkababaihan tulad ng pambubugbog sa kanilang asawang babae. Nang magbigay ako ng pananalita sa kanila, naliwanagan sila ng kanilang mga karapatan at ang iba nakipaghiwalay na sa kanilang mga asawa.

Matagal akong naging lider ng Samakana hanggang sa nirequest naman ako ng Kadamay (Kalipunan ng Damayang Mahihirap) dahil kailangan rin nila ng mass leader. Nakita kasi nila na ipinaglalaban ko talaga ang mga maralita. Lumalaban talaga ako sa mga demolisyon ng mga komunidad. Naging chairperson ako ng Kadamay noong 1997 hanggang sa ngayon (2008).

Para sa akin, ang isang tunay na lider ay marunong makinig at makipag-usap sa mga tao. “Ano ang ating gagawin kapag may isyu?” Kinokunsulta ang mga tao, hindi ‘yung nagsosolo.

Sa pagsasalita naman sa harap ng maraming tao, dapat malaman mo ang audience mo. Saan sila nagmula?Ano ang pagkilos na kailangan?

Naiimbita ako’t nagsasalita sa mga kumperensiya dahil sa isyu ng kababaihan at mga demolisyon sa mga komunidad. Nagpapaliwanag ako sa mga tao tungkol sa mga isyu. Kaya ko sila nahahamig kasi totoo ako sa sinasabi ko. Tuwing may rali nga, ilinalagay ako doon sa bahaging pang-agit (ahitasyon). Naantig kasi sila sa sinasabi ko. Ang sikreto lang doon ay sinseridad. Tumatagos kasi sa puso nila ang mga sinasabi ko.

Kahinaan at limitasyon

May kahinaan din ako bilang lider. May mga hindi ako madaluhan na mga pagkilos/aktibidad dahil sa problema ng mga anak at apo ko. Ang kasama ko ngayon ay dalawang apo ko at isang anak. May mga problema ang mga anak ko, kaya siyempre, apektado din ako. Noong isang araw, ang anak ko na nakapangasawa ng drayber na taga-Nueva Ecija, binalitaan ako na nakalunok ng piso ang apo ko. Mag iisang buwan na, pero di pa lumalabas sa bituka. Kailangang dukutin sa hospital kasi delikado na. E walang wala naman silang pera, kaya ako talaga ang namomroblema para sa kanila.

Kapag nasa bahay ako, namomroblema ako sa mga apo ko kaya nahirapan akong kumilos.

May kahinaan na rin ako sa pangangatawan kasi tumatanda na. May sakit na ako sa puso (heart enlargement) pero malakas lang talaga ang loob ko. Wala rin akong perang pampagamot kaya hindi rin makapag-maintenance. Sabi ng doktor, magpa-ultra sound raw ako, pero wala naman akong pera.

Sabi ng mga kasamahan ko, hinay-hinay na lang ako kasi nga may sakit na ako. Hindi na ako binibigyan ng mabibigat na trabaho pero kapag ganun parang wala na akong saysay kaya ayaw ko. Hangga’t kaya ko pa naman. Malakas ang loob ko.

Pagdiriwang ng Kadamay sa ika-87 kaarawaan ni Nanay Mameng noong 2015. Mula sa FB Page ng Nanay Mameng, Isang Dula

Perspektiba sa hinaharap

Ang pangarap ko talaga mabago ang kalagayan ng mga mamamayang Pilipino lalo na ang mahihirap. Naaawa ako sa kalagayan namin, pero mas naaawa ako sa kalagayan ng nakararaming maralita. Ako, hindi ako basta basta napapaiyak, pero kapag nakakakita ako ng mga natutulog sa kalye at ang mga walang makain, napapaiyak ako. Gigil na gigil ang kalooban ko at sumisigaw ng bakit? Kaya gusto ko talagang ipaglaban ang karapatan ng mga maralita. Hindi ako papayag na ganun na lang at hindi na kikibo.
Kaya noong ako ay nasa kadamay na ako, lalo pang naging mas matindi ang aking pakikipaglaban para sa karapatan ng mga maralita.

Ang gusto ko talagang mangyari ay mapalaya ang mga mamamayan mula sa kanilang kahirapan at mapalaya rin ang bansang Pilipinas mula sa pangongolonya ng ibang bansa.

Naalala ko noong 1946, ang sabi’y mayroon na tayong demokrasya. Pero ang tanong ko, nasaan ang demokrasyang iyan? Bukambibig lang ang demokrasya, pero ang totoo wala tayong demokrasya. Hanggang ngayon, sinusupil tayo.

Kapag nagrarali tayo para iparinig sa kanila ang ating mga hinaing, ano ang ginagawa ng mga militar at ng mga pulis? Hinuhuli tayo, hinaharang, sinasaktan. At ang mga aktibistang tulad ko ay pinapatay. Sa ngayon, napakarami nang pinatay na mga aktibista.

Kaya matindi ang pagsupil ng pamahalaan. Sa lipunang ito, sinusupil ang karapatan mong sumigaw ng mga karaingan mo at ipaglaban ang karapatan mo. Ang pangarap ko ay magkaroon ng tunay na demokrasya.

Ang mga anak ko, pinagsasabihan ako, ”Nanay, tumigil ka na kasi 80 years old ka na. Matagal ka nang nakikipaglaban magmula pa ng panahon ni (dating pangulong Ferdinand) Marcos pero hanggang ngayon wala pa ring nangyayari. Ang sagot ko sa kanila, ”Papaanong may mangyayari, hindi lahat ng mga mamamayan, lumalaban. Hindi lahat ng mga mamamayan, nakikiisa. Marami ang natatakot. Marami ang ayaw makialam. Kasi kung tayong lahat ay magkakaisa, walang magagawa ang mga militar. Kahit sila marami dahil mas malakas ang nagkakaisang mga mamamayan. Ang lakas ay nasa ating pagkakaisa.

Maski mga press, tinatanong ako, ”Nanay kailan ka titigil? Matanda ka na Nanay”. Ang sagot ko sa kanila, ”Titigil lang ako kapag nasa loob na ako ng isang kahon. Doon lang. Pero hangga’t ako ay may lakas, hangga’t naigagalaw ko ang aking mga paa, hangga’t magagawa kong kumilos, kikilos at kikilos ako. Hindi ako susuko. Dahil kung susuko tayo, lalong walang mangyayari sa atin. Hindi uunlad ang ating buhay at lalo tayong mananatiling api-apihan. Mananatili ang pagyurak ng ating karapatan pati na ng ating karangalan.