P6,000 dagdag-suweldo, iginiit ng mga kawani ng Senado


Iginiit ng mga empleyado sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang panawagan ng mga kawani ng gobyerno para sa P6,000 na dagdag sa kanilang buwanang suweldo.

Consultative meeting na isinagawa ng Sandigan ng mga Empleyadong Nagkakaisa sa Adhikaing ng Demokratikong Organisasyon (Senado), unyon ng mga empleyado sa Mataas na Kapulungan (Senate). (Kontribusyon)
Consultative meeting na isinagawa ng Sandigan ng mga Empleyadong Nagkakaisa sa Adhikaing ng Demokratikong Organisasyon (Senado), unyon ng mga empleyado sa Mataas na Kapulungan (Senate). (Kontribusyon)

Iginiit ng mga empleyado sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang panawagan ng mga kawani ng gobyerno para sa P6,000 na dagdag sa kanilang buwanang suweldo.

Sa isang konsultatibong pulong, ipinagtibay ng Samahan ng mga Empleyadong Nagkakaisa sa Adhikain ng Demokratikong Organisasyon (Senado), ang unyon ng mga empleyado sa naturang ahensiya, ang paggiit sa matagal nang ikinakampanyang dagdag sa kanilang suweldo.

Anila, matindi na ang pang-ekonomiyang krisis na nararanasan ng mga empleyado.

“Sa ngayon, kahit na may full implementation ng Salary Standardization Law 3 sa 2012, aabot lamang sa P9,000 ang minimum pay (ng mga kawani),” paliwanag ni Rosel Eugenio, presidente ng unyong Senado.

Sinabi pa ni Eugenio na malayo ito sa tinataya ng gobyerno na Family Living Wage na P29,640 kada buwan. “Ang abang kalagayan ng mga empleyado ng gobyerno: ang take home pay namin ay hindi na kami naidadala sa bahay,” sabi pa niya.

Samantala, nakiisa ang mga senador na sina Jinggoy Estrada, Ramon “Bong” Revilla Jr. at Antonio Trillanes III sa naturang panawagang dagdag-suweldo ng mga empleyado.

Si Ferdinand Gaite ng Courage, (kanan) kasama ang mga lider-unyon mula sa iba't ibang ahensiya ng gobyerno. (Kontribusyon)
Si Ferdinand Gaite ng Courage, (kanan) kasama ang mga lider-unyon mula sa iba't ibang ahensiya ng gobyerno. (Kontribusyon)

Nagsumite si Revilla ng Senate Bill 2928, o “An Act Providing for a P6,000 Increase in the Minimum Pay of Employees and Workers in the Public Sector Nationwide and for Other Purpose.” “Lahat ay may karapatan sa equal pay para sa equal work, nang walang diskriminasyon,” sabi ni Revilla.

Sang-ayon naman si Trillanes na pahayag ng mga kawani na hindi sapat ang dagdag-suweldo sa Salary Standardization Law 3 na matagal nang dapat ipinatupad ng gobyerno. “Hindi ito (SSL3) sapat para matugunan ng mga empleyado ang mga pangangailangan nila. Mayroon ding iba pang mga isyu, tulad ng underpayment ng mga suweldo at security of tenure na patuloy na nagpapahirap sa ating mga lingkod-bayan,” pahayag ni Trillanes.

Sinabi ng unyong Senado at iba pang unyon ng mga empleyado ng gobyerno na magsasagawa sila ng signature drive sa kanilang hanay para suportahan ang naturang panukala.

Sa Department of Transportation and Communication (DOTC), tinatayang makakakolekta sila ng 10,000 pirma, ayon kay Edgar Anas, presidente ng National Employees’ Association for Transportation Security (Neats), unyon ng mga empleyado sa DOTC.

Maliban sa Senado at Neats, dumalo rin sa consultative meeting ang mga pambansang lider ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage), gayundin ang mga lider-unyon ng Sweepstakes Employees Union, Commission on Appointments Employees Union, Bureau of Corrections Employees Union, at Department of Foreign Affairs Personnel Union.