10 taon ng VFA: Pinas di mas ligtas –Bayan


Sinalubong ng protesta ng Junk VFA Movement, Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), Gabriela, at iba pang mga grupo ang 10 taong anibersaryo ng Visiting Forces Agreement (VFA) noong Mayo 27, tatlong araw bago ang napapabalitang pagbisita ni US Defense Secretary Robert Gates sa Pilipinas. Nagmartsa ang mga demonstrador mula Kalaw at Taft Ave. patungo sa Rajah […]

Sinalubong ng protesta ng Junk VFA Movement, Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), Gabriela, at iba pang mga grupo ang 10 taong anibersaryo ng Visiting Forces Agreement (VFA) noong Mayo 27, tatlong araw bago ang napapabalitang pagbisita ni US Defense Secretary Robert Gates sa Pilipinas.

Nagmartsa ang mga demonstrador mula Kalaw at Taft Ave. patungo sa Rajah Sulayman Plaza sa Roxas Boulevard sa Maynila. Bago magmartsa, nagsunog sila ng watawat ng Estados Unidos bilang simbolo ng protesta sa diumano’y panghihimasok ng US sa bansa.

Ayon kay Renato Reyes, pangkalahatang kalihim ng Bayan, “Sampung 10 matapos ang VFA hindi mas mabuti o ligtas ang Pilipinas. Ang nangyari, nilalabag ang soberanya ng bansa ng presensiya ng dayuhang mga sundalo. Ang nangyari ay mga kaso ng panggagahasa, paglabag sa karapatang pantao, at korupsiyon.”

Sa ilalim rin umano ng VFA, hindi na “bumibisita lamang” ang mga tropang Kano, kung pagbabatayan ang pamamalagi nila sa bansa.

Inihalimbawa niya ang Joint Special Task Force Philippines na naka-base sa Camp Navarro, Zamboanga City, na may namamalaging rotating batch ng 200-300 sundalong Kano.

Ayon naman kay Joms Salvador, tagapagsalita ng Gabriela, bago pa man niratipika ang VFA noong 1999, nagbabala na ang grupo na magdudulot ng maraming krimen ang nasabing kasunduan. “Hindi kami nagkamali,” aniya.

Kabilang sa mga krimeng tinutukoy, noong nakaraang anim na buwan pa lamang, ang pagkamatay ng isang bata sa Bicol sa clearing operations para sa Balikatan, pagpapawalang-sala sa rapist na si Lance Cpl. Daniel Smith, panggagahasa ng isa pang sundalong Kano kay “Vanessa,” at persekusyon ni Navy Lt. Sg. Nancy Gadian na nagsiwalat sa pangungurakot diumano sa pondo ng Balikatan.

Sinabi ni Salvador na hindi maaaring magpatuloy ang panggagahasa ng kababaihan at soberanya ng bansa.

“Ang pinakamataas na hustisya para sa mga Pilipinong nabiktima ng mga tropang Kano ay ang pag-alis nila sa bansa,” aniya.