Anti-planking na kongresista sumuporta sa P125 dagdag-sahod
Pinuri ng Kilusang Mayo Uno (KMU) si Rep. Carlos Padilla ng Nueva Viscaya at Quezon City Rep. Winston “Winne” Castelo sa pagbibigay suporta sa House Bill 375, na mas kilala bilang panukalang batas na P125 across-the-board wage hike.

Pinuri ng Kilusang Mayo Uno (KMU) sina Rep. Carlos Padilla ng Nueva Vizcaya at Quezon City Rep. Winston “Winnie” Castelo sa pagbibigay suporta sa House Bill 375, na mas kilala bilang panukalang batas na P125 across-the-board wage hike.
Laman ng balita kamakailan si Castelo dahil sa kanyang panukalang batas na nagbabawal sa planking sa mga kilos-protesta.
Sinabi ng KMU na ang pagpirma ng dalawang kinatawan ay malaking karagdagan sa lumalawak na bilang ng mga mambabatas na sumusuporta sa naturang panukalang batas.
“Malugod naming tinatanggap ang pagsuporta nina Padilla at Castillo sa laban ng mga manggagawa para sa makabuluhang dagdag-sahod. Natutuwa kami na dumadami ang mga mambabatas na kumikilala sa pangangailangan ng makabuluhang dagdag-sahod bilang kagyat na ginhawa mula sa tumitinding kahirapan at kagutuman sa buong bansa,” pahayag ni Elmer Labog, tagapangulo ng KMU.
Noong Lunes, inilunsad ng Labor Committee sa Kamara sa pamumuno ni Northern Samar Rep. Emil Ong ang isang porum na pinamagatang “Legislators Forum on the Need for a Legislated Wage Hike.” Ginanap dahil sa kahilingan ng pangunahing awtor ng HB 375 na si Anakpawis Rep. Rafael Mariano, dumalo sa porum ang aabot sa 21 kongresista at mga staff ng limang iba pang kongresista.
Sa nasabing porum ipinahayag ng dalawang kongresista ang kanilang pagsang-ayon na maging co-authors ng HB 375.
Umaasa ang KMU na sa pamamagitan ng pagsasabatas ng HB 375, makakamit ang makabuluhang dagdag-sahod ng mga manggagawa.
Sinabi pa ni Labog na napatunayan na nilang instrumento lamang ng malalaking lokal at dayuhang kapitalista upang baratin ang sahod ng mga manggagawa ang regional wage boards.
“Nagpapasalamat kami sa mga mambabatas na nagpahayag ng pagsuporta para sa panukalang batas para sa dagdag-sahod, at hinihikayat namin ang lahat nang mambabatas na suportahan ang panukalang batas na P125 wage hike,” aniya.
Ilan sa co-authors ng panukalang batas sina Reps. Manny Pacquiao ng Sarangani, Dan Fernandez ng Laguna, Arnel Cerafica ng Taguig, Amado Bagatsing ng Manila, Marcelino Teodoro ng Marikina, Angelo B. Palmones ng Agham Party-list.
Kasama nila ang mga orihinal na author sina Rep. Teddy Casino at Neri Colmenares ng Bayan Muna, Rep. Luz Ilgan at Rep. Emmi de Jesus ng Gabriela, Rep. Raymond Palatino ng Kabataan at Rep. Antonio Tinio ng ACT Teachers.