FEATURED

Kamusmusan at loss of innocence bilang spektakulo


Rebyu ng Junior MasterChef Pinoy Edition

Rebyu ng Junior MasterChef Pinoy Edition

Ito ang unang reality TV na napanood ko na ang nagtutunggalian ay mga bata.  Ang reality TV ay nangangahulugang kumpetisyon—isang proseso ng pagkabuo ng palabas, kasama ang mga kalahok; sa bawat linggo, nadaragdagan an gpagkilala sa mga kalahok pero may maliligwak (ang pinakamahina, weakest link, pinakadi-bumaba ang timbang, pinaka-loser sa elimination challenge) hanggang sa kasukdulang pagtatapos:  ang tunggalian ng dalawa o tatlong pinaka-worthy na manalo.

Ang hosts nito ay si Judy Ann Santos, nagsimula bilang child star, at tatlong lalaking chefs:  Fernando Aracama na di na bago sa cooking show format; at Rolando Laudico at Jayp8 Anglo, na rock star ang peg bilang chefs.  Ang studio audience ay parating kalahok ang magulang at iba pang myembro ng pamilya ng batang kalahok.

Anomalya na ang mga bata sa akin ang mga kalahok.  Ang pinapalabas ay ang isang anyo ng kamusmusan na ipinapalaganap bilang normal at normatibo.  Ito ang gitnang uring kamusmusan na ang masayang pagluluto’t gawaing bahay, at ang happy family ay dapat normal.  Ang kamusmusan ay domestikasyon ng tahanan at maging showbiz (sa figura ni Judy Ann) sa ilalim ng tunggalian sa kompetisyon at kawalan-tunggalian sa lipunan.

Binubura ng Junior MasterChef ang makauring distinksyon, na bagamat may mahirap, gitnang uri at maykayang kalahok sa palabas, pantay-pantay ang lahat sa pagpapakitang-gilas at pagpapalasap ng hinandang pagkain:  kahit pa ito lutong-bahay o niluluto kapag may espesyal na okasyon, ito ay refreshing pa rin sa hosts at hurado dahil sa inaakalang napakatalento ng isang bata para gawin ang kahalintulad na ginagawa ng mga espesyalistang host, dahil napakabata pa ay napakagaling nang magluto ng kalahok, dahil hindi ito inaasahan (nang lubos) sa isang paslit.

Ang tumatahing ugnayan ng mga uri sa palabas ay ang calibration ng kompetisyon sa pagluluto.  Mahirap ka man o mayamang kalahok, kailangan pa rin may tatag ng loob at inobatibong pamamaraan sa kompetisyon, pawang mga adult na katangian.  Ang metapisika ng “pagmamahal sa pagluluto” o “kasarapang kumain” ang siyang pinapaghari sa palabas.

Siempre, ang matatalo ay ang nagluto ng pangmahirap na pagkain, tulad ng paksiw at sarsyado na hindi lamang di simple pero di panggitnang uri ang kalidad.  Mas may tsansang magtagumpay ang nagluto ng layered dish (binalot sa ham o bacon, halimbawa), at gumamit ng European sauces.  Mas marami na sa natitirang kalahok ang nasa demograpiko ng maykaya kaysa mahirap.

Gendered din ang turing sa disposisyon ng pagluluto.  Sa babaeng kontestant ay natural lamang ang pagluluto dahil ito naman talaga ang gawain ng adult na babae sa tahanan.  Sa lalakeng kontestant, ito ay kakaibang uri ng kamusmusang libangan.  Mas napapabilib ka sa lalaking kontestant dahil hindi niya normal na ginagawa ito.  At bahagi pa rin ang Junior MasterChef ng normalisasyon ng kasarian.

Ang mismong idea ng musmos ay niri-reinforce sa palabas bilang magaling na tagakopya ng hulmahang mundo ng adulthood.  Ang isang Christian na bata ay nagpapaliwanag ng kanyang paraan ng pagluluto na para nang adult na Christian.  Ang chefs ay nagpapayo para higit na pag-angkop ng kamusmusang pagluluto sa profesyonal at adult na antas.  Ibig sabihin, ang tingin sa bata ay magaling na tagagaya ng kaisipan at kalakarang (gitnang uri at class-less na) adult.

Kaya kung kausapin at ituring ang mga batang kalahok ay patronizing:  nasa platform na halos pantay sa host pero mababa pa rin sa kontestant, parang surrogate na magulang at disciplinarian, malumanay kundi man magiliw ang tono, kahit na niligwak na nila ang isang bata, at puri’t kritisismong maiintindihan sa lebel ng bata.

Ito ang atraksyon at giliw ng palabas:  ang gentrifikasyon ng child labor.  Hindi nagtratrabaho ang bata para makatulong sa finansyal na pangangailangan ng pamilya, o inabandona kasi ng mga magulang.  Nagtratrabaho ang bata dahil masaya’t gusto niya ito, dahil nakikita niya ang kanyang pagkatao’t halaga sa gawain.

Ang pinapanood ay ang loss of innocence sa dalawang antas:  una, sa komunidad ng kontestant, ang paglaho ng halaga ng bata sa kompetisyon kapag ito ay sumabak sa gawain at naligwak; at ikalawa, sa komunidad ng manonood, ang projeksyon ng sariling kamusmusan na di naman niya dinanas noong siya ay musmos pa.

Siya mismong manonood ay tinanggalan ng estado ng kamusmusan, at ang kanyang pinapanood ay ang nawalang kamusmusang ipinagkait sa kanya, at patuloy na ipinagkakait sa mga anak, pamangkin at inaanak, pati ang natatanaw niyang batang kalye’t batang trapo.