Detenidong makata, finalist sa pandaigdigang gawad sa sining
Ang Pilipinong makata at bilanggong pulitikal na si Ericson Acosta ay napili bilang isa sa tatlong finalist sa prestihiyosong 2011 Imprisoned Artist Prize ng organisasyong Freedom to Create.

Napili bilang isa sa tatlong finalist sa prestihiyosong 2011 Imprisoned Artist Prize ng organisasyong Freedom to Create ang Pilipinong makata, musikero, aktibista at bilanggong pulitikal na si Ericson Acosta.
Ang dalawa pang finalist ay ang musikerong si Win Maw ng bansang Burma at ang filmmaker na Dhongdup Wanchen ng Tibet.
Ang Imprisoned Artist Prize ay isa sa mga award na iginagawad ng Freedom to Create, isang pandaigdigang organisasyon na nagsimula noong 2008 sa layuning “ipagbunyi ang tapang at pagkamalalikhain ng mga artista at ang positibong impluwensiya ng kanilang mga likha sa pagtataguyod ng katarungang panlipunan at sa pagbibigay-inspirasyon sa makataong diwa.”
Si Acosta, na dating editor ng Philippine Collegian sa Unibersidad ng Pilipinas at kasalukuyang kolumnista para sa Pinoy Weekly, ay ang tanging Pilipinong finalist sa Freedom to Create Awards.
Ang Imprisoned Artist Prize ay iginagawad sa mga alagad ng sining na ibinilanggo “dahil sa kanilang tapang at pagkamalikhain sa kanilang sining, at sa papel ng kanilang mga likha sa paglalantad sa inhustisya.” Ang magwawagi ay mananalo ng USD$25,000, na gagamitin upang makatulong sa pagpapalaya ng artista, at para sa mga adbokasiya at kampanya para sa kaniyang kalayaan.
“Ngayong 2011, nakatanggap kami ng mahigit 2,000 kalahok mula sa mahigit 145 bansa sa buong daigdig. Ang kabuuang pondo para sa premyo ay US$100,000 at igagawad sa magwawaging mga artista at sa kanilang mga nominadong organisasyon na magsusulong ng adbokasiya na isinasaad sa kanilang mga likhang-sining,” ayon sa website ng nasabing grupo.
Kabilang sa mga hurado ng timpalak ang aktres na si Daryl Hannah, ang nobelista na si Salman Rushdie at ang danseur na si Mikhail Baryshnikov. Ang mga magwawagi ay paparangalan sa Freedom to Create Award Festival sa Nobyembre 19 sa Cape Town, South Africa.
Si Acosta ay isang makata, kompositor, mamamahayag at manggagawang pangkultura na inaresto ng militar habang nagsasagawa ng pananaliksik sa kalagayan ng karapatang pantao sa Barangay Bay-ang, San Jorge, Samar noong Pebrero 13, 2011. Sinampahan siya ng kasong illegal possession of explosive at kasalukuyang nakadetine sa Samar sub-provincial jail sa Calbayog City. Ang mga abugado ni Acosta ay naghain na sa Department of Justice (DOJ) ng isang Petition for Review sa kanyang nitong Setyembre 1.
Kahit sa bilangguan, sinisikap ni Acosta na marinig ang kanyang sining at musika. Ang kanyang mga awit ay maririnig sa “Prison Sessions,” isang recording na naka-upload sa internet kung saan inawit ni Acosta ang kanyang mga komposisyon. Mayroon din siyang talaarawan sa bilangguan, Jailhouse Blog na isa ring kolum ngayon dito sa Pinoy Weekly.
Nanawagan ang pamilya at mga tagasuporta ni Acosta kay DOJ Sec. Leila de Lima upang agad na iatras ang gawa-gawang kaso laban sa makata. Kabilang sa kanyang mga taga-suporta ay ang mga opisyal ng National Commission for Culture and Arts (NCCA), sina National Artist for Literature Bienvenido Lumbera at F. Sionil Jose, ang Philippine Center of International PEN(Poets & Playwrights, Essayists, Novelists), Concerned Artists of the Philippines, at mga fellow at panel ngUniversity of the Philippines National Writers’ Workshop .
Ang kampanya para sa pagpapalaya kay Acosta at sa iba pang bilanggong pulitikal ay umaani ng suporta maging sa labas ng bansa, Nagpahayag ng suporta kay Acosta ang mga kapwa-artista at manggagawang pangkultura mula sa USA, Canada, Europe at Asya na dumalo sa International Conference on Progressive Culture na ginanap sa Maynila nitong Hulyo. May mga pagtitipon na ginanap bilang suporta sa pagpapalaya kay Acosta sa The Netherlands at Canada. Nitong nakaraang Nobyembre 10, itinanghal ng grupong Sinagbayan sa Hong Kong Baptist University ang “Seven Bolos” na sayaw-interpretasyon sa mga tula ni Acosta na may pamagat na “Pitong Sundang.”
“Ang pinakamagandang premyo ay palayain (siya)!” reaksiyon ng pamilya ni Acosta sa nominasyon ng Freedom to Create.