Sa kanto ng wala at kawalan
Rebyu ng Sa kanto ng ulap at langit (Mes de Guzman, dir., 2011)
Rebyu ng Sa kanto ng ulap at langit (Mes de Guzman, dir., 2011)
May natatanging kontribusyon si Mes de Guzman sa kasalukuyang alon ng indie cinema. Una, sa usapin ng nilalaman ng pelikula, ang paglahok ng rehiyon at probinsyal sa pambansang pagdanas ng indie cinema, lalo na ang isyu ng etnisidad na lalong nagkomplika sa usapin ng pambansang cinema at ang layon ng indie cinema na maging alternatibong tinig ng pelikula at bansa.
Ikalawa, sa usapin ng porma ng pelikula, ang mabagal na kwento at pacing, lingering na sinematograpiya, at ang unti-unting pagkasadlak ng buhay ng mga tauhan sa predikamentong kanilang kinapapalooban, na siyang nagluwal ng stilong metapisika sa pelikula sa bansa.
Ang Sa kanto ng ulap at langit ay karagdagang artikulasyon ng sinematikong bisyon ni Mes. Tulad ng marami sa kanyang naunang pelikula, ito ay kwento ng mga bata, ngayon sila ay tambay at sa kalye namumuhay, at ang pang-araw-araw na daloy at pagsikip ng kahon ng buhay, dito naman ay sa isang munti at tipikal na syudad.
Ang naiisip kong kahalintulad ng stilo ng pelikula ni Mes at ng iba pang indie filmmakers (si Brillante Mendoza, halimbawa, sa Kinatay) ay ang metapisikal na angst ng Iranian films. Ukol sa mga problema ng indibidwal na may pinagdadaanang sikolohikal na karanasan na may kapasidad na makapag-ugnay sa karanasan ng bansa, ang Iranian films, tulad ng representatibong direktor nito si Abbas Kiarostami, ay nakakapanghimok di lamang ng emotibong dating, maging ng intelektwal na dating.
Ang angst ay isang pakiwaring agam-agam na may karagdagang pagdurusa dahil naghahanap ng solusyon, way out, relief, bakasyon at pagwawakas mula sa kondisyong nagdudulot ng agam-agam. Kung agam-agam lang ito, anxiedad lang ito, hindi angst.
Si Mes ay isang kwentista at mulat sa tradisyon ng kathang Filipino. Mula sa kilusang Agos sa Disyerto simula dekada 50, ang tauhan, tulad sa bayani ni Aristotle, ay unti-unting bumabagsak mula sa kinasadlakan tungo sa hantungan dahil sa inherikong makataong katangian nito. Sa kilusang Sigwa simula ng dekada 60, ang preskripsyon ay panlipunang pagbabago.
Bahagi si Mes ng grupong Katha simula dekada 80 na ang naging tunguhin ay explorasyon ng iba pang kategorya ng pagkatao: bakla, katutubo, batang kalye, suicidal na college student, at iba pa. Nang sumanga si Mes sa pelikula, kailangan niyang maisaad, tulad ng maikling kwento, ang kapasidad ng porma na makapagbalangkas ng “poetika ng karanasan.”
Na kapag nagbabasa ng kwento o panitikan, kailangang mapaisip ng manunulat ang mambabasa sa kalakaran ng pagbuo ng kwento, halimbawa, at sa nilalaman nito para makapagsaad ng malalimang kaalaman hinggil sa buhay, lipunan at kasaysayan. May kahalintulad na pagtatangka si Mes na iintelektwalisa ang feature narrative film sa antas ng meditasyon hinggil sa buhay at bansa.
Magagawa lamang ito sa kasalukuyang pagkaunlad ng indie cinema. Kung si Lino Brocka ay nagtangkang ipolitisa ang buhay ng kanyang mga tauhan sa mas malaking kondisyong panlipunan at pampamahalaan, at si Ishmael Bernal ay mas poetikang imahinasyon ng mga predikamento’t pagkasadlak ng buhay sa isang mapanupil na kaayusan, ang kasalukuyang indie cinema ay naglahok ng idioma ng neoreolismo.
Kadalasang isang maikling yugto lang ng buhay ng subalternong tauhan sa bansa, ang elaborasyon ng kasadlakan at ang pagtatapos na bukas—na patuloy pa rin ang ganitong klaseng buhay sa ganitong klaseng lipunan. Kaya madilim ang mundo ng indie cinema dahil ang bigat na inakong papasanin sa mga tauhan ay hindi kayang maresolusyonan sa pagtatapos ng pelikula.
Isa itong anyo ng nihilismo o ang patungkol sa wala at kawalan ng kahulugan ng buhay. Pero ito ay “produktibong nihilismo” dahil kayang ipag-ugnay ng pelikula ang mga institusyon na nagdulot ng abang kondisyon, ang mismong failure at abadonment ng estado.
At ito ang antas ng aking tuwang karanasan at pakikisangkot sa mga pelikula ni Mes, kahit pa walang nakakatuwa sa mga abang tauhan at higit pang pagkasadlak sa mas abang kalagayan ng mga ito. Na may puwang para sa abstraksyon ng kwento’t pelikula, na hindi na lamang ito tungkol sa buhay ng mga tauhan kundi tungkol sa buhay nating lahat sa ilalim ng bumibigo’t nag-aabandonang estado.