Karapatang Pantao

Mga pandaigdigang grupo, nadismaya sa human rights record ni PNoy

Pinaalalahanan ng mga pandaigdigang grupong pangkarapatang pantao ang administrasyong Aquino na tupdin ang mga pangakong pagrespeto sa karapatang pantao ng mga mamamayan.

Gary King ng Amnesty International-Minneapolis, USA. (Ilang-Ilang D. Quijano)
Gary King ng Amnesty International-Minneapolis, USA. (Ilang-Ilang D. Quijano)
Gary King ng Amnesty International-Minneapolis, USA. (Ilang-Ilang D. Quijano)

Pinaalalahanan ng mga pandaigdigang grupong pangkarapatang pantao ang administrasyong Aquino na tupdin ang mga pangakong pagrespeto sa karapatang pantao ng mga mamamayan.

Nagsalita ang isang kinatawan ng Amnesty International sa US para ihayag ang pagkaalarma sa laganap pa ring mga abuso ng mga ahente ng gobyerno sa ordinaryong mga mamamayan, laluna ang mga aktibista at lumalaban sa gobyerno.

Nasa Pilipinas si Gary W. King, pinuno ng Minneapolis Chapter ng Amnesty International USA, para imbestigahan ang kaso ng detenidong pulitikal na si Ericson Acosta at desaparecido na si James Balao.

President Aquino has done nothing of substance to change the human rights situation here,” sabi ni King, sa isang press conference sa Quezon City.

Samantala, naghayag naman ang Human Rights Watch (HRW), isang institusyong nakabase sa New York, na nadidismaya sila sa tila hindi pagtupad ng administrasyong Aquino sa mga ipinangako nitong mga hakbang upang matapos ang  impunity, o kawalan ng pananagutan sa mga abuso.

After a year and a half in office, President Aquino should be delivering on his promise to end impunity for rights abuses,” ani  Elaine Pearson, deputy director sa Asya ng HRW. “His administration will ultimately be measured by what it achieves, not by his stated intentions.”

Sinabi rin ni King na wala masyadong pagbabago ang sitwasyon ngayon ng karapatang pantao sa bansa kumpara noong 2006, nang maglabas ang Amnesty International ng ulat hinggil dito.

Hindi rin natutuwa ang HRW sa patuloy na di-pagkahuli ng gobyerno kay dating heneral Jovito Palparan Jr., na pangunahing suspek sa maraming kaso ng paglabag sa karapatang pantao at may warrant of arrest na inilabas ng Malolos Regional Trial Court.

The arrest and prosecution of Palparan would be the most significant move against impunity for military abuses in the last decade,” sabi pa ni Pearson. “But the government should be more proactive in investigating killings and torture, arresting suspects, and vigorously prosecuting them.”

Sinabi ng HRW na patuloy silang nakakapagtala ng mga kaso ng pamamaslang at pagdukot, tulad ng pitong kaso ng extrajudicial killings at tatlong kaso ng sapilitang pagkawala sa ilalim ng administrasyong Aquino.

Ibinigay na halimbawa ng grupo ang kaso ni Abdul-Khan Balinting Ajid na isang panadero sa Basilan, na hinubaran ng mga sundalo, inabuso at sinunog ng buhay ngunit nananatiling “restricted” sa baraks ang mga sundalong nasasangkot at walang kasong isinampa laban sa mga ito.

Di rin natuwa ang HRW na dinepensahan pa ni Aquino ang militar, na aniya’y kulang sa kasanayang militar laban sa komunista at mga armadong grupo sa Mindanao.

Nakakadismaya rin umano ang kabiguan ng adminstrasyong Aquino na buwagin ang mga private army ng mga pulitiko, panginoong maylupa at iba pang maimpluwensiya sa bansa. Itinanggi kasi ni Aquino na ibasura ang Executive Order 546, na ginagamit ng mga pulitiko upang magkaroon ng pribadong puwersa.

It beggars belief why two years after the Maguindanao massacre, Aquino still has not dismantled the country’s paramilitary forces.  Both government forces and armed rebels should ensure compliance with the laws of war and protect ordinary civilians, who bear the brunt of the conflict,”  ani Pearson.

Sumang-ayon dito si King ng Amnesty International, na nagsabing halip na lusawin ni Aquino ang mga tropang paramilitar at private armies, lalo pa niya tong pinalakas sa pamamagitan ng deklarasyon noong 2011 na dapat tumulong ang private armies sa seguridad ng mga kompanya ng pagmimina.

We don’t think that private armies have any role in law enforcement…We also have issues with the recognized para-military groups such as the Cafgu (Citizens Armed Forces Geographical Units), with how well they are controlled and monitored,” ani King.

Pagtatapos ni King, palagay niyang alam ng gobyerno kung ano ang dapat gawin. Mayroon umano itong mga batas at rekurso, pero tila di ito desididong itigil ang impunity sa bansa.