Uncategorized

Ang pagpapakita ni KC Concepcion ng kanyang pige, atbp. makukulay na kaganapan


Isa na namang makulay, madula, matsismis, madrama, malalim, matunggali, malawak, matintriga, masalimuot at komprehensibong showbiz ang umikot at inikutan nating lahat sa linggong, namamalayan man natin o hindi sa gitna ng matitindi ring kaganapan sa labas ng industriya na kumikipil ng kamalayan ng bawat isa sa atin. Sumalipawpaw ang pagpapakita ni KC Concepcion ng kanyang […]

KC Concepcion: Mas daring pa kaysa dito sa isang lifestyle magazine.
KC Concepcion: Mas daring pa kaysa dito sa isang lifestyle magazine.

Isa na namang makulay, madula, matsismis, madrama, malalim, matunggali, malawak, matintriga, masalimuot at komprehensibong showbiz ang umikot at inikutan nating lahat sa linggong, namamalayan man natin o hindi sa gitna ng matitindi ring kaganapan sa labas ng industriya na kumikipil ng kamalayan ng bawat isa sa atin.

Sumalipawpaw ang pagpapakita ni KC Concepcion ng kanyang pige (bagamat naka-bikini) at nagulat ang marami samantalang nagtatawa lang ang kanyang inang si Sharon Cuneta at ipinagtatanggol naman siya ni Boy Abunda.

Sinilipan naman ito ng mga intrigero’t intrigera ng isyu at sinabing mula nang magkahiwalay sila ni Piolo Pascual ay naging mas mapangahas ang batang aktres.

Samantala’y patuloy ang post-production ng nakakaintriga at kontobersyal na Fil-Briton na filmmaker na si Jowee Morel para sa pelikula ni Pilar Pilapil tungkol sa pagtatrabaho ng Overseas Filipino Worker sa London na “Leona Calderon.”

Kumuha naman ng transcript of records ang bulag na mister ni Pia Pilapil na si Gerry Gonzalo sa De La Salle University sa Taft Avenue sa Maynila para sa pagtatrabaho niya dito man o sa ibayong-dagat.

Pumirma naman ng sampung taong kontrata sa Regal Entertainment ang batang aktres na si Ria Garcia, ang katambal ni Jason Abalos sa pag-i-endorso ng Cotton Club at tuwang-tuwa ang ina nitong si Puloy Cadayona.

Sa gitna ng paglagdang ito ni Ria ay lumuha si Victor Wood sa mga komposisyon ng anak na singer at kompositor na si Simon Wood dahil nagbunga na ang pag-aalaga ng ama sa mga talento ng anak sa musika.

Nagtapat naman si Eric Vijandre kay Garcia na iniyakan niya ang pakikipagkalas sa relasyon kay Marian Rivera na humigit-kumulang sa pitong taon nilang pag-iibigan.

Inaakusahang kleptomaniac ang batang aktres na si Mara Yokohama pero itinanggi niya ito at dedma lang sa mga paratang pero alam niya kung saan nagmumula ang mga intriga sa hanay nilang mga natitira pang kalahok sa “Survivor Philippines Celebrity Doubles” ng GMA Network.

Lumipat naman mula sa Channel 7 at Channel 11 si Iza Calzado para pumirma ng kontrata sa ABS-CBN dahil tinupad niya ang hiling ng namayapang amang si Lito Calzado na pagbigyan ang ibang himpilan at dahil nais din niyang lumawak pa ang kanyang karanasan.

***

Hinarana naman nang bonggang-bongga ni Xian Lim si Kim Chiu at sapat na nga kaya ito para mapaibig niya ang mestisang Koreyana?

Paano na si Gerald Anderson na balitang patay na patay kay Sarah Geronimo at ang dalaga naman ay naiuulat na may espesyal na relasyon kay John Lloyd Cruz?

Patuloy namang nagniningning ang relasyong Angel Locsin at Phil Younghusband at magiging mas pulang-pula at rosas na rosas ang kanilang nalalapit na Valentine’s Day.

Makikipagtuos naman mula sa ika-9 ng Pebrero ang “Captive” ng 2009 Cannes International Film Festival Palm d’Or Best Director na si Brillante Mendoza sa 62nd Berlin International Film Festival kung saan matitinik na mga pelikula mula sa iba’t ibang bansa ang makakalaban ng kanyang obra.